Thursday, August 13, 2009

Apo Apo Saan Ka Patungo?

Ave Maria Purissima!

Hindi maikakaila na sa kasalukuyang panahon marami sa mga Pilipino, lito at hilabo sa kung ano ba ang totoo at paniniwalaan, ay samut-saring paniwalain ang sinusubukan at pinag-aaralan, na sa bandang huli kung hindi man pagkasira ng isipan ay pagkawasak ng pananampalataya sa Poong Maykapal.

Noong araw, ayon sa mga kwento kong nadinig, nang ang Ganapan ng Mahal na Ingkong ay doon pa sa lugar na kung tawagin Old Sacrifice Valley, diumano, higit na nagpapamalas ng kapangyarihan ang mga tinatakan, kabataan man i.e. Auxiliary, o ang mga katandaan i.e. mga APO. Ayon pa sa kwento, ituturo lang diumano ng isang Angelito o Angelita ng kanyang daliri ang bungang mangga ay nahuhulog, at ayon pa sa iba ay may lumalabas na mala-kuryente o kislap ng kidlat sa mga daliri ng mga tinatakan.

At natala din sa Auxiliary Handbook ng ating Simbahan na diumano noong araw ang pagmemensahe ng mga Banal na Tatak ay hindi sa wikang Filipino o Tagalog, marahil ay wikang English Latin o Wika ng Anghel o Malachim. Mayroon pang mga kwento ng ibat-ibang pagpapamalas ng kapangyarihan at mga himala at kamangha-manghang gawain ng mga tinatakan. Maging ako, sa kapangyarihan at kaloob ng Mahal na Ingkong, noong ako ay isang luklukan ng Querubin - nasaksihan ko at ng aking mga kasama sa block Rosary kung paano kumilos at gumanap ang isang Banal na Tatak sa kanyang luklukan.

Nagawa nang Querubin na pahintuin ang isang buhawi, isang malakas na hangin, na nagbabantang sumira sa aming chapel na yari lamang sa pawid, kawayan at sawali sa may gilid ng palaisdaan. Nasaksihan ito ng mga taga roon sa amin at naging dahilan din upang sila ay sumampalataya sa Mahal na Ingkong.

Madaling madali sa mga Auxiliaries na kasama ko noon ang pagpapatigil o suspension ng ulan at malakas na hangin kapag kami ay magpu prusisyon na ng Mahal na Ina o maglilipat ng Banal na Imahen. Kapag ilalabas na namin sa isang tahanan ang imahen ng Mahal na Ina at tikatik na ang ulan - sasabihin ng isang Angelito o Serafines o Hijas de Maria - tumuloy kayo, itataas ko ang aking mga kamay at pipigilin ni Hijas ang ulan hanggang sa makatapos tayo ng prusisyon at hanggang mailipat natin sa kabilang bahay ang Mahal na Ina. Gayon nga ang nangyayari, hindi bumabagsak ang ulan bagaman napakalaki at naiipon na ang madilim na ulap sa langit at halos di na gumagalaw ang hangin sa itaas, hanggang sa mailipat nga ang Banal na Imahen.

Nariyan din na lumakad sa ibabaw ng tubig ang aking Querubin na nasaksihan ng mga Angelito na kasama sa pag-iinsenso at bendisyon sa isang tahanan na balita na diumano ay bahay ng pamilya ng mangkukulam; di ako naniniwala, subalit nang maganap ang pangyayari na lumuklok ang Querubin at paluhod na tumatakbo sa loob ng bahay at paluhod na bumaba at umakyat ng hagdan; mahirap paniwalaan.

Nasaksihan ko din, kung paanong hinawi na walang anoman ng Banal na Luklukan, ang ating pinakamamahal na Sta Virginia, ang makapal at madilim na ulap sa langit samantalang kami ay nakasakay sa bangka papunta ng misyon sa Sapang Kawayan, Masantol Pampanga. Kitang kita ko na tila kinukumpasan ng Mama ang langit at bumubuka naman at tumatabi ang madilim na ulap at sumisilay naman ang liwanag. Nadurog at nagkalayo layo sa langit ang madilim na ulap hanggang tuloyang mawala at sumilay ang maliwanag na araw ng tanghali. Naganap ang misyon doon sa Sapang Kawayan nang hindi umuulan.



