Monday, September 18, 2017

POTESTAS POLITICA (The Power of Politics, Political Power)

Ang pulitika ay isa sa pinakamaruming kalakalan at proseso na ginagamit ng tao at mga nasa kapangyarihan o pwesto upang makalikha ng patakaran, batas, alituntunin at iba pang may kinalaman sa materyal na pamumuhay at pag-iral ng tao at ng buong samahan o organisasyon.
Karaniwan, nasasantabi ang ang ilang prinsipyong espiritwal kapalit ng prinsipyong pulitikal. Sa daigdig mas nakakapangyari ang Potestas Politica o kapangyarihan ng pulitika at pulitikal na kapangyarihan at hindi naiiba dito ang relihiyon.
Makalipas ang napakahabang panahon at sa lawak at lalim ng mga impormasyon at kaalaman na madaling makukuha sa ngayon gawa ng Internet may pagkakataon na ngayon na magsaliksik at unawain ng higit pa sa karaniwang paliwanag at palagay kung ano ba talaga ang motibo at intensyon sa likod ng mga batas, patakaran at kasaysayang naganap ng nagdaang panahon sa simbahan o relihiyon Katoliko.
Simulan natin sa bakit naging unang Santo Papa si Apostol Pedro ng Roma at hindi ng Antioquia kung saan doon unang tinawag na Kristiyano ang mga Apostoles?
At bakit pinakamaraming aklat o sulat si San Pablo kaysa sa kay San Pedro sa Bibliya (Bagong Tipan)? Nasaan ang iba pang mga aklat o sulat na gawa ng iba pang mga Apostoles?
At bakit nagkaroon ng paghahati ang Iisang Simbahang Banal Katoliko at Apostoliko na naging dahilan para magkaroon ng Orthodox at ng Romano; magkaroon ng Eastern Christendom at Western Christendom?
Bakit ang Romano o Western Catholicism ay nahating muli sa Protestante at Romano, ang mga Protestante sa mas maraming hati, ang mga humiwalay sa Romano ay nagkahati hati pang muli?
Iisa ang nakikita kong rason at dahilan gaya na din ng sinabi ni Bishop Fulton Sheen, POTESTAS POLITICA, kapangyarihan ng pulitika, pulitikal na kapangyarihan.
Narito ang aking kasagutan sa mga tanong na iyan:
Hindi maikakaila na ang Western Christianity na ang balwarte ay ang Vaticano sa Roma ay tagapagmana ng buong kapangyarihan ng Imperyo Romano at ang Santo Papa ay nang lahat ng kapangyarihan at kayamanan ng Emperador Constantino. Kasama sa kapangyarihan at kayamanang minana nito ay ang pamamahala sa lahat ng Papal States at Papal Wealth sa buong Europa at sa buong mundo. Na ang lahat ng mga sinakop ng mga Conquistadores ay napapa ilalim sa pamahalaan ng Santo Papa sa Roma.
Ang Eastern Orthodox Christendom ay hindi nagmana ng katulad ng pagmamana ng Obispo ng Roma. Walang sapat na pulitikal na kapangyarihan ang mga Katolikong Orthodox sa silangan at iyan din ang dahilan kung bakit sila naging biktima ng murder ng mismong mga Crusaders na sugo ng Obispo ng Roma na kung saan milyong Orthodox ang nasawi, bumaha ng dugo sa lansangan, nagkalat ang mga martir ng Orthodox.
Gayon man, hindi din nakaligtas sa malagim na pagpatay na ito ang mismong mga Katoliko sa ilalim mismo ng Romanong Katoliko, lahat ng hindi susunod, lahat ng susuway, lahat ng magpapakita ng hindi pag sangayon ay humanda na din sa kamatayan sa kamay ng mga Romano. Nariyan ang malagim na kasaysayan ng pagpuksa sa lahat ng nakakahindik na paraan ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang mangkukulam at iba pag kalaban ng simbahan. POTESTAS POLITICA. Ang dugo at espiritu ng mananakop o Conqueror sa ngalan ng relihiyon, dugong mamamatay tao at berdugo ang siyang dumadaloy sa maraming Romano na ang Potestas Politica ang prinsipyong dinadakila.
At dahil dito, kapangyarihang pulitikal ang higit na umiiral sa lahat ng pamamalakad, sistema at batas ng Roma nasasantabi ang prinsipyong spiritwal at ang potestas spiritual.
Dapat nyong maunawaan na hindi kasama sa orihinal na 12 si San Pablo. Walang record o tala sa alinman sa apat 4 na ebanghelyo na siya ay nakinig o nakikinig, o nakasalamuha, o nakasama man lang ng P. Yeshua sa buong tatlong taon nitong pangangaral hanggang sa oras na ito ay ipako, mamatay at muling mabuhay. Kilala nga ba ni San Pablo ang Cristo katulad ng pagkakilala ni San Pedro at Sto Tomas atbp mga Apostoles? Sagot ko ay HINDI.
Pero bakit mas maraming aklat si San Pablo kaysa kay San Pedro na Apostol mismo ng Cristo at higit na maraming nalalaman kaysa sa kanya sa mga lantad at lihim na ginawa ng Cristo? Sagot ko ay PULITIKA. Bakit?
