Bawat tinatakan ay dapat na tumubo at mag ugat sa kaniyang komunidad o kaptibahayan. Kahit pa sa dampa o abang altar ay sikapin niyang ipakilala ang Ingkong ipagsumikap niya na itanghal kahit man sa kapilyang yari sa kawayan at sawali.
Pinababa na tayo sa kapatagan upang dito ay lumaganap. Dito sa patag tayo ay makikihalubilo at makikipamayan sa sanlibutan ang sabi ng kasulatan ay huwag lamang mahahawa sa masamang takbo nito. Nasa kapatagan ang mga taong nangangailangan ng ARAL AT PAGPAPALA ng Ingkong. Kagaanan ng buhay at pananampalataya, pag asa at pag ibig ang ating dala dapat hindi panibagong pasaning mabigat sa naghihirap na ngang mamamayan.
Ituring silang mga anak ng Diyos hindi mga manggagawang magsasampa ng materyal lamang na bawat tao ay tinumbasan na ng halagang salapi kaparis ng ginagawa ng ibang relihiyon. Tao at kaluluwa ang higit na mahalaga sa Diyos at ito ang dahilan kaya nagkatawang tao ang Kristo kaya pumanaog ang Ingkong, tao at kaluluwa.hindi materyal o gusali.
Idangal natin ang Diyos sa pamamagitan ng mga bibig at pusong nagpupuri ng mga taong nakakilala sa kanya. Hayaan na ang Espiritu na nagkakaloob ng kalayaan ay siyang manguna sa pagliligtas ng kapwa. Ang Diyos, tunay na Diyos ay hindi pag aari ng sinomang relihiyon sekta o denominasyon Siya ay Diyos ng lahat ng tao lahat ng may buhay lahat ng umiiral.
Pasimulan ang mas maganda at banal na kultura ng tunay na malasakit sa tao at sa misyong mamahayag ng mga banal na aral. Hindi pwersa hindi pananakot hindi pagpapakita ng otoridad para sundin sa halip ay tamang mga salita na may puso at unawa. Ang mahilig manakit ay di na lalapitan. Ang mapagbigay na kamay ay siyang kinukumpulan. Hayop o aso man kung iyong sinasaktan isang araw ikaw ay lalayuan at iiwasan. Hayop o aso man kung iyong pakainin at dulotan ituturing kang amo at panginoon tao pa kayang may isip at may unawa.
Sa pag ibig, sa pag iibigan, sabi ng Kristo, makikilala ng sanlibutan na mga alagad ko nga kayo.