Nariyan ang kwento ni Apo Malco o Sgt Melgar na nasapelikula ni Lito Lapid, nariyan ang kwento ni Querubin Albert na nagtamo ng maraming saksak na ikinamatay niya subalit muling binuhay ng Mahal na Ingkong. Maraming kwento maraming salaysay, makulay at kahanga-hanga, nagpapalakas ng pananampalataya sa kaganapan natin bilang isang tinatakan at hinirang - ng pagiging isang ACCEPTAVIT POTESTATIS OMNIPOTENTE (APO)- mga Taong Tumanggap ng Kapangyarihan mula sa Walang Hanggang Makapangyarihan o Diyos.

MAY PANGANIB SA KAPANGYARIHAN AT KAKAYAHANG MAG-HIMALA
Ako po ay hindi tutol o nanghihimasok sa mga tinatakan na sa kanilang kabanalan at kabutihan ay nakakagawa sila, sa tulong ng kanilang mga banal na tatak, ng mga himala at pagpapamalas ng kapangyarihan. Subalit mayroong kanal at lubak o bako na maaaring ikadapa ng isang luklukan kung hindi siya yuyuko at titingin sa kanyang dinaraan lalo pa't nakatingala na lamang palagi sa langit at hindi na makita kung sino ang kasalubong o sinusundan. May panganib ang kapangyarihan, may panganib ang mga himala, may mga aral na mapanganib na sa halip na maglapit sa Ingkong at sa kanyang Banal na Luklukan o sa katawan Niyang ginagamit ay naglalayo pa.

ANG LAYUNIN NG MAHAL NA INGKONG
Ang layunin ng Diyos Espiritu Santo ay PABANALIN ANG TAO AT HUWAG NANG MAGKASALA UPANG NANG SA GAYON AY MAIPAGSAMA NIYA SA PARAISO AT SA BUHAY NAMAN NA ITO AY NILALAYON NIYA NA ANG TAO AY HUWAG MASAKTAN HUWAG MASAWI HUWAG MAPARUSAHAN AT HUWAG MATAKOT SA KAMATAYAN, AT DAHIL DIYAN KAYA MAYROON TAYONG SIMBAHAN. Hindi kailanman nilayon, sa aking tapat na paniniwala, ng Mahal na Ingkong sa panahon man ng Banal na Luklukan o ng Banal na Patriyarka, na ang bawat isang APO at tinatakan ay maging MGA MAKAPANGYARIHANG WALANG KABANALAN. BANAL NA KAPANGYARIHAN at hindi pangkukulam, hindi panggagaway at hindi pamiminsala ng kapwa tao.

Sariwa sa aking ala-ala na may mga pagkakataon noon at ayon na din sa mga kwento ng mga matandang tinatakan at mga nakasaksi, na ipinagbabawal ng Mahal na Ingkong ang mga Orasyong Latin at iba pang mga anting-anting, mga agimat, at kung ano ano pang mga aklat at librong lihim. Ang ilan sa mga ito, ayon pa din sa kwento, ay ipinasusunog. Tutol ba ang Mahal na Ingkong sa mga ito? Totoo bang may kapangyarihan sa mga ito? Yaon bang mga lihim na aral ang tunay na aral?

Kung uunawain lamang mabuti ng bawat isang tinatakan kung ano mayroon na katangi tangi ang ating Simbahan, mapapamulagat ka sa walang hanggang karunungan ng Diyos Espiritu Santo. Sa aking pagsasaliksik at pakikisalamuha sa ibat ibang paniwalain - natuklasan ko na hinihintay nila at hinahanap ang katuparan ng mga hula sa Pahayag lalo na sa talata 3:12 - ang tungkol sa BAGONG PANGALAN NG DIYOS, ANG BAGONG HERUSALEM, ang PAGBIBINYAG AT PAGTA-TATAK NG ESPIRITU SANTO. Sapagkat yaon diumano ang nakasulat sa kanilang mga aklat na lihim. Sa kanila ay lihim sa atin ay hayag nang nagaganap sa dilat nating mga mata at bukas na mga tainga. Sinasamba nila at hinihintay ang Espiritu Santo na hindi nila lubos na kilala tulad noon sa panahon ni San Pablo nang matagpuan niya ang isang komunidad na sumasamba sa Diyos na Hindi nila Nakikilala. Tayo kilala natin ang Espiritu Santo, alam natin ang kanyang pangalan, bagong pangalan, alam natin ang kanyang Simbahan, nakita nahaplos, nayakap natin ang kanyang Banal na Luklukan.

