Ave Maria Purissima,
Nais kong ibahagi sa inyo mga kapwa ko hinirang ng Mahal na Ingkong ang kasaysayan ni Samuel Beli-beth. Marahil naririnig nyo na ang pangalang ito ngunit di ninyo alam kung sino ba siya at ano ang kanyang kasaysayan. Mula sa aklat ng ANG MARTIR NG GOLGOTHA nilimbag sa wikang Tagalog taon1911 at 1914.
..Sabihin mo sa amin profetang sinungaling, ang wika naman nang isa, na idiniin pa muna niya sa ulo ang coronang tinik nang dulo nang sibat, sa pagka sa pagkaparapa ay napakiling yaon ng kamunti sabihin mo sa amin kung kaylan lalagpac ang templo, at kailan darating ang iyong mga legiones na angeles, na sa iyo, ay mag sasanggalang?
Sumpa ko kay Jupiter, na walang salang di magkakaroon tayo nang isang malaking pagbabaka. Makibabag sa tao, ito ay siyang karaniwan, ngunit makilamas sa mga Angeles, O, ito ay ibang iba na. Wala akong hinihinging iba sa mga diyoses ng Olimpus kundi ang kapalarang ito , ha ha ha ha.
Itong kalapastanganang halakhak, ay sinundan ng karamihan.
isinundo ni Hesus yaong kaniyang lipos hirap na paglalakad at inuulit nang wikang marahan.
PATAWARIN MO PO SILA, AMA KO, HINDI NILA NATATANTO ANG KANILANG GINAGAWA
Hanggang ito ay nangyayari, winika ng Birhen Maria kay Juan. Tayo na sa Kalbaryo, ibig kong makita ang aking anak. Yaong mga santang babae, ang minamahal na disipulo ni Hesus, ay sumunod sila doon, sa inang tigib ng hapis.
Lumagay si Maria sa Via Sacra at dumoon sa dakong pagdaraanan ng kanyang anak. Dito sila napaluhod, linigid naman siya ni Magdalena, ni maria cleofe, ni maria salome at ni Juan.
Walang masapit ang pagpupumilit, na maaliw nilay yaong nagkakawasak wasak na puso. Unti unting lumalapit ang sigawan at ingay. Nakakalakad na si Hesus nang mga anim na pung hakbang mula doon sa unang pagkadapa, nang masumpongan niya ang kanyang ina na gumamit nang isang lakas na di ugali, at nang dumapa, sa paanan ng kanyang anak.
Pinagpilitan ng ilang sundalong, itaboy siya ng sibat. Tiniis nang mahal na Birhen yaong matitinding dagok, na hindi rin inahihiwalay ang mga lumulungoy niyang mata doon sa linarawan ng sakit na ginigiliw nyang si Hesus.
Dito nangyari ang isang bagay na nakapang lalambot. Isang berdugong tampalasan, isa doon sa mga brucianong itinalaga sa opisyong tagapatay dahil sa kanyang maga katampalasanan ay dumampot ng isang dakot na pako doon sa buslong dala niyaong bata at ipinukol sa mukha ni Maria at ang wika:
Galilea, aniya, tanggapin mo iyan, iyan ang paala alang pang kamatayan, na ibinibigay sa iyo ng iyong anak, ng propeta sa Nasareth. Nag ibig tumakbo ni Hesus at saklolohan ang kanyang ina; ngunit ay napasalawit ang kaniyang mga paa sa tuniko, at naparapa na naman ang kaniyang kamahal mahalang noo sa mga matitigas na bato niyaong lansangan.
Anak, nang aking kaluluwa, ang sigaw ng mahal na birhen, sigaw na hindi makapag mumula sa iba, kundi sa puso na nga lamang ng isang ina.
Si Hesus, panatag, kahit maputla at nanghihina, tiningnan niya nang isang tinging may hapis ang kanyang ina at nang makapaniin na siya sa ibabaw ng kaniyang isang tuhod ay winika niya
MABUHAY KA BULAKLAK NG KAPAITAN, MABUHAY KA, MANINGNING NA TALA SA UMAGA, MABUHAY KA INA KO, sumagot ang Nazareno nang boses na matamis.
Datapwat bago maidampi ng ina at mahagkan nang kaniyang mga labi ang noong sugatan ng kaniyang anak ay inihiwalay na ito sa kaniya pagdaka niyaong mga malulupit na berdugo.
Nabuwal si Mariang walang diwa sa kamay ni Magdalena. Tinakpan siya ni Juan ng kaniyang balabal ang katawan niyaong martir na ina. Ang mairuging dalaga sa Magdalo ay tinitingnan niya nang isang tinging puspos ng sinta at kahapisan si Hesus at pagdaka ay isinundo nang pulotong ang kaniyang nahintong lakad.
