Ave Maria Purissima!
Sumulat si San Pablo sa mga kristiyano na nasa Corinto nang ganitong pangungusap:
"Sapagkat maging 10,000 man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, IISA LAMANG ANG INYONG AMA. SAPAGKAT KAYO'Y NAGING ANAK KO SA PANANAMPALATAYA KAY CRISTO JESUS sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo..." I CORINTO 4:15
Sa gayon ding diwa, IISA LAMANG ang AMA ng mga tinatakan pagdating sa pananampalataya sa Mahal na Ingkong sapagkat sa pamamagitan niya ay ipinanganak o isinilang ang mga tinatakan sa pananampalataya at pagtawag sa Diyos Espiritu Santo bilang Mahal na Ingkong. IISA LAMANG ANG AMA O PATRIYARKA ng mga isinilang sa pananampalatayang ito walang iba kundi ang UNANG PINAGPAKITAAN AT PINAGPAHAYAGAN ng Mahal na INGKONG, ang banal na Patriyarka Juan Florentino.
Sa pangyayari nitong nakaraan na may mga hindi kumilala sa Patriyarka bilang kanilang Ama sa pananampalataya, ang ilan sa kanila ay mismong mga karaniwang apo na minarapat lamang o pinapaging dapat sapagkat kung hindi ginawang gayon ay hindi nga magiging pari o obispo ng Apostolic Catholic Church. Sila ay tahasang sumuway sa utos ng kanilang ulo at Ama at hindi lamang pagsuway kundi direktang pag-laban at walang katuwirang paninira. Dahil doon sila ay inalisan ng kapangyarihan o mandato, paris ng sangang binali at pinutol sa puno, walang grasya at walang biyayang dumadaloy - lumalabas na ang mga gawaing dating ginagawa paris ng misa at iba pa ay naging palabas o drama na lamang.
Ipinalagay nila at isiniksik sa kanilang puso at isipan na ang PAtriyarka ay walang karapatan sa maraming bagay ukol sa pananampalataya at simbahan o samahang itinatag ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Banal na Luklukan Sta Maria Virginia na ina at dugo ng Patriyarka.
Hindi nila naunawa ang sinabi ni San Pablo - NA TAPAT ANG DIYOS AT TINUTUPAD ANG MGA PANGAKO NIYA SA MGA PATRIYARKA (Roma 15:8) Ang Patriyarka, noong bata pa, sa Seminaryo ay KINAUSAP AT TINIPAN NG DIYOS ESPIRITU SANTO na anya SA KANYA AT SA LAHI NIYA MAGMUMULA ANG MAMAMAYAN NG BAGONG HERUSALEM.
Iyan ay sumpa at pangako ng Diyos sa Patriyarka. Sa paanong paraan magaganap na ang Patriyarka ang magsisilang ng mga mamamayan ng Bagong Herusalem? Sa kaparaanang Espiritwal. Ang mga isisilang ng Binyag ng Espiritu Santo, sa tubig, apoy at espiritu ay magiging mga anak niya. Siya ay si Juan Bautista ang tinukoy ni Anghel Gabriel sa Lucas 1:17 na "maghahanda ng isang bayan para sa Panginoon"
Ang Simbahan ang tinutukoy na isang bayan para sa Panginoon, para sa INGKONG. Ang bayang iyan, ang Simbahang iyan ay walang ba kundi ang Bagong Bayan ng Diyos - ang Bagong Herusalem. Kung kaya nga, ang nakapaloob sa simbahang iyan ay kabilang at kasama sa Bayan ng Diyos. Ito ay walang iba kundi ang APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH. Ito ang Arko o bangka ng kaligtasan. Noong naglalakbay sa dagat sakay ng bangka ang binihag na si Apostol Pablo, hinampas sila ng malalaking alon at unos sa karagatan. Nagsalita si San Pablo ng ganito " KAPAG HINDI NANATILI SA BARKO ANG MGA TAONG ITO, HINDI KAYO MAKALILIGTAS" Gawa 27:31
Tumalon at iniwan ng mga taong ito na tinawag ng Mahal na Ingkong na hathor ang barkong Apostolic Catholic Church at gumawa ng sariling bangka. Upang maging kakaiba ay gumawa at lumikha ng sariling aral na wala sa aral ng Simbahang Katoliko o ni sa mga mensahe ng Mahal na Ingkong sa labi man ng Banal na Luklukan. Upang madugtongan ang kapangyarihan at mandatong naputol at nawala umugnay sila sa ibang pagkukunan ng kapangyarihan. Ang taong kinuhanan ay hindi kumikilala sa Mahal na Ingkong ni sa Banal na Luklukan kaparis ng pangyayari noong araw ni San Pablo, tanong niya:
"Kung minsan, ang isa sa inyo'y may reklamo laban sa kanyang kapatid. MAGSASAKDAL BA SIYA SA MGA HUKOM NA PAGANO, SA HALIP NNA IPAUBAYA SA MGA HINIRANG NG DIYOS ANG PAG-AAYOS NG USAPIN NILA? HINDI BA NINYO ALAM NA ANG MGA HINIRANG NG DIYOS ANG HAHATOL SA SANLIBUTAN.... KUNG KAYO AY MAY USAPIN, IDUDULOG PA BA NINYO ITO SA MGA TAONG HINDI KINIKILALA NG IGLESIA? MAHIYA HIYA NAMAN KAYO.." I Corinto 6:1-6
Ang Patriyarka ng Espiritu Santo ay di naiiba sa Patriyarka Abraham. Ang Nunong Abraham ay pinangakuan ng Amang Diyos na sa kanya magmumula ang maraming bansa na paris ng bituin sa kalangitan. Gayon din ang wika sa Patriyarka Juan Florentino ng Mahal na Ingkong - sa iyo at sa lahi mo magmumula ang mamamayan ng bagong Herusalem, at mula sa silangan hanggang kanluran ay ihahayag ang kadakilaan at aral ng Espiritu Santo.
Ang tipan ay may pangako at bendisyon. Ang PAtriyarka paris ng Nunong Abraham ay tumanggap din ng pangako ng pag-iingat at bendisyon "KALASAG MO AKO, KITA'Y IINGATAN." at ng winika kay Nunong Jacob sa kanilang tipanan sa Betel " SA PAMAMAGITAN MO AT NG IYONG LAHI, PAGPAPALAIN ANG LAHAT NG BANSA. TANDAAN MO, SUSUBAYBAYAN KITA AT IPAGTATANGGOL SAAN KA MAN MAGPUNTA AT IBABALIK KITA SA LUPAING ITO, HINDI KITA HIHIWALAYAN HANGGANG SA MATUPAD ANG LAHAT NG SINABI KO SA IYO." Genesis 28:14-16