Doon sa hardin ng Gethsemani, nakaluhod na nagdarasal ang Adonay Yeshua. Tikatik ang dugong nunukal sa kanyang noo. Sa gawi doon sa bandang harapan ay umugong ang pamilyar na tinig, Yeshua Yeshua ano' t nagsasayang ng panahon at lakas, sa ikalawang pagkakataon ay ibig kitang iligtas sa walang kahulilip na hirap at sakit. Iyo nang talikdan ang taong makasalanan na matapos mong pagmalasakitan ay muling babalik sa kasalanan.
Nang una pa'y hinihimok na kitang ako'y luhuran, sambahin ako't ikaw'y gagantimpalaan, buo mang sanlibutan kaya kong sayo ay ibigay.
Vade retro Satana nun quam suade mala! Lumayas ka Satanas ang alok mo ay lason, ikaw nga ang uminom niyan! Walang hirap ang di ko kayang tiisin masagip lamang ang mga tupang akin. At doon sa salitang iyon, pumatak ang dugong mahal , si Satanas parang dinagukan.
Makaitlong beses na tinangka ni Satanas kaparis noong una na akitin umatras sa sakripisyo ng Krus ang Mashiach subalit siya ay bigo.
Doon nga sa nilabasam ni Satanas ay walang iba kundi ang yungib na kung saan ang unang magulang na Eba at Adan ay nakalibing. At doon nga sa dakong iyon ang Salvador del Mundo ay waring nagpapahiwatig sa natatanikalaang Patyarka at Matyarka ng lahing tao na ang kanilang Salvacion ay parating na.
Sila sampu ng mga inanak ni Adam at Eva ay nagagapos sa loob ng yungib na iyon.
At dumating na nga ang yugto sa bundok ng Bungo. Bungo sapagkat iyon ang bundok na pinaglibingan kay Adam na kung saan sa mismong ulunan ni Adam itinayo ang Santa Krus ng Martir ng Golgotha. Na ang dugong mahal ay pumatak at tumigis sa kahoy patungo sa hukay patungo sa bungo ni Adam. Kaya nga may mga krus ng sinaunang panahon na may bungo sa paanan. Yaon ay bungo ni Adan. Sagisag na ang sala ni Adan ay tinubos na at napagtakpan ng dugo ng ikalawang Adan.
Sa Golgotha, ang Hebreong salita sa Bungo, ay napakong kasama ng Mashiach ang dalawang magnanakaw. Si Hestas at si Dimas. Si Dimas ay bihasang magnanakaw dahil sa oras na iyon pati ang paraiso ay waring nanakaw. Ngayon din, Dimas, isasama kita sa paraiso, sabi ng Mashiach.
Sinasabi ng marunong, ang krus ng Mashiach ay makikilala sa pagtingin sa nakapakong paa. Kapag ang ang paa ay nakapako na hindi magkapatong iyan ang sa Adonay Yeshua. Kung ang kanan ay nakapatong sa kaliwa iyan ay si Dimas. At kung kaliwa ang nakapatong sa kanan iyan ay si Hestas. Kaya ang talagang bilang ng sacro madera o pako ng Adonay Yeshua ay Penta o lima (5). Magkabilang kamay, magkabilang paa at ang rotulo o INRI.