Sana ay maisip mo na wala sa imaheng inukit sa bato o kahoy ang P. Hesukristo at wala siyang pangungusap na nagsasabing siya ay hanapin sa mga ito manapa ay maliwanag niyang winika sa mga alagad na kung ibig ninyo akong paglingkuran ay gawin ninyong mainam alinman sa mga kapatid kong ito.
Ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa kanyang ginawa sa kanyang kapwa hindi sa kanyang ginawa sa mga imahen, rebulto at larawan ng sinomang santo o santa.
Sa ebanghelyo ay maliwanag niyang sinabi na ang papasok sa kaharian ng kanyang Ama ay iyong mga tao na nagbigay sa kanya ng tubig na maiinom noong siya ay nauhaw; iyong taong nagbigay sa kanya ng pagkain noong siya ay nagugutom; iyong taong dumalaw sa kanya sa bilangguan noong siya ay nakakulong; at iyong tao na naglingkod sa kanya noong siya ay maysakit. P. Yeshua na ang nagbigay ng landas at paraan patungo sa kaharian ng Ama.
Hindi ito kaparis ng sinasabi ni Apostol Pablo na pananampalataya lamang ay sukat nang ikaligtas, at nila San Santiago na kailangan ay may gawa dahil ang pananampalatayang walang gawa ay baog at patay.
Ang kaligtasan ng tao patungo sa piling ng Ama ay inilatag na walang maraming kuskos balungos, walang maraming seremonyas, walang maraming patakaran at alituntunin.
Anoman ang gawin ninyo sa sinoman sa aking mga kapatid ay sa akin ninyo ginawa. Tumulong at magbigay ginhawa sa nangangailangan sa oras na kailangan hindi man bukal sa puso ay gawin pa rin sapagkat ang pagiging maramot ay isang kaugalian na kailangang ma overcome ng paniniwala sa salita ng Diyos. Do it once, do it again, and again until ang pagiging maramot at dakot ang kamay ay mapagtagumpayan.
Bukal man sa loob o hindi ay isagawa ang pagtulong dahil ito ang lunas at gamot sa ating kaluluwa na darating ang panahon tayo ay hindi din pagdadamutan ng sinasampalatayanang tagapagligtas.