Sunday, April 16, 2017

PAGHUHUGAS NG PAA NG MGA APOSTOLES

Ang pagkakaroon ng mga tapayan ng tubig sa bawat bahay sa Gitnang Silangan, partikular sa mga Israel, ay isang kaugalian, tradisyon, at bahagi ng kanilang buhay. Ang tubig sa tapayan ay nakahanda para sa paghuhugas ng paa ng mga galing sa paglalakbay. Dahil ang kanilang mga panyapak ay sandalyas na katad o balat ng hayop at ang kanilang nilalakaran ay maalikabok, disyerto at buhangin, kaya bago sila pumasok sa tahanan sila ay naghuhugas ng kanilang mga paa.
Sa mga mayamang angkan, sadyang may mga tagapaghugas sila ng paa ng kanilang bisita at kanilang paa. ito ay ang mga alipin o alila o katulong.
Ang mga alipin o slave ay pag aari ng kanilang panginoon. Wala silang sahod at wala silang karapatan. Sila ay karaniwang bihag mula sa digmaan o kaya naman sila ay nabili sa isang nagbebenta ng alipin. Ang mga alipin din ay mga ipinagbili ng kanilang magulang para maging bayad sa pagkakautang nila sa mayaman. Sa madaling sabi ang mga alipin ay mababang uri ng tao, kung tao pa din silang itinuturing ng kanilang panginoon o amo. Karaniwan na mas mahalaga pa at mataas ang pagtingin ng panginoon nila sa mga alagang hayop kaysa sa mga alipin.
So, ang mga alipin ang naghuhugas ng paa ng mga bisita ng kanilang panginoon. Sila ang nag pupuno ng mga tapayan ng tubig, sila din ang naghahanda ng pagkain ng kanilang amo at mga bisita. Ito ang relasyon ng Panginoon at Alipin sa gitnang silangan noong unang panahon - although may nangyayari pa ding ganito ngayon.
Sa huling hapunan, nagkakatipon ang mga apostoles at ang Panginoon Yeshua sa itaas ng silid sa bahay ni Nicodemus. Inihatid sila doon ng isang batang may pasan na tapayan ng tubig.
Sila ay mula sa paglalakbay. At gaya ng nakaugalian, ang manlalakbay ay dapat hugasan ang kanilang mga paa, subalit ang bawat isang apostoles ay nag siupo na at naghihintay ng alipin na lalapit para hugasan ang kanilang mga paa.

Doon sa puntong iyon, tumayo ang P. Yeshua at kinuha ang palanggana, ang twalya, at ang tubig. Nilapitan niya ang nagpapahingang Apostol, isa isa, hanggang kay Pedro, para hugasan ang paa, at bilang tanda ng isang ganap na alipin - hinalikan ng P. Yeshua ang paa ng mga Apostol - kaparis ng ginagawa ng mga alipin sa paa ng kanilang amo pagkatapos hugasan.
Halik sa paa na pagkilala sa paa nang taong nagpapakain sa kanila, paa ng taong umaampon at nagbibihis sa kanila, paa ng taong umaari sa kanila bilang kasama at alipin sa bahay.
Dito nagitla ang mga Apostoles, napahiya sila sa kanilang mga sarili. Sila na kumikilala sa P. Yeshua na Panginoon at Amo ay narito ngayon at siya pang naghuhugas ng kanilang mga paa at humahalik dito.
Inilayo ni Pedro ang kanyang paa, nahihiya siya sa gagawin ng kanyang panginoon; HUWAG PO GURO! sabi ni PEdro; kung hindi kita huhugasan Pedro ay wala kang bahagi sa akin, sagot ng Guro. Kung gayon po ay huwag paa ko lamang, idamay mo nang buhusan sampu ng aking katawan, sagot naman ni Pedro.
Ang pinaliguan na ay di na dapat pa muling paliguan, ang paa na lamang dahil ito ay siyang agad na nadudumihan sa paglalakbay. sabi ng Cristo. At magkagayon nga, ay hinugasan ng Cristo ang paa ni Pedro at hinalikan.
Kasunod niyon ay winika ng Cristo - NAG IWAN AKO SA INYO NG HALIMBAWA NA DAPAT NINYONG SUNDAN AT TULARAN, NA AKONG PANGINOON NINYO AY HINDI NAPARITO PARA PAGLINGKURAN KUNDI ANG MAGLINGKOD SAPAGKAT SINOMANG DAKILA SA INYO, SINOMANG LIDER SA INYO AY DAPAT MAGING ALIPIN AT LINGKOD NG KANYANG KAPWA.
Ngayong Huebes Santo, sa lahat ng simbahang Katoliko sa buong mundo, ginugunita ang Huling Hapunan, tampok dito ang Banal na Eukaristiya, tampok din dito ang pag huhugas ng paa ng mga Apostoles.
Ang tunay na mensahe ng Huebes Santo ay PAGLILINGKOD SA KAPWA, PAGLILINGKOD KAPARIS NG ISANG ALIPIN, KAPARIS NG PANGINOONG NAGHUBAD NG KADIYOSAN, AT NAKIPARANG TAO, HANGGANG SA KAMATAYAN SA KRUS.