Dapat nyo muling maunawaan na si San Pablo o Saulo ay isang Hudyo na ROMAN CITIZEN at edukadong Pariseo samantalang si San Pedro ay mangingisda, walang record na siya ay nakapag aral, hindi siya Roman Citizen, siya ay second class o third class citizen ng Israel/ Galilea. E ano ngayon? Simple lang ang sagot, mas pinaboran at papaboran ng Romano ang kanyang Citizen kumpara sa hindi Citizen. Mas may prebelehiyo at mas may karapatan sa mataas na karangalan ang isang Roman Citizen kaysa sa hindi. Tingnan ninyo ang mga US Citizen, ang mga British Citizen kumpara sa ibang lahi. Mas malawak mas marami silang prebelehiyo sa buong mundo kumpara sa hindi citizen ng kanilang bansa. Ito ay sapagkat sila ay makapangyarihang bansa, economical at political.
Side by side si Hudyong Pedro at si Roman Citizen, edukado, pariseo na Pablo sa harap ng mga Obispong Roman Citizen - obvious na obvious na kung kanino sila papanig. Mas matimbang ang kay Pablo kaysa kay Pedro. Iba na ang may pangalan, iba na ang may pera, iba na ang citizen. Political power, power of politics are making decisions in matters of spiritual significance.
Dahil sa napakalaking kapangyarihang Political ng Obispo ng Roma at dahil ito ang may kayamanan, karamihan sa mga obispo noong panahong iyon ay yumuyuko sa Obispo ng Roma na wari bagang lahat ng sasabihin niya ay salita ng Diyos na dapat sundin. Pag hindi ka sinuportahan ng Obispo ng Roma patay ang proyekto mo disgrasya ang panukala mo. So kailangan mong makipaglaro ng pulitika sa kanila. Kahit pa totoo, tunay at banal ang intensyon, motibo at proyekto o gawain sa sandaling ikumpas ng Romano ang kaniyang kamay laban sa iyo ay excommunication mo na kung hindi man kamatayan o pagkatapon (exile) sa ibang bansa.
Halos sambahin ng mga Katoliko ang kanilang simbahang Romano samantalang ito ay tigmak sa dugo ng mga banal at maging ng dugo ng Cristo. At magpahanggang ngayon ang kaugaliang ito, na espiritu na talaga, ng mga Romano, ang mang-usig at manakop ng hindi nila kapanalig at hindi makakaligtas dito kahit pa anong relihiyon o sekta at ito ang rason at dahilan kung bakit dumami ang relihiyon sa lupa. Sila din ang rason at dahilan kung bakit may Protestante, bakit may Orthodox at bakit may Iglecia ni Cristo at bakit may ACC etc dahil kung maayos lamang, dahil kung katotohanan lamang at kabanalan lang wala nang iba ang ipatutupad at patakaran - wala nang magtatayo ng kaniyang relihiyon.
Pero relihiyon nga ba ang problema? Sagot ko ay hindi. Ang sadyang problema ay iyong mga tao na nasa loob ng relihiyon sila ay kinain ng kanilang EGO, kinain sila ng kayabangan at pinasok sila ng espiritu ng conquistadores, uhaw sila sa dugo ng mga ayaw sumunod mas pinili nila ang POTESTAS POLITICA kaysa POTESTAS SPIRITUAL.
Ito ang tukso ni Satanas sa Cristo - YUKURAN MO AKO YESHUA AT LAHAT NG KAPANGYARIHANG POLITICAL SA LAHAT NG KAHARIAN SA LUPA AY AKIN AT IBIBIGAY KO SA IYO, SAMBAHIN MO LAMANG AKO.
Sa tanong na bakit si San Pedro ang unang Papa? Sa totoo hindi nga alam ni San Pedro na Papa na pala siya ng Roma. Sa naunang daan taon ng Kristiyanismo, ang mga Obispo o kahalili ng mga Apostoles at mga sugo nito sa ibat ibang dako ay magkakapatid, magkakapantay, walang una, walang huli. At maliwanag nilang sinusunod ang kautusan sa kanila ng P. Yeshua na "AKO ANG PUNO KAYONG LAHAT AY MGA SANGA" alalaon baga ay pantay pantay pare pareho sa karangalan at grasya. Malaki o maliit na sanga pare parehong nakadugtong sa puno walang malaki walang maliit na grasya.
Dahil sa lawak ng kapangyarihang imperyal, pulitikal, economical na nasa kamay na noon ng Obispo ng Roma para maganap ang kanyang lubos na paghahari sa buong mundo kailangang mapasakanya ang pinaka importanteng versikulo sa Mateo 16:18 na nagsasabi TU ES PETRUS ET SUPER HANC PETRAM AEDIFICABO ECCLESIAM MEAM - Ikaw ay pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatatag ko ang aking Iglecia....Ibibigay ko sa iyo ang susi ng kalangitan .....
Kailangan maangkin ito ng Obispo ng Roma sa gayon mapasunod nito ang iba pang mga Obispo at para mangyari ito, gumawa ng kasaysayan na si Pedro diumano ay nagpunta sa Roma at naging Obispo doon at doon pinatay ng mga Romano. At para patunayan ang kanyang kamatayan sa Roma kailangang may kalansay ni Pedro na makikita doon. At gayon nga ang tradisyon o kwento sa kasaysayan, may nahukay diumano sa ilalim ng altar na kalansay at iyon daw ay kay Pedro gayong ang mga simabahan noong araw ay itinayo sa ibabaw ng KATAKUMBA o mga sementeryo sa ilalim ng lupa- ibig sabihin maraming kalansay doon hindi lamang isa kundi daan o libo libo.
Nakatatakot kapag ang Potestas Politica ay napasakamay ng mga relihiyoso o taong simbahan o ng relihiyon na walang sense of spirituality at compassionate virtues. Ang lahat ng malagim na krimen laban sa sangkatauhan ay ginawa ng kamay ng mga relihiyoso at panatiko sa kanilang paniniwala.