Samut-saring mga aral, samut saring mga orasyon, samut saring mga aklat na lihim at ang iba ay pinaghalo halong kalamay na aral at katuruan na ang kinauuwian ay kayabangan, pagpapainaman, paglalaban at tunggalian. Sa kanila kailangan ang SUBUKAN o TESTING, karaniwan Biyernes Santo, ng gamit para malaman kung kaninong GAMIT o AGIMAT ang malakas at makapangyarihan, kung sinong espiritu ang malakas. Iyong nadurog at tinamaan ng bala ng baril malas ng may-ari mahina ang kanyang Orasyon, at yaon namang ang gamit ay hindi tinablan - aangat at lalaki ang ulo kasi nga naman -mas magaling siya. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na MAGALING NA LALAKI ang nagtataglay ng kapangyarihan. Kapangyarihan na hindi ka nakatitiyak kung kanino nanggaling. Sapagkat ang kapangyarihang galing sa Diyos, sa Mahal na Ingkong ay BANAL AT MATUWID, HINDI MAYABANG HINDI MAPAGMATAAS AT HIGIT SA LAHAT AY PAG-IBIG AT KAPAYAPAAN.

KAPANGYARIHAN O ANG PAGKASULAT SA AKLAT NG BUHAY NG PANGALAN
Noong araw, binigyan ng Panginoong Hesus ng kapangyarihan ang kanyang 12 mga apostoles gayon din ang hinirang niyang Pitumpo at dalawa , alinsunod sa Pitumpo at Dalawang nangalat na lipi ni Israel, ng mga kakayahang magpagaling ng maysakit, magpalayas ng demonyo, yurakan ang mga serpiyente, hindi maano matuklaw man ng ahas o makainom ng lason, bumuhay ng patay at marami pang iba sambitin lamang ang pangalan Niya. Nangag-sibalik sa Panginoong Hesus ang mga alagad sampu ng Pitumpo at dalawa na tuwang-tuwa. "Nakikita ko na bumubulosok sa himpapawid si Satanas" wika ng Panginoon at nagpasalamat Siya sa Ama sapagkat ang gayon ay inilihim Niya sa mga pantas at ibinunyag sa mga aba at mababang loob.

Nakikini-kinita ko ang respeto at paghanga ng mga tao sa 12 at sa 72 sapagkat sila ay dikit at kasama ni Kristo. Nakikini-kinita ko ang kasikatan nila sa mga tao, ang pagpupugay at pagbibigay sa kanila ng mataas na pagkilala at pagtingin. Subalit dumating sa kanila ang isang pagsubok. Ito ay noong matapos ang pagpapakain sa maraming tao, matapos sundan sundan ng mga tao ang Panginoon, ay nagwika Siya " Hindi si Moyses ang nagbigay sa inyong mga magulang ng tinapay kundi ang aking Ama sa langit, at magkagayon man ay namatay pa din sila. Pagsumakitan ninyo, anya, ang tinapay na kailanman pag inyong kinain hindi na kayo magugutom." Dito na nagkaroon ng pagtatalo ng kanyang wikain, AKO ANG TINAPAY NG BUHAY AT ANG AKING DUGO ANG TUNAY NA INUMIN. SINOMANG KUMAIN NG AKING LAMAN AT UMINOM NG AKING DUGO AY MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN AT MULI SILANG BUBUHAYIN SA HULING ARAW".

