ANG DIYOS NG NGAYON
Ang Diyos ay Diyos ng NGAYON (NOW) bagaman Siya ay pareho nang nakaraan at kahapon, pareho ngayon, siya pa din mamaya, siya pa din at pareho pa din bukas at sa darating pang mga panahon HIGIT SA LAHAT SIYA AY DIYOS NG NGAYON.
Kung nagsalita man at nakipag usap ang Diyos noon sa ating mga ninuno gayon din naman higit siyang nakikipag usap sa atin ngayon at patuloy siyang makikipag usap sa atin mamaya, bukas, sa susunod na araw, sa susunod na linggo, buwan , taon, dekada at sa darating pang mga panahon.
Mas higit na mahalaga at tinitingnan ng Diyos ang iyong NGAYON hindi ang iyong kahapon at bagaman siya ay Diyos at alam ang iyong kinabukasan mas mahalaga sa Kanya at mas importante ang iyong NGAYON, dahil siya ay DIYOS NG NGAYON!
Alam at batid ng Diyos ang iyong nakaraan maging ang iyong kanina o kani kanina lamang subalit mas tinitingnan niya ang iyong NGAYON kaysa sa ikaw kanina o kani kanina lang.
Subalit bilang tao, mas nakikita natin ang kahapon at nakaraan at ang bukas at sa darating at nakakalimutan nating titigan at masdan ang ngayon at kasalukuyan. Dahil diyan nakalalampas ang maraming pagkakataon sa ating buhay para muli tayong palungkutin o paiyakin o pagalitin o makadama ng pagkukulang sa hindi natin nakamit sa pinalampas na pagkakataon. At muli nalulungkot o kaya ay natatakot, nangangamba tayo sa darating na bukas at mamaya dahil sa ating nakaraan hindi dahil sa ating ngayon.
Ang Diyos ay Diyos ng iyong Ngayon, higit sa iyong kahapon, higit sa iyong bukas kaya nga sa ebanghelyo sinabi na ng P. Hesukristo na HUWAG KAYONG MABAGABAG O MAG ALALA SA ARAW NG BUKAS at sa ating pagdarasal itinuro niya na sa atin ay ipagkaloob ng AMA ang ating pagkain sa ARAW ARAW hindi ang pagkain na para sa isang buwan, o sa isang taon na dahil ang DIYOS gusto niya FRESH and WARM ang pagkain niyang inihahandog sa atin araw araw.
Ang ating pag aalala sa araw ng bukas at ang ating pagkalungkot at palaging pagtanaw sa kahapon ng ating buhay ay nagiging dahilan para hindi tayo makapamuhay ng buo, husto, at puspos sa araw ng NGAYON. Ang Diyos ay Diyos ng NGAYON.
Ang lahat nating kasalanan, pagkukulang, kalabisan, sa personal o sa publikong buhay, o sa samahan, sa simbahan, sa kapwa tao, sa pamilya ay tamang batid ng Diyos na lahat at maging ang ating magiging mga kasalanan sa araw ng bukas ay batid na din niya subalit binibigyan niya tayo ng BENEFITS OF THE DOUBT na ibig sabihin, may pagkakataon pa din tayo na patunayan ang ating kakayahan na magbago, na makasunod sa kanyang panuntunan.
Anomang sama at anomang nagawa ng sinoman lahat ng ito ay nababalewala sa sandaling ang tao ay nakipag ayos sa Diyos dahil ang Diyos ay Diyos ng iyong Ngayon. Sa maraming pagkukulang, pagkakamali, pagkakasala, pagmamalabis ng tao, sa sandaling siya ay tumingin sa kanyang katatayuan ngayon at nagkusang loob na bumalik sa Diyos, ang Diyos na lubhang maawain at masaklolo ay tumitingin at umuunawa sa puso at isip ng taong yaon sa oras na iyon dahil siya ay Diyos ng Ngayon.
May pag-asa, may pag-ibig, at may pananampalatayang matatagpuan ang tao na magsisikap sumamba at lumapit sa Diyos ngayon, hindi mamaya at bukas, dahil mas minamahalaga ng Diyos ang iyong NGAYON dahil siya ay DIYOS NG NGAYON.