Monday, November 28, 2011

CONTRA HATOR Unang Bahagi - Ang Mahal na Birhen Maria ay ang Diyos Espiritu Santo


CONTRA HATOR SERIES




Ave Maria Purissima!

Ang lathalang ito ay may kaugnayan at isang pagpapatuloy ng nasimulan sa nauna nang lathala dito na ang pamagat ay  Mga Nabuong Samahan o Kilusan na Hiwalay sa Simbahan ng Mahal na Ingkong na kung saan upang sila ay lubos na maiba at mahiwalay sa Apostolic Catholic Church, sila, bawat isa, ay lumikha o humango ng aral na bago sa pandinig at pang-unawa ng mga tinatakan ngunit luma at dati nang aral na umiiral sa ibang kultong samahan ngayon o noon pa mang unang mga panahon.

Iisa isahin nating tatalakayin at pag-aaralan ang mga aral na ito:

UNANG ARAL: ANG MAHAL NA BIRHEN MARIA AY ANG IKATLONG PERSONA NG SANTISSIMA TRINIDAD. MAY KATOTOHANAN BA ITO?

SAGOT: HINDI ITO TOTOO.

BAKIT: UNA: Ang ikatlong Persona ng Santissima Trinidad ay walang iba kundi ang Diyos Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ang Espiritu ng Ama at ng Anak. Sa ebanghelyo ni San Lucas 2:26-38 , sa unang bahagi, ipinadala ng Diyos si Arkanghel Gabriel sa isang dalaga na ang pangalan ay  Maria. Dito ay inihayag ng anghel ang pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos- ang Verbo. Winika ng anghel na "Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Darating sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa iyo. Dahil dito, ang banal na ito na iyong ipapanganak ay tatawaging Anak ng Diyos."



DARATING SA IYO ANG BANAL NA ESPIRITU AT ANG KAPANGYARIHAN NG KATAAS-TAASAN ANG LILILIM SA IYO!"
Dito ay maliwanag na sinabi na ang Mahal na Birhen Maria ay hindi ang Espiritu Santo.

IKALAWA: At sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostoles ganito naman ang nakasulat:

Nagkakatipon ang mga Apostoles sa silid sa itaas kasama ang mga babae at ang Mahal na Birhen Maria, ina ng Panginoong Hesukristo. Dumating ang ipinangako ng Panginoon na binyag ng Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes. Ganito ang pagkasalaysay:


"Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa. Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin."





May dumating mula sa langit sa anyo ng dilang apoy at tumapat lumapag sa bawat isa sa kanila. Kung ang Mahal na Birhen Maria na ang Espiritu Santo sa anong dahilan at may pumanaog pa? At sa anong dahilan at kasama siya sa naghihintay kung siya din naman ang kanilang hinihintay?


Ang Mahal na Birhen Maria ay hindi ang ikatlong Persona ng Santissima Trinidad. Tulad ng winiwika ng MNI, "si Maria ay hindi Diyos, siya ay kaisa ng Diyos". Ang Mahal na Birhen Maria sa kabanalan at pagsunod sa kalooban ng Diyos ay higit sa lahat ng taong nabuhay noon at maging sa mga nabubuhay pa ngayon at sa mga susunod pang salinlahi. Siya ay katangi tangi at nag-iisa walang papantay sa kanyang kadakilaan.


IKATLO: Siya ang katuparan ng sinaunang Kaban ng Tipan sa panahon ni Nunong Moyses, siya ang kaban na pinagtaguan ng piraso ng batong kinatitikan ng Sampung Utos ng Diyos, ng tinapay na Manna, ng tungkod ni Moyses, ni Aaron na nagbulaklak. Ang kaban ng Tipan na tagpuan, ang orakulo o dako na kung saan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay tumatahan, doon kinakatagpo ng mga Punong Saserdote ang Diyos. Ang kaban ng Tipan ay hindi ang Diyos. Ang Kaban ng Tipan ay luklukan ng Diyos at ang Luklukan ay hindi Diyos.




Sa larawan sa itaas, makikita natin na ang liwanag sa pagitan ng dalawang magkaharap na Kerubin ay ang Presensya ng Diyos ng Israel, yaon ang Diyos, at ang Kaban naman ay ang nasa ibaba na kinatutungtongan ng dalawang Kerubin. Ang Diyos at ang Kaban ng Tipan ay magkaiba. Ang Mahal na Birhen Maria ay hindi ang ikatlong Persona ng Santissima Trinidad.


IKAAPAT: Noong magpakita, sa kauna unahang pagkakataon ang Mahal na Ingkong sa Banal na Patriyarka, ang Diyos Espiritu Santo ay napakita sa anyo at mukha ng Panginoong Hesukristo, sa kanyang palad at paa ay may butas ng pako, hindi ang Mahal na Birhen Maria ang nagpakita, kundi ang nabuhay na mag-uling Panginoong Hesukristo.



IKALIMA: Nang makipagtipan ang Mahal na Ingkong sa ating pinakamamahal na Mama, Sta Maria Virginia, hindi ang Mahal na Birhen Maria ang napakita kundi ang napakita din sa Banal na Patriyarka - ang Nabuhay na Mag-uling Panginoong Hesukristo.



IKAANIM: Sa mahimalang pagpapakita ng Mahal na Ingkong sa larawan kasama ang Sta Maria Virginia noong pasan, mukha ng Panginoong Hesukristo ang lumitaw at hindi ang Mahal na Birhen Maria.


ANG MAHAL NA INGKONG NA ATING KINIKILALA AT SINASAMPALATAYANANG IKATLONG PERSONA NG DIYOS - ANG DIYOS ESPIRITU SANTO - AY WALANG IBA KUNDI ANG ESPIRITU NG AMA AT NG ANAK NA NAGSALITA SA PAMAMAGITAN NG MGA PROPETA PARIS NG ATING INIHAHAYAG SA CREDO NICENO. ANG MAHAL NA BIRHEN MARIA AY ESPOSA NG ESPIRITU SANTO, KAISA NG SANTISSIMA TRINIDAD, INA NG DIYOS ANAK, ANAK NG DIYOS AMA, ESPOSA NG DIYOS ESPIRITU SANTO.