Sa pagkadinig nito, ang mga makapangyarihang pangkat na bumubuo sa 72 kasama ng 12 at ng iba pang mga naroong sumusunod kay Hesus ay nagtalo talo, "Gagawin baga niya tayong Kanibal, at kung sakali man, paanong magkakasya Siya sa ganitong karaming tao?" wika nila sa kani kanilang mga sarili. Nagsitalikod kay Hesus ang marami sa mga bumubuo ng 72 gayon din ang ibang mga tao na susunod sunod sa kanya. Tinanong niya ang kanyang mga alagad - maging kayo ba ay lilisan din? Subalit tinugon siya ni San Pedro aniya,"Kanino at saan kami tutungo, nasa iyo ang salitang nagbibigay buhay!"

Binawi ba ng Panginoon ang kapangyarihan sa mga nagsitalikod? Binawi ba niya ang kapangyarihan kay Judas matapos siyang ipagkanulo nito? Ito ay isang halimbawa sa banal na kasulatan na hindi ang pagkakaroon ng kapangyarihan na gumawa ng himala at kababalaghan ay isang palatandaan ng kabanalan at pagiging matuwid ng isang tao - sapagkat nga maging si Satanas ay makapagbibihis at makapag aanyo tulad ng isang anghel ng Diyos. Sa lahat ng ito, sa bandang huli ng dayalogo ng Panginoon sa mga alagad niya - "Huwag ninyong ikatuwa na napapasuko ninyo si satanas sa ilalim ng inyong mga paa o dahil nakagagawa kayo ng mga milagro at himala, manapa ay ikalugod ninyo na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay sa langit!" Iyon ang pinakamahalaga -ang ating pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay sa langit. At iyon din sa aking pananaw ang matayog na pangarap ni Satanas kasama ng kanyang mga kampon - ang muling mapasulat sa aklat ng buhay at iyon ang kanilang kinaiingitan sa mga tinatakan at sa mga banal na tao sa lupa, kung kaya nga gayon na lamang ang kanyang paghahangad na ligligin, gibain at wasakin ang pananampalataya ng maraming tinatakan.

"Huwag ninyong ikatuwa na napapasuko ninyo si satanas sa ilalim ng inyong mga paa o dahil nakagagawa kayo ng mga milagro at himala, manapa ay ikalugod ninyo na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay sa langit!"


LUKLUKAN DAW NG MAHAL NA INGKONG
May mga naganap nang katulad nito sa mga tinatakan na lumabis sa kanilang nalalaman. May ilang sa madalas na diumano ay pagluklok ng kanilang banal na tatak ay lumabis at nagwika na sa bandang huli na siya na daw ang Luklukan ng Mahal na Ingkong. Winiwika ng Mahal na Ingkong sa labi ng Banal na Luklukan, tayong lahat ay Templo Niya at Hindi Luklukan, iisa lamang ang Banal na Luklukan at Esposa Niya- si Santa Maria Virginia.

Saksi ako, dahil naroon ako nang aking bakasyon, sa isang ganapan ng mga nagsarili at humiwalay sa Simbahang ACC at sa PAtriyarka, na kung saan, diumano ang Kaluluwa ng Mama Viring ay sumasanib at lumuluklok sa isang babaeng APO na tatawagin kong APO-EY. Napag-alaman ko na ang APO na iyon ay minsan nang pinagsabihan mismo ng Mama Viring na maglubay at maghinto sa kanyang pagsasabi na niluluklukan siya ng Mahal na Ingkong. Nagsimula ang ganapan sa isang Misa, hindi ko matawag na Santa Misa, indifferent ako, na pinangunahan ng, sa aking palagay, ay isang Arsobispo samantalang katabi ko naman ang tinatawag nilang Papang. Mayroon na silang bagong simbahan pero nakakapagtaka na ang estola ng pari na ginagamit ay estola ng OMHS, pero baka binago na ngayon.

