Sunday, April 16, 2017

ANG KAHARIAN NG DIYOS

Nang kausap ng P. Hesus si Nicodemo sinabi niya na MALIBANG ISILANG NA MAG-ULI ANG TAO SA TUBIG AT SA ESPIRITU AY HINDI NIYA MAKIKITA AT HINDI SIYA MAKAPAPASOK SA KAHARIAN NG DIYOS (Juan 3:3-5)
Ano ba ang tinutukoy na KAHARIAN NG DIYOS O PAGHAHARI NG DIYOS? Ang kaharian ng Diyos ay nakasalig sa ESPIRITU AT SA KAPANGYARIHAN (1 Corinto 4:20), nasa pag gawa ng himala o milagro, nasa pagpapagaling ng mga maysakit, nasa pagpapalayas ng masamang espiritu at pagpapasuko sa mga diablo.
Ito ang winika ng P. Hesukristo sa mga Pariseo sa MATEO 11:14, nang pagbintangan siyang nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ni Beelzebul, winika niya "Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos." Alalaon baga nga, ang pagpapalayas ng demonyo at pagpapalaya sa mga tao mula sa impluwensya nito ay palatandaan ng pagpasok ng kaharian at paghahari ng Diyos sa tao.
Inulit ito ni San Pablo sa mga taga Roma 15:19 "Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ko, sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 SA TULONG NG MGA HIMALA AT MGA KABABALAGHAN, AT SA PAMAMAGITAN NG KAPANGYARIHAN NG ESPIRITU NG DIYOS."
Sapagkat nga ito ang KAHARIAN AT KAPANGYARIHAN NA HINDI MAGIGIBA na winika din ni San Pablo sa mga Hebreo 12:28 "Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng ISANG KAHARIANG HINDI MAYAYANIG." Hindi nga mayayanig sapagkat makapangyarihan at lubos na kagalang galang.
Ang kahariang iyan ay nasa sa loob at nasa mga binyagan, itinuro na ng Panginoon kung nasaan ang kaharian ito - winika niya " ANG KAHARIAN NG DIYOS AY NASA INYONG KALAGITNAAN" LUCAS 17:20 "Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, "Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo."
Winika niya na ang totoo'y naghahari na ito sa mga alagad sapagkat ang mga alagad ay pinagkalooban na ng kapangyarihan ng Diyos na kung saan sila ay nakakapanggamot, nakakapagpalayas ng masamang espiritu at gumagawa na din ng mga himala at kababalaghan...
Ito ang mga palatandaan ng paghahari ng Diyos, at ito din ang palatandaang ibinigay niya sa kay Juan Bautista na noon ay nakakulong, MATEO 11:2- 5
"Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, "Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?" 4 Sumagot si Jesus, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
ANO NGAYON ANG KABULUHAN NG MGA ITO SA ATIN BILANG MGA TINATAKAN, BILANG MGA APO?
Sa maraming pagkakataon inuulit ulit natin na ang pagiging APO ay ang pagtanggap ng kapangyarihan mula sa Diyos, Acceptavit Potestatis Omnipotente (APO) at naganap sa mga tinatakan ang ikalawang Pentecostes.
Nabinyagan tayo sa tubig, sa apoy at sa Espiritu Santo, tumanggap tayo ng BIYAYANG WALANG HANGGAN, ang ating tinanggap ay hindi Espiritu ng kaduwagan kundi Espiritu mula sa langit - kapangyarihan at otoridad - na sakupin ang mga dako at paghariin ang kalooban ng Diyos at wasakin ang gawa ng Diablo. Ganapin ang pagpapakilala ng paghahari ng Diyos - ang magpagaling ng maysakit, magpalayas ng masamang espiritu, ang gumawa ng mga himala sa ikapagpapabalik loob ng tao - hindi lamang salita sabi ni San Pablo - KUNDI SA TULONG NG MGA HIMALA AT MGA KABABALAGHAN, AT SA PAMAMAGITAN NG KAPANGYARIHAN NG ESPIRITU NG DIYOS."