Ang sistema at anyo ng mga estruktura pamahalaan, simbahan o pang pribadong pamumuhay man, lokal man o pandaigdigan ay tatsulok. Ang mga nasa tuktok na iilan ang nasusunod at tagapag utos sa mga nasa ibaba. Silang iilan sa itaas ang nagwawagi, ang naghahari at nag uutos. Sila ang kumukuha at humuhugot ng moral na kapangyarihan sa pagpapakilala sa mga nasa ilalim nila na sila ang kinatawan ng Diyos o ng mataas na kapangyarihan.
Nakakapagtaka lamang na ang mga nasa ilalim nila ay walang kagatol gatol na naniniwala at sumusunod lamang ng yukod ang ulo, sarado ang bibig, pikit ang mata at gapos ang kamay at paa o kaya ay may tanikala ang leeg o binti. Para mapanatili ang ganitong uri ng pagsunod ng tao sa kanila ibat ibang pamamaraan ng kontrol o manipulasyon ng damdamin ng tao gamit ang salita ang kanilang ginagamit. Unang una na dito ang pananakot at pagbabanta. At upang mas maging may pwersa ang pananakot at pagbabanta ilalahok dito ang paggamit sa Diyos. Ginagamit ang Diyos at ang salita ng Diyos na itugma sa kanilang agenda na maidiin sa taong nasa ilalim nila ang takot na wari baga ay napaka bestfriend nila ang Diyos at sila lamang ang may direct access o komunikasyon sa kanya. Ito ay isang napakalaking kasinungalingan. Kung ang Diyos ay Ama at tayong mga tao ay anak niya sa anong dahilan na ang Ama na mahabagin at mapagmahal ay makinig lamang sa iisa o dalawa at.hindi sa marami at lahat.
Higit na marami ang bumubuong tao sa ilalim ng tatsulok. Ang kayamanan at kaginhawahan ng nasa tuktok ay bunga ng kahirapan at pagdurusa ng mga nasa ilalim at ibaba ng tatsulok. Ang nasa ilalim ang nagpapakain sa nasa tuktok. Ang nasa ilalim ang nagbibihis sa nasa tuktok. Ang nasa ilalim ang nagbabayad sa ginhawang mayroon ang nasa tuktok. Habang may tatsulok hindi matatapos ang gulo sabi ng isang awitin.
Ayaw ng iilan na nasa tuktok na magising ang diwa at isip ng mga nasa kanilang ilalim sapagkat kung magkakagayon ay mababaligtad ang tatsulok o kaya ay mapapatag. Ayaw nila niyan sapagkat ayaw nilang dumami o lumaki ang kompetisyon. Sa lahat ng tatsulok ang relihiyon ang isa sa mga madali at kayang kaya na magkontrol sa isip at loob ng tao para maipon sa kanilang ilalim.
Totoong pera at kabuhayan ang ipinapasok ng mga nasa ilalim kapalit ng 'ipapanalangin kita'', naubos na at nagastos ng nasa tuktok ang salapi ng pobre samantalang ang pobre ay umaasa pa ding tatanggapin ang kahilingan. Maghandog ka ulit sa susunod magtiyaga ka lamang sabi ng nasa tuktok. Gayon nga ang ginawa hindi iisa hindi dadalawa kundi mas maraming nasa ilalim ang magsasampa ng handog na pera sa paniniwalang matutupad ag kahilingan kapalit o sa bayad na pera. KAilangan ng nasa tuktok na mapanatili ang paniniwala ng nasa ilalim na sa lahat ng handog sa Diyos ay pera ang kanyang pinakapaborito. Kailan pa nakapagpakita ng ebidensya ang mga pastor, ministro o pari na ang Diyos ay may bank account o gcash at natatanggap nga niya ang remittance. Sa katotohanan ang mga nasa tuktok ang gumagamit gumagastos ng kayamanan na iniaakyat ng nasa ilalim.
Iisa lamang ang nasa tunay na tuktok kundi ang Diyos pero ang Diyos na iyan ay pumanaog na sa ilalim hanggang sa impyerno nga ay bumaba siya. Winika niya na anoman ang gawij natin sa ating kapwa aybsa Diyos natin ginawa. Na ang kaligtasan natin ay nakasalalay sa ating kapwa. Na ang kapatawaran natin ay nasa pagpapatawad natin sa ating kapwa. Yung kapwa ay ang ating kasama sa bahay ang mga nasa lansangan ang nasa banig ng karamdaman ang nasa bilangguan hindi ang nasa tuktok. Hindi ang nasa tuktok dahil maganda at masarap ang kanilang buhay.
Ang pinakadakila sa inyo ay siyang maging hamak na serbidor o alipin. Ang lider ay maging tagasunod. Hindi kailangan ng tao ng panibagong amo o panginoon sapat na si Hesus sapat na ang Ingkong tayong lahat ay pantay at magkakapatid. Ang tunay na ibig malagay sa tuktok ay kailangang magpakita magpadama magpalasa ng kababaang loob para maabot niya ang nasa ilalim. Hindi ang nasa ilalim at ibaba ang magpapakaba sa nasa tuktok sapagkat nasa ilalim na nga dila..ibig bang tapakan at yurakan na din sila sa sobrang baba na. HinDi ba dapat at tama na ang nasa itaas ang bumaba?
Ang tunay na aral ng Diyos ay mapagpalayang aral at nakagiginhawang doktrina. DoKtrinang nadadama nakikita nadidinig nalalasahan at naaamoy hindi dokrinang hindi abot ng karaniwang mamamayan. Ang tunay na aral ng diyos ay aral na kahit mangmang ay kayang abutin at unawain. Hindi doktrina na pang masteral o doktoral lamang ang nakakaunawa. Ang Diyos ay diyos ng lahat ang kanyang aral ay hindi pang tuktok lamang.
Diyos na ngang maygawa ng langit at lupa ay bumaba mula sa pinakamataas na tuktok at naging tao at sa kanyang pagbaba ang nasa ilalim ay kanyang itinaas, binaligtad niya ang tatsulok.