Ang kapansin pansin sa misa ay binago at pinalitan na ang Antanda ng Krus mula sa Sa ngalan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo sa Sa ngalan ng Diyos Ama, Anak at Mahal na Birhen Maria. Ayon sa kanila ang Espiritu Santo, ang Mahal na Ingkong, ang Mahal na Birhen Maria at Sta Maria Virginia ay IISA, at ang bagong luklukan ay si APO-EY. Itinuturo nila, dahil iyon ang homiliya ng nagmisang Arsobispo nila, na ang Mahal na Birhen ay Diyos, na ang Birhen Maria ay nagreincarnate sa Mama Viring, at matapos noon nang siya ay lumisan, nagbalik siya sa pamamagitan ng katauhan ni APO-EY para ihayag na ang katotohanan at katuruan na SIYA, BIRHEN MARIA, ay DIYOS. Dahil, dagdag pa dito, ang inaasahan daw na maghayag nito ay ang Banal na Patriyarka at ang Simbahang ACC subalit hindi naganap - kung kaya siya ay nagbabalik upang ito ay ipalaganap na sa buong mundo at iyon din ang dahilan kung kaya niya itinatag ang kanyang bagong simbahan at mga kaparian. Subalit napag-alaman na may kinakaharap silang problema sa rehistrasyon sa NSO para magkalisensya ang pari nila para makapag-kasal ng legal, dagdag pa dito ay walang estruktura o mga kailangang mga legal na dokumento para mapatunayan ang kanilang bagong samahan, iyan ay nito lamang nakaraang Abril 2009 di ko lamang alam ngayon.

Sa misa nila ay hindi na nila ipinapanalangin ang mga Patriyarka ng ibat ibang simbahan dahil sa paniniwalang mga AntiKristo na ang mga namumuno sa mga ito lalo na ang Patriyarka ng Roma.

Matapos ang misa, ay nagsihanay na sa harapan ang tatlong kalalakihan nasa mga pagitan ng edad 18-25 at ang sabi ay yaon daw ang mga luklukan ng mga Arkangheles. Matapos ang ilang sandali ay nagsipanigasan na at nagsilaki ang boses, nag-usap usap sila, at tumatayong lider ang isang diumano ay luklukan ng Arkanghel Miguel, inuutusan niya na magsipaghanda ang kanyang mga kasama, magbaluti at hawakan mahigpit ang mga kalasag at espada dahil sila ay makikidigma sa samut saring espiritung masama na naglipana sa daigdig. May mga ipinakita pa silang aksyon na tila sumisisid, at iyon daw ay pumapanaog sila sa purgatoryo para humango ng kaluluwa, gayon din sa impyerno.

Matapos ang mga lundagan, luksuhan, mga mala-Dragon Ball Z na karate at sipaan, suntok at sirkohan, namahinga ang mga kalalakihan at nag-anunsyo si Miguel na parating na daw ang Pinakamakapangyarihang Diyos, ang Omnipotente de Dios..sa pagkasabi noon ay tumayo na sa kinauupuan si Apo-EY at sinambot ang damit para magbihis at sinamahan ng isa pang APO, di ako sigurado pero dinig ko ay anak ni APO EY na babae iyon. Pagkapag-bihis ay lumuhod si APO-EY, nakaputi tulad ng sutana ng Mama Viring at may krus tulad din ng sa Mama Viring, NAKA-BELOng puti na bilog sa ulo. Tumayo, at humarap sa amin, at bumati ng AMP, tapos ay nagbendisyon tulad din ng ginagawa ng Ingkong - subalit MAHAL NA BIRHEN MARIA na nga sa pwesto ng Espiritu Santo sa Antanda ng Krus. Wika niya siya ang INFINITO DEUS, ANG ANIMASOLA, ANG BIRHEN MARIA, SI SANTA MARIA VIRGINIA..nagitla ako subalit hindi ako nagpahalata sa mga napakalalaking mga pangalan na binanggit. Nakiluhod ako at inirerespeto ko ang kanilang pagtitipon.

Di nagtagal ay nagsabi si APO EY na hapo at pagod ang kanyang luklukan dahil sa kasalanan ng mga tao. Naupo siya sa nakatalagang upuang plastik sa harap. Dulugan na. Lumapit ang humiwalay na Obispo ng ACC na siya na pala ang Papang at PAtriyarka doon sa bagong simbahan nila, lumapit din ang Arsobispo - iyong si Miguel ay pari din pala nila. Matapos noon, kami naman ang pinadulog - sa akin bahagyang nagtagal sapagkat nagkaroon ng tanungan at sagutan, subalit magalang at maayos naman. Nag-usisa lamang ako kung siya nga ang kaluluwa ng Mama Viring at ano ang dahilan kung bakit nagtayo pa siya ng bagong simbahan at bakit siya nagkaroon ng panibagong luklukan at ano ang kanyagn damdamin, kung siya nga ang Mama Viring, sa kanyang anak-Papang Juan Florentino. Palagay nyo po ano ang sagot? Dito na muna kwento ko tungkol diyan.

