Tuesday, April 18, 2017

RELIHIYON - PINAGHIHIWA HIWALAY ANG TAO? NANGYAYARI BA?





May isang pamilyang Romano Katoliko, ang ama, ina, tatlong mga anak na pawang mga nasa elementarya pa. Tuwing linggo nagsisimba silang magkakasama. 

Sa lahat ng kapistahan at okasyon ng simbahang Katoliko sila ay nangingilin, ginaganap ang hinihingi ng simbahan. Dumating ang isang pagkakataon na tumanggap ng block Rosary ang pamilya mula sa isang samahang Katoliko na umaakyat sa Sacrifice Valley. Naakit dito ang ina kaya naging aktibo sa pagsama sa pagbabahay bahay ng Block Rosary.

Lumipas ang panahon, lumaki ang mga bata at nakakilala ng mga kaibigan na mula sa ibang relihiyon. Ang pinakamatanda ay napasama sa Born Again. Ang ikalawa ay napasama sa Iglesia ni Cristo (INC), at ang ikatlo ay naging Mormon. Ang ina ay naging masugid na mananampalataya ng Sacrifice Valley. At ang ama naman ay nanatiling Romano Katoliko.

Hindi na sila sama samang nagsisimba sa Romano Katoliko, ang ama na lang. Ang ina ay nadoon sa samahang Katoliko ng Sacrifice Valley. Ang anak ay nasa fellowship ng Born Again. Ang isa ay nasa pagsamba sa isang lokal ng INC at ang ikatlo ay nasa pagmimisyon ng Mormon.

Pag nagsisimba ang ama sa Romano kapansin pansin ang kasuotan ng ina kumpara sa ibang mga nagsisimbang babae, nakabelo, nakaputi, mahabang damit at matimtimang mainam. Pero sa bandang huli ay hindi na sumasama sa pagsisimba sa Romano ang babae dahil may sarili na daw na nagmimisa para sa kanilang samahan at nakarinig siya ng aral mula dito na wala nang bisa ang pagmimisa ng mga Romanong pari. Na ang kanilang ostiya at alak ay karaniwang tinapay at alak na lamang. At narinig pa niya na ang mga pari dito ay bawal mag asawa pero nangangasawa at may mga anak sa lihim. Kaya ang nangyari ang ama na lamang ang nagsisimba sa Romano.

Dumating sa punto na ang Born Again at ang INC ay nagkaisang itapon at sirain ang mga imahen at rebulto ng santo at santa sa kanilang bahay na kahit tutol at masama ang loob ng ama, na halos bumula ang bibig sa galit, gayon din ang ina ay wala silang magawa dahil matanda na. At ang Mormon naman ay nagsasabing may huling pahayag mula sa mga huling santo at santa ni Cristo at ito ay mayroong aklat o testamento - ang libro ng Mormon.

Ang dating isang pamilya ngayon ay watak watak dahil sa relihiyong paniwala ng bawat isa ay siyang katotohanan patungo sa Diyos at sa kaligtasan.

At dahil sa magkakaibang paniniwala na maipilit ang kanya na matuwid at salita ng Diyos, kagustohan ng Diyos, kalooban ng Diyos at marami pang ibang pangangatwiran na ang sangkalan ay Diyos - bawat isa ay ayaw patalo dahil paniwala nila ang katotohanan ay di dapat matalo - laging may pagtatalo sa bahay, at kung may okasyon hindi na madama ang pagtitinginan ng isang buo at tunay na angkan.

Nang mamatay ang ama, sa burol nito, nagpapaligsahan ang magkakapatid kasama ang kanilang grupo; ginawang prayer rally ang lamay; ginawang indoctrination session ang lamay; ginawang prayer vigil ang lamay; at marami pang pagpapakita ng ang kanila ang totoo at matuwid.

Nang mamatay ang ina, sa burol nito, nadoon ang mga kasama nito na taga Sacrifice Valley, nadoon din ang anak na Born Again at INC na parehong bumabatikos sa mga taga Sacrifice VAlley at sa bandang huli silang dalawa din ang nagdedebate.

Nang wala nang pareho ang ama at ina, ang magkakapatid ay hindi na halos magkita, at kung magkita sila ay nauuwi sa mainitang pagdedebate tungkol sa relihiyon nila.

Sila ay nagkaroon na din ng kanilang mga pamilya. Maging ang kanilang mga anak, ang magpipinsan, ay damay sa kanilang hidwaang relihiyon.

Ang relihiyon ba ay tatag talaga ng Diyos o tatag ng Tao?
Ang relihiyon ba at talagang para sa pagkakaisa ng tao o sa pagkakahiwa hiwalay?
Ang relihiyon ba ay para sa kapakanan ng tao o sa kapakanan ng mga namumuno na ginagawa itong negosyo at palabigasan?
Ang relihiyon ba ay talagang nakatutulong sa tao o sa mga kumukontrol sa tao?
Ang relihiyon ba ay sistema para maipaalala sa tao ang kanyang karangalan bilang kawangis ng Diyos o isang sistema para palaging ipaalala sa tao na siya ay isang makasalanan, walang kwenta, walang kakayahan at walang magagawa nang hiwalay sa kanilang diyos diyosan? Kailan pa nahiwalay ang tao sa Diyos o kailan pa nahiwalay ang Diyos sa tao?