Ang karamihan ay nangasisigawan sa buong paligid ligid nang Martir, na ang isinisigaw ay MABUHAY SI BAR ABBAS, Mamatay ang Galileo.
Ngunit si Hesus, ang maamong kordero, ang kaibigan nang mga nag daralita, ang Manunubos nang mundo ay lumakad, na nadadaganan ng bigat niyaong kahalay halay na kahoy at inuulit ulit nang marahang pangungusap yaong
HERUSALEM HERUSALEM MAKAILANG PINAGPILITAN KONG TIPUNIN ANG IYONG MGA ANAK PARIS NANG PAGTIPON NG INAHIN SA KANIYANG MGA INAKAY SA ILALIM NG KANIYANG MGA PAKPAK, NGUNIT TUMANGGI KA.
Nalalakad na marahil ni Hesus ang kalahatian nang lansangan nang kahirapang yaon, nang maghinto Siyang ikatlo dahil sa naubosan siyang totoo ng lakas.Nanghihina na ang kaniyang mga hita, ang paghinga niyang gipit ay siyang nagpapaumbok na parang hinihinigal sa dingding nang kaniyang dibdib.
Ilang mga maralita sa arrabal ng Ofel, at ilang mga babae namang pinagmilagrohang, pinagaling ni Hesus sa kani kanilang mga sakit ay nagsisipanangis , na nanambitan, at sumusunod sa paglalakad nang Martir. Ang mga luhang ito ay siyang nakagising sa pagkakatuwa ng mga berdugo.
Itinaas ni Hesus na parang hindi niya kalooban ang kaniyang maganda at sugatang ulo. Mga ilang hakbang lamang mula roon sa kaniyang kinatatayuan ay mayroong isang bahay na sa ibabaw nang kaniyang pintuan ay may isang malagong balag ng ubas na ginagapangan ng kaniyang mga sariwang sanga.
Sa ilalim nitong kulay berbeng bubong ay mayroong isang balon at sa ibabaw nang labi nito ay mayroon namang isang bangang puno nang malamig at malinaw na tubig. Sa siping nang balong ito ay may nakatayo sa ibabaw ng isang bankong bato, isang lalaking mahagway na ang anyo ay tila nag hahamon.
Ang lalaking yaon ay siya, ang bumigay niyaong maugong na halakhak. Yaon ang nag nga ngalang SAMUEL BELI-BETH. Purihin itong naparirito sa ngalan ng di nakikilalang Diyos ng Israel, ang sigaw ni Belibeth, na sadyang tinutuya si Hesus; at di umano raw ay mamamatay Siya, sa pag tubos sa tao!...Ha ha ha ha
Marangal ngayon ang Golgotha dahil sa pagpaparusa sa iyo. Lumuha kayo mga mapagkunwang babae ng Herusalem. Tangisan ninyo ngayon iyang mago, iyang mandarayang propeta, iyang mapagsali salita Ha ha ha.
At mainam na pagtatawa niyaong tampalasan na parang isang kondenado.
SAMUEL, ang wika ni Hesus, AKO AY TOTOONG NAUUHAW. PARANG LIMOS MO NA SA AKIN, ABUTAN MO LAMANG AKO NANG KAUNTI NIYANG TUBIG, NA NASASA IYONG BANGA!
Lumakad ka propetang sinungaling, ang sagot ni Samuel. Matutuyuan ang aking balon, pagka inom ng iyong mga sinumpang labi ang kaniyang tubig.
SAMUEL, ani Hesus na muli sa kanya, PARANG AWA MO NA SA AKIN, PABAYAAN MO LAMANG AKONG MAGPAHINGANG SANDALI DIYAN SA LILIM NG IYONG BALAG; SAPAGKA HINDI NA LAMANG AKO MAKAKAYA SA PAGOD, PABAYAAN MO MUNA AKONG UMUPO SANDALI DIYAN SA BANKO NANG IYONG PINTUAN.
Lumakad ka, manggagayumang sinumpa! ang tugon ni Samuel, Sa hipo mo lamang ay marahil mangalanta ang mga sariwang usbong aking ubas.
SAMUEL, umulit pa manding nangusap si Hesus: MAAARI PANG MAKALIGTAS KA, TULONGAN MO LAMANG AKO, SA AWA, NA MAGTAGAL NITONG KRUS HANGGANG SA KALBARYO, SAPAGKA AKO AY INALULUGMOK NANG KANIYANG MATINDING BIGAT AT NAUUBOS NA ANG AKING BUONG LAKAS.
Ha ha ha ang sigaw ni Samuel, di baga ikaw ang anak ng Diyos. Kung gayon nga ay bakit hindi mo tawagin ang mga angheles. Lumakad ka nga mapagsalita, lumakad ka, manggagayuma, lumakad ka, lumakad ka.
