Sunday, September 12, 2021

Ang Simbahan ay Ina at Guro

 Inay at Guro (Mater et Magistra)

Ang simbahan sa kanyang ugnayan sa pamayanan (mga tao) sa daigdig ayon sa pagninilay ng Papa Juan XXIII ay nauuwi sa dalawang dakilang gampanin ang pagiging Ina at Guro.
Ang simbahan sa aspetong hirarkiya mula sa Patriyarka hanggang sa kaparian sa kanyang ugnayan sa sangkatauhan at mananampalataya ay dapat tulad sa isang INA. Ibig sabihin ang Patriyarka, ang mga arsobispo, obispo, monsinyores, kaparian ay kinakailangan na magpakita at magpadama ng pagmamahal, malasakit at paglilingkod sa tao tulad ng isang ina sa kanyang mga anak.
Ang isang sanggol ay may malaking tsansang (chance) mabuhay sa piling ng ina kahit pa wala nang ama. Ang yakap at init ng dibdib at pintig ng puso ng ina ay nagpapakalma at nagpapatahan sa umiiyak na sanggol. Kaya siguro marahil sa ina inilagay ng Diyos ang gatas sa dibdib. Ang ina ay larawan ng pag ibig at pag aaruga ng Diyos.
Maaaring ang isang hamak na ina ay walang kakayahang bihisan ka ng mamahaling damit pero sa kanya ikaw ay di kailanman magiging hubad o magiginaw.
Maaaring ang isang hamak na ina ay walang kakayahang pag aralin ka sa sikat na paaralan pero sa kanya ikaw ay magiging edukado sa kabutihang asal.
Maaaring ang isang hamak na ina ay walang kakayahan kang pakainin ng masasarap na pagkain pero sa kanya ikaw ay hindi gugutumin.
Ang ina ang nagdala sa sanggol sa siyam na buwan o kulang dito sa kanyang sinapupunan at siyang nagsilang sa kanya na ang isang paa ay nakalusong na sa kamatayan. Bawat ina na nanganganak ay nasa bingit ng kamatayan. SIya na rin mula sa pagka sanggol pagkabata pagka sapat na gulang hanggang pagtanda ang mananatiling iisang ina na mag aalaga at magmamahal ng walang paghihintay ng kapalit mula sa anak na pinaglingkuran.
Ang simbahan bilang ina sa mga anak ay mapagmahal mapaglingkod, siya ang nagsusubo sa anak ng pagkaing magbibigay ng buhay na walang hanggan. Siya ang magpapagaling at gagamot sa sugatang kaluluwa at pananampalataya ng kanyang mga anak. Siya ang magbibihis sa hubad nitong pagka tao at wangis ng Diyos. Siya ang magtataguyod at magtuturo sa tao ng tunay at mahalagang aral o doktrina na magliligtas sa tao sa buhay na ito at sa kabila. Kaligtasan sa buhay na ito hindi lamang sa oras ng kamatayan.
Ibig sabihin una sa lahat at patuloy hanggang sa huli ang simbahan na nirerepresenta ng hirarkiya mula sa Patriyarka hanggang mga pari at katulong na layko na naglilingkod sa bayan ay dapat na pusong ina ang pairalin at ipakita. Nasa pusong ina ang susi ng pagkakaisa at pagsasama sama sa unawaan at pagpapaumanhinan. Ang mabuting ina ay hindi nagtatakwil ng anak anoman ang naging ugali at gawi nito nang siya ay lumaki. Siya ay ina kahit pa nang pinakamakasalanang anak o pinakabanal na anak.
Ang simbahan ay Guro o tagapagturo, mangangaral at tagapagpahayag ng mabuting balita hindi ng masamang balita; ng pagkakaisa.hindi ng paglalayo at pagtatakwil; ng pagyakap hindi ng pagtulak; ng pagpapala at hindi ng panunumpa. Ang buong bibliya ay aklat ng pagtuturo. Ang tatlong taon ng Cristo ay ginugol sa pagtuturo. Ang utos at mandato sa mga apostoles ay magturo.
Alalaon baga mula sa Patriyarka hanggang sa mga pari at laykong katulong ay dapat, bilang pagsunod sa mandato, maging tagapagturo. Tagapagturo ng walang hanggang doktrina ng Diyos ang pag ibig sa Diyos na mapapatunayan sa malasakit at paglilingkod sa kapwa tao. Ang simbahan ay hindi ang gusali o anoman pisikal na lunan o dako. Ang pisikal na gusali at dako ay tipunang lugar lamang bagaman kailangan din pero hindi ito ang pangunahin sa listahan ng gawaing pagliligtas.
Minsan naiisip ko ang Diyos ba ay Ama lamang at hindi Ina, o Ina ba lamang at hindi Ama. Sa ebanghelyo winika ng Cristo sa mga hudyo..ilang ulit ko na ka kayong hinangad tipunin paris ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw. Inihahalintulad ni Hesus sa katangian ng inahing manok ang kanyang sarili, bilang isang Ina na NAGTITIPON NG SISIW hindi nagpapalayo ay hindi sanhi ng pagkakalayo layo.
Sa aklat ng mga Awit maraming pagkakataon na binanggit ang taong lingkod ni Yhwh ay ligtas sa lilim o ilalim ng kanyang pakpak, kaninong pakpak ba sumisilong ang sisiw kundi sa bagwis ng inahing agila.
Bilang paglilinaw hindi ko sinasabing may Diyos Ama o Diyos Ina, ang pinakamahalaga dito na pqhnilayan ay ang KATANGIAN ng isang Ina na dapat ay ipadama at ipakita ng simbahan dahil ang Diyos na nga ay inihayag ito sa kasulatan.
Ang isa pang dakilang larawan ng Cristo na siyang pinaghuhugutan ng simbahan ng pagiging ina ay ang ibon na Pelikan na sa panahon mg tagtuyot o salot ay nag alay ng sariling dugo at buhay sa mga anak pata maitawid lamang at mabuhay. Sana, sana at sana muli sa panahong ito ng salot ng covid higit nating madama ang pagiging ina ng simbahan at pagiging tagapahayag ng mabuting balita ng pag asa pagibig pananampalataya at hindi ng pagtatakwil panunumpa at paglayo layo sa bawat isa. Ang araw ba ay sumisikat sa mabuting tao lamang? Ang ulan ba ay pumapatak sa paladasal na tao lamang? Ang hangin ba na nilalanghap ng palasimba ay iba pa sa hangin ng makasalanan? Ang langit bang tinitingala ko ay iba pa sa langit mo?
Ina at guro hindi hukom at panginoon, gayon dapat ang simbahan sa kanyang relasyon sa sangkatauhan