PINAG-MULAN NG MGA ARAL
Ang mga aral tungkol sa INFINITO AT INFINITA, ANIMASOLA AT ANIMASOLO at iba pang katulad nito, sa pagkakaalam ko, ay mga aral ng mga kulto at grupo sa paanan at sa loob ng Bundok Banahaw. Mga aral at simulain buhat sa mga aklat na sinulat ng ilang kababayan. Kinapapalooban ng mga salit-saling aral buhat diumano sa kanilang mga ninuno, sa mga banyagang lihim na aklat, mga ipinagbabawal ng Simbahang Katoliko na aklat, mga dikta ng Santong Voces at marami pang iba; na walang matibay at matatag na pundasyon ng katotohanan o kasiguraduhan.

Ito din ang tema ng mga pag-aaral sa mga lihim na aral ng Banahaw at iba pang kulto sa bansang Pilipinas. Nakarating din ito sa Amerika -dala na din ng mga Pinoy. At kung hindi ako nagkakamali, ito ang nagiging batayang aral ng mga humihiwalay sa ating simbahan, kapangyarihan at mga lihim na aral. Sa kanila- bisa, kapangyarihan, orasyon ang batayan ng ugnayan sa Diyos at hindi SAKRAMENTO at kabanalang dulot ng mga panalangin at gawaing ipinatutupad ng Simbahan. Ang mga aral na lihim ay ibinawal ng Simbahang Katoliko maging noong unang mga panahon sapagkat yaon ay nagtataglay ng lason sa pananampalataya at isipan ng mga tao. At iyon din, sa aking paniniwala, ang dahilan kung bakit inilalayo ng Mahal na Ingkong ang kanyang mga tinatakan sa ganitong mga simulain at pangkatin.

Mayaman sa karunungan at totoong kapangyarihan na nakaugat sa kabanalan at sa biyaya ng banal sakramento ng Simbahan ang ating masusumpungan sa ating Simbahan at sa Mahal na Ingkong. Pinakamataas na ang ating tinanggap, kung mauunawaan lamang ng bawat isa kung ano ang kahulugan ng pagiging isang APO at pagiging isang LUKLUKAN NG BANAL NA ESPIRITU.


PELIKULANG INGKONG
Noong taong 1993, habang isinu shoot ang pelikulang INGKONG, maraming artista sa lupang banal, sa Sacrifice Valley, pero hindi sila ang STAR at pinagkakagulohan at pinagiinteresan na makita ng mga tao, tinatakan o bisita man. MAHAL NA INGKONG sa katauhan ng Banal na Luklukan ang nag-iisang bida at sikat sa buong panahon hindi lamang pag Semana Santa. Sa pelikulang INGKONG na ginanapan ni Bb Perla Bautista at G. Eric Quizon kasama ang ilang pili at sikat na bituin na sila Ruffa Gutierrez, isinalaysay, ipinakita, ibinunyag ang isang pinaka-mahalagang yugto sa ating kasaysayan, ang pasimula natin bilang mga tinatakan at bilang mananampalataya sa Diyos Espiritu Santo sa pangalang INGKONG. At iyan ay walang iba kundi ang PAKIKIPAGTIPAN NG MAHAL NA INGKONG SA BATANG SI FLORENTINO TERUEL AT SA KANYANG BUTIHING INA, SI MARIA VIRGINIA.

"...isinalaysay, ipinakita, ibinunyag ang isang pinaka-mahalagang yugto sa ating kasaysayan, ang pasimula natin bilang mga tinatakan at bilang mananampalataya sa Diyos Espiritu Santo sa pangalang INGKONG. At iyan ay walang iba kundi ang PAKIKIPAGTIPAN NG MAHAL NA INGKONG SA BATANG SI FLORENTINO TERUEL AT SA KANYANG BUTIHING INA, SI MARIA VIRGINIA, taong 1968-1969. Kung uunawain sa dalawang tao lamang nakipag-tipan ang Mahal na Ingkong at hindi kanino pa mang tao, tinatakan o hindi. Una ang Mama Viring, ikalawa ay ang Patriyarka, ikatlo ay wala na! Sino pang APO o tinatakan ang makahihigit sa ginampanan ng mag-ina sa misyon at kaganapan ng Mahal na Ingkong, magsabi kayo?"


