Monday, November 23, 2009

INGKONG- Ang aking Buhay at muling Pagkabuhay Written by Querubin Albert Jimenez

Ave Maria Purissima...

POST KO PO FROM ACC WEBSITE ANG LIFE TESTIMONY NI KAPATID NA QUERUBIN ALBERT


...Sinaksak agad ako sa kaliwang bahagi ng tagiliran ko at inikot ang balisong sa loob ng tiyan ko...

...ang kinamatay ko po ay naputol din ang pinaka punong ugat ng puso ko na nag-susupply ng dugo para tumibok ito, nagkaroon din po ako ng internal bleeding...

...nakita ko agad noon ang Mamang pagdating ko sa Langit, nakalahad ang palad niya na inaabot sa akin...

Nasa morgue na noon ang aking katawan para embalsamohin ng ibalik Niyang muli ang aking kaluluwa. Bubutasin na sana ang aking leeg ng bigla kong igalaw ang aking mga kamay...

(FULL STORY)


Ako po si Querubin Albert Jimenez, taong 1982 nang una po akong tinawag ng ating Mahal na Ingkong sa buhay paglilingkod. Nakilala ko po ang ating kaganapan sa pamamagitang ng pinsan ko na noon ay apo na. Madali po ako noong naniwala sa Mahal na Ingkong dahil aktibo ako noon bilang Sakristan at miembro ng Legion of Mary sa aming Parokya.

Unang akyat ko pa lamang noon sa Banal na Lupa ay marami na agad ako noong nakitang mga patotoo ng Mahal na Ingkong. Mapalad ako noong nabiyayaan ng gabay na Serafines. Gaya ng marami sa ating mga tinatakan, masaya at super aktibo ako noon sa pagganap. Binibilang ko noon ang bawat araw at buwan dahil gusto ko nang magpa mañanita noon sa bundok. Nang makarating sa aming Kura Paroko noon na miembro na ako ng Sacrifice Valley, pinapili niya ako kung saan ko gustong sumama, sa apo-apo ba daw o simbahan namin; pinili ko noon ang Mahal na Ingkong.

Noon dumating sa akin ang biyaya Niya sa panggagamot, panghuhula at pagpapahayag. Nakasama ko noong mga araw na noon sina Serafines Amado at bunga kami ng pag-aaral ng Biblia sa ilalim ni Apo Inocencio (noon ay kinikilala bilang pinaka magaling at henyo ng Biblia). Naging aktibo ako noon sa bawat kaganapan at sa pagpapahayag ng ating kaganapan.

Hindi ko inaasahang darating sa akin ang panahon ng panlalamig. Dumating ako noon sa punto na nag-aalinlangan na ako noon sa Mahal na Ingkong; sa Mamang; at naging malaking palaisipan noon sa akin nang dumating ang Papang at magtayo ng sariling Simbahan. Sa Mahal na Ingkong, dahil hindi ko noon maunawaan kung bakit kapag may nagsusumbong sa Kanya noon ng mga balitang walang katotohan at galing lamang sa bibig ng mga walang magawa, kundi puro paninira sa akin, ay pinaniniwalaan Niya agad.

Sinabi Niya na nag Iingkong-ingkongan daw ako; na nagtatayo daw ako ng sarili kong samahan; mga bagay na alam naman Niyang hindi totoo pero mas kinakampihan pa Niya yung mga nagsusumbong nito at mas pinapanigan pa. Sa Mamang, nagtataka po ako noon dahil may mga pagkakataon noon na kapag nagmemensahe ang Mahal na Ingkong ay umuubo ito, sabi ko noon sa sarili ko, may Diyos bang inuubo? Sa Papang, bakit kailangan pa niyang magtayo pa ulit ng Simbahan?

Pangarap ko na po noon simula pagkabata ng maging isang pari, dahil dito nagpasya po akong pumasok ng Seminaryo at hindi ipaalam sa mga kapatiran ko para hanapin ang aking pananampalataya. Nang malaman ng aking Superior at Formator na member ako noon ng Sacrifice Valley, hiniling nila sa akