Sa mga hindi bahagi o kabahagi ng hiwagang tinatamasa ng mga hinirang wala ngang pagka unawa sa ano ba talaga ang kanilang nararanasan at walang sapat na salita o walang salita na nakakapag paliwanag dito.
Nang ang mga Apostoles sampu ng mga disipulos ay ibilanggo, saktan at gutumin ng mga Hudyo at mga Romano, bakas sa kanilang mukha ang kakaibang galak at liwanag ng kanilang aura o anyo. Ano mayroon ang kanilang pananampalataya?
Sa mga Pariseo at mga doktores ng Hudaismo ang mga Kristiyano ay mangmang at hangal sa pagsunod sa isang tao na nagpakilalang tagapagligtas gayong ang kanyang sarili ay hindi niya nailigtas sa pako ng mga Romano.
Hindi maunawaan at hindi kayang unawain ng mga hindi Kristiyano ang saya ng manampalataya sa Cristo. Sa gayon ding kundisyon, sa mata ng balana, sa isip ng balana, ang mga hinirang ng nagpakilalang Diyos Espiritu Santo sa tawag na Ingkong, ay hindi din nila lubos na mabatid ano mayroon ang mga ito.
May sariling lengwahe ang puso at isip ng mga hinirang. Wikang sila sila lamang ang nagkaka intindihan. Walang paliwanag. Walang deskripsyon. Sapat na na sila ay nagkakaintindihan na.
Walang problema at walang hirap na maunawaan, tanggapin at kilalanin na ang hindi nakikitang Diyos ay nakikita sa ginagamit nitong tao. Ang inaatake ng taga labas ay ang pagkatao ng ginagamit subalit hindi tinitingnan ang mga bunga ng mga gawain at pagsusumikap niyon.
Mayroong nag iibig sumali sa samahan subalit ayaw namang pasakop sa panuntunan nito. Mayroong katuruan at aral ang samahan subalit sariling aral ang ibig nitong sundin at ipanukalang gawin ng mga kasama na dito. Bumabatikos sa mga sanib at pagkukunwari subalit isa ding nagkukunwari na ginagamit ng anghel, o santo at santa, bilang bibig o katawan, gayong ang aral at mga mensahe bagaman may mataas na anyo ng kabanalan ay lantad naman ang aral ng espiritu na maglalayo sa iyo sa tunay na Simbahan at Hirarkiya nito. Ang espiritu ay sa bunga makikilala. Ano ang resulta ng kaniyang mga aral at gawain?
Maraming mapakialam sa gawain ng mga taga loob gayong sila ay nasa labas naman at hindi kabahagi dito. Ang tawag dito ay pang gugulo at pagkakalat ng pagkakabaha bahagi. Ganito ang gawain ng diablo - ang hatiin ang buo at ang buo ay wasakin. Silang nasa labas lang ang nagugulohan hindi naman ang nasa loob. Silang nasa labas ang alalang alala silang nasa loob ay hindi naman.