ACC-OMHS ANG ORDEN NG MAHAL NA INGKONG
Taong 1993 din, Mahal na Araw, may mga bagong Obispo, pari at madre ng OMHS ang inordinahan, kinonsagrahan at nanumpa. OMHS ang kongregasyon at orden na kilala at kinikilala ng Mahal na Ingkong at ng Banal na Luklukan sa simulat simula hanggang sa kanyang dormitio noong 2005. Ang mga kasunod na simbahan o pangkatin na natatag at nabuo mula sa araw na pagsilang sa kabilang buhay ng Banal na Luklukan ay walang konkreto at maliwanag na katibayan ng mandato at karapatan buhat sa Mahal na Ingkong o sa Banal na Luklukan.

May mga isyu sa pagpapalabas nito sa sinehan dahil mas pinaunlakan at inendorso ng Simbahang Romano ang pelikulang Divine MErcy na ginanapan ng isang protestanteng artista na si Donita Rose- gayon pa man, may isang aral na hindi dapat makalimutan ang mga APO at lahat ng mga tinatakan at iyan ay walang iba kundi ang papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ng tunay at nag-iisang APO JUAN BAUTISTA, si G. Florentine Teruel, ang Banal na Patriyarka ng nag-iisa at tanging Simbahan ng Diyos Espiritu Santo, ng Mahal na Ingkong, ang APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH.

"..gayon pa man, may isang aral na hindi dapat makalimutan ang mga APO at lahat ng mga tinatakan at iyan ay walang iba kundi ang papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ng tunay at nag-iisang APO JUAN BAUTISTA, si G. Florentine Teruel, ang Banal na Patriyarka ng nag-iisa at tanging Simbahan ng Diyos Espiritu Santo, ng Mahal na Ingkong, ang APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH."


APO APO SAAN KA PATUNGO KUNG IIWAN MO ANG SIMBAHAN NG MAHAL NA INGKONG? APO APO SAAN KA PATUNGO KUNG IIWAN MO ANG BANAL NA PATRIYARKA? APO APO, APO KA NGA BA KUNG HINDI NAMAN MAHAL NA INGKONG ANG NAGPUTONG AT NAGBINYAG SA IYO SA TUBIG APOY AT ESPIRITU? APO APO LUKLUKAN KA NG BANAL, TEMPLO NG ESPIRITU SANTO AT HINDI LUKLUKAN!

This post is related to Mga Nabuong Samahan o Kilusan na Hiwalay sa Simbahan ng Mahal na Ingkong

Monday, August 10, 2009

AMA NAMIN

Ave Maria Purissima!

Ang Oratio Domini o mas kilala sa tawag na Pater Noster o Ama Namin sa Filipino ay kinapapalooban ng napakahalagang bahagi na may kinalaman sa kaganapan ng Mahal na Ingkong patungkol sa "Binyag at Tatak ng Espiritu Santo".

Ang tinutukoy ko ay ang bahaging "...MAPASA AMIN ANG KAHARIAN MO", sa Ingles ay sinasabi ang "YOUR KINGDOM COME...", at may bersyon naman ang ilan na "MAPASAMA KAMI SA KAHARIAN MO". Kung sasaglitin sa ibang parte ng Bagong Tipan, winiwika doon ang pamilyar na "SEEK YOU FIRST THE KINGDOM OF GOD" at sa Filipino naman ang sabi ay "PAGSUMAKITAN NINYONG PAGHARIAN KAYO NG DIYOS", at gayon din naman ay sinasabi ng Panginoong Hesus na ang KAHARIAN NG DIYOS AY NASA ATIN O SUMASA ATIN, the KINGDOM OF GOD IS WITHIN YOU.

Ano ang kabulohan ng mga nasa itaas sa aking sinasabi na ang mga ito ay kinalaman sa kaganapan ng Mahal na Ingkong?

