Sunday, April 16, 2017

TUNAY NA PAGSAMBA AT PAG DAKILA SA DIYOS

Mayroong isang tao na may dalang mga bulaklak na dadalhin sana niya sa isang rebulto ng diyos ng kanilang pamilya. Sa kanyang paglalakad ay narinig niya ang isang pangangaral na hango sa mga aral ng P. Yeshua. Ito ang nadinig niyang mga aral,
"Ang kaharian ng Diyos ay nasa sa inyong mga kalooban. Ang sumasampalataya sa akin ay sumasampalataya din sa aking Ama. At magkagayon ako ay mananahan sa kanila at ang Ama ay mananahan din sa kanila. ..anoman ang gawin ninyo sa maliliit kong mga kapatid na ito ay katotohanang sa akin ninyo ginawa!"
Sa siya ay nadaan sa isang bangketa na doon ay may namamalimos na matandang babae, sa gawi pa doon ay nakahiga ang isang sanggol katabi ang kanyang nakakatandang kapatid na bata din,..sa isang iglap ng ala ala, sabi niya, sa rebulto na pupuntahan ko para dalhan ng bulaklak ay di gumagalaw, di nakakapagsalita, at hindi nakakarinig. Wala sa kanya ang kaharian ng Diyos, wala sa kanya ang P. Yeshua at wala din sa kanya ang Ama.
Ang wika, anoman ang gawin ninyo sa maliit kong mga kapatid na ito ay sa akin, sa P. Yeshua, ninyo ginagawa.
Ang ginawa ng taong iyon, ang kanyang dalang bulaklak ay sa matandang babaeng pulubi niya ibinigay at hinagkan niya ito na wari ay ito ang P. Yeshua sa anyo at mukha ng matanda; naglabas din siya ng natitira niyang salapi at ibinigay na limos sa magkapatid dahil sa nakita ng kanyang pananampalataya na ang mga ito ay ang P. Yeshua na nakabalatkayong mga batang pulubi.
Si Mother Teresa ay ganito ang karisma at pananampalataya, literal niyang sinampalatayanan na ang bawat tao ay mukha ng P. Yeshua. Gayon din si San Franciso ng Assisi at marami pang iba.
Mas higit na kailangan ng buhay na tao ang pagmamahal kaysa rebulto o imahen. Hindi ko ito minamasama subalit kasabihan na ang lahat ng labis ay hindi nakabubuti. Mas nabibihisan ng tao ngayon ang mga rebulto at mas inaalagaan nila ito kaysa sa kapwa tao na may HININGA NG DIYOS sa kanilang mga katauhan, na para sa kanilang kalinga kaya nagwika ang P YEshua na gawan sila ng kabutihan dahil iyon ang tunay na susi sa kaligtasan ng kaluluwa ng tao.
Sa panahon ng Espiritu Santo at kung ito nga ay sadyang panahon Niya, ang hula at winika ng P. Yeshua ay ito - DARATING ANG PANAHON NA ANG TUNAY NA MANANAMBA NG DIYOS AY SA ESPIRITU AT SA KATOTOHANAN.
Paano ba ang pagsamba sa Espiritu at sa Katotohanan, maliwanag ang wika at turo ng P. Yeshua - SAMBAHIN ANG PANGALAN MO. Ipinasasamba sa atin ang Pangalan ng Diyos. Ang panahon ng Espiritu Santo ay panahon ng spiritwal na pagsamba at ito ay dapat na senyales ng pag aangat ng antas ng kamalayan ng tao higit sa nakasanayang makalumang pamamaraan.
ANG TUNAY NA SPIRITWAL AT MANANAMBA SA ESPIRITU AT KATOTOHANAN ay hindi nangangailangan ng rebulto, imahen at iba pa, kundi gamit ang mata ng pananampalataya, makikita niya na ang bawat tao, anoman ang paniniwala, kulay o wika, ay pawang mga imaheng buhay, rebultong buhay ng TUNAY NA DIYOS na ang pag gawa sa kanila ng kabutihan ay may ganting pangako ng TUNAY NA KALIGTASAN.