At biglang itinulak si Hesus na naparapa na namang ikatlo sa pintuan niyaong tampalasang Hudyo, walang awa walang puso at walang habag. Nagbangong unti unti si Hesus. Iniatang na naman niya rin sa kaniyang kanang balikat yaong mabigat na kahoy, tiningnan si Samuel nang may halong awa at bago nagsaysay.
IKAW NA ANIYA ANG HUMATOL SA IYO, SIYA MONG IBIG. INIALOK KO SA IYO ANG PARAISO NG AKING AMA; NGUNIT ISINAGOT MO SA AKIN: LUMAKAD KA. PINAGPILITAN KITANG BIGYAN NG TUBIG NA PUMAPATID SA UHAW NA WALANG HANGGAN NGUNIT ISINAGOT MO SA AKIN: LUMAKAD KA LUMAKAD KA. HUMINGI AKO SA IYO NG ISANG MAUUPUAN AT NANG MAPAGKALOOBAN KITA NG ISANG TRONO DOON SA KAHARIAN NANG LANGIT; NGUNIT ANG ISINAGOT MO SA AKIN AY LUMAKAD KA LUMAKAD KA.
KUNG GAYON, SAMUEL BELIBETH; AKO AY LALAKAD NGA AT MAKAPAGPAHINGA NGUNIT IKAW AY LALAKAD NA WALANG PAHINGA HANGGANG SA AKO AY BUMALIK. PANGANGANLAN KA NG MGA PANAHONG SUSUNOD; ANG JUDIO ERRANTE (O PAGALA GALA). ANG HAKBANG NG IYONG MGA PAA AY HINDI NA MATITIGIL K AYLAN PA MAN. HINDI KA MAMAMATAY NGUNIT ANG HINDI MO PAGKAMATAY NA ITO AY SIYA MONG LALONG KAPARUSAHAN.
IHANDA MO NA ANG IYONG SANDALYAS. IHANDA MO NA ANG IYONG TUNGKOD SA PAGLALAKAD. AH WALANG PALAD. WINIKA MO SA AKIN LUMAKAD AKO NGUNIT NGAYON IKAW ANG LALAKAD HANGGANG SA KATAPUSAN NG MGA PANAHON.
LUMAKAD KA LUMAKAD KA SAMUEL BELIBETH, SINUMPA KANG PARIS NG IYONG BAYAN, MAGLALAGALAG KA RING PARIS NAMAN NIYA SA BUONG MUNDO HANGGANG SA ARAW NANG KAHULI HULIHANG PAGHUHUKOM.
Hinaplos ni Samuel nang kamay ang kaniya ring mukha tila mandin siya nakakita ng isang bagay na di gawa ng tao. Isang diyademang ilaw, na sumipot sa paligid ligid ng mukha ng Nasareno ay siyang sumilaw sa kanya.
Nanghina ang kaniyang mga hita at kaya ay napilitan siyangumupo sa bangko ng pintuan at nang huwag siyang malugmok. Dito sa oras na ito, ay siyang paglabas doon sa bahay ng kapatat ng isang babaeng may dalang isang lienso sa kamay. Ito ay si SERAFIA. (Lienso o panyo o tuwalya)
Lumapit sa Galileong Dios, ang mukha ay naliligo na sa pawis at dugo, at lumuhod sa harap nito at ang wika. POON KONG HESUS, aniya, PAHINTULOTAN MO PO NA ITONG ABANG MAKASALANAN AY PUMAH.ID SA IYONG KAMAHAL MAHALANG MUKHA NITONG LIENZONG HABI NANG KANIYANG SARILING KAMAY.
Pinahiran nga ni Serafia ang pawis na umaanod sa mukha ni Hesus. Diyos ang gumanti sa iyo, babaeng maawain, ang wika sa kaniya ni Hesus. Tingnan mo ngayon ang inihahabilin ko sa iyong lienzo.
Napasigaw si Serafia sa tuwa. Binakod siya ng ilang babae. Sa tatlong pagkaka tiklop nang lienzo ay nalimbag ang buong mukha nang martir. Bawat isa niyaong matutulis na tinik ay bumubuga nang isang sinag na ilaw. Natilihan si Serafia. Bago isinundo ni Hesus ang kaniyang lakad ay nagsalita munang muli.
SERAFIA IWAN MO ANG DATI MONG PANGALAN AT MAG NGALAN KA MULA NGAYON NANG VERONICA, SA PAGKA INAHAHABILIN KO SA IYONG MGA KAMAY ANG MISTULA KONG LARAWAN.
At pagtapos ay isinundo yaong kaniyang mapait na paglalakad, patumpa doon sa bundok nang mga bungo o kalbaryo, sapagka dito dapat pumanaw ang kahuli hulihan niyang hininga sa pagtubos sa kasuklam suklam na sala ng buong katauhan.