Ang isang hari para maipalaganap niya ang kanyang paghahari sa alinmang lupain, siya ay nagpapadala ng mga sugo, karaniwan ay mandirigma o hukbo, upang manakop. At sa sandaling masakop nila ang isang lupain, isang pangkat o higit pa ang maiiwan doon upang bumantay laban sa ibang kaharian na maghahangad sakupin ang bagong nasasakupan.

Sa pasimula ay mayroong mga pagtutol, mula sa mga bagong sakop, at ang pagsunod ay dahil sa pagkatakot mamatay o masaktan hanggang sa dumating ang panahon na mamayani ang tinatawag na Goodwill madama ng mga tao ang tunay na layunin ng bagong hari.

Ang mga bagong dating ay mananatili sa loob ng kuta o bagong tatag na kolonya at unti unti ay ipatutupad ang mga kautusan ng hari, ipapatupad ang ilan o lahat ng kaugalian at paniniwala ng sumakop sa sinakop. At kung magtagumpay, marami o lahat ng kinaugalian ng lupaing iyon ay unti unting mawawala at mabubura sa ala-ala ng mga susunod na henerasyon. At magkagayon, nagtagumpay ang layunin ng hari na maging tunay niyang kolonya at pag-aari at kaharian ang nasabing lupain.

Ang lihim na panukala ng Diyos ay pag-isahin ang mga taga-langit at ang mga taga-lupa, ang maipanaog ng Diyos ang Herusalem sa langit patungo sa lupa at muling mabuo sa lupa ang Bagong Herusalem. Ang dating Herusalem ay sa bansang Israel. At ito ay nagkaroon ng kaganapan at katuparan nang ang ipinangakong Espiritu Santo, bilang Diyos at Persona, ay pumarito sa lupa, gumamit ng laman at dugo, alalaon baga ay tao, upang bigyan katuparan ang matagal nang panukala sapagkat hinog na ang panahon. Ibinaba ng Diyos Espiritu Santo ang kanyang hukbong makalangit na binubuo ng mga Banal na Anghel at Banal na Espiritu ng mga taong pinapaging-dapat. At dahil ang tunay na labanan ay hindi sa laman at dugo kundi sa espiritu at sa isip, ipinasok ng Mahal na Ingkong ang bawat isang mandirigma mula sa kanyang hukbo sa tao.

Sa pamamagitan ng pagsasanib ng taga-langit at ng tao sa iisang katawan, ang mamamayan sa langit na kaharian ay suma-tao, sa loob ng tao - natupad ang panalanging MAPASA AMIN ANG KAHARIAN MO, alalaon baga ay mapasa amin ang paghahari mo, pagharian mo kami. At tulad ng nabanggit na, ang paghahari ng isang hari sa isang lupain ay sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo o mandirigma.

Ang pagiging isang tinatakan ng Diyos Espiritu Santo ay nangangahulugan na tayo ay DAPAT na pagharian Niya, sapagkat HINDI NA TAYO PANGKARANIWANG TAO. Hindi na pangkaraniwan sapagkat tayo ay MGA TINATAKAN, at MGA LUKLUKAN NG MGA BANAL NA ESPIRITU. Na totoo naman ang winiwika ng Mahal na Ingkong, lakbayin at hanapin man natin sa buong lupalop ng mundo HINDI NATIN MATATAGPUAN ANG KAGANAPAN NIYA.

"SUNDIN ANG LOOB MO DITO SA LUPA TULAD NG SA LANGIT" na wari baga ay panalangin na kung anoman ang nagaganap doon sa langit ay iyon din ang maganap dito sa lupa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghahari at kumikilos sa mga tinatakan.

PAGSUMAKITAN NINYO NA PAGHARIAN KAYO NG DIYOS- ito ang wika ng Panginoon sa mga tao na hangarin nila na sila ay pagharian, na sila ay matatakan ng Espiritu Santo, na sila man ay tumanggap ng binyag sa tubig at apoy. Pagsumakitan na ang taga-langit ay sumakanilang kalooban upang makatulong sila sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos at ng pagtatatag ng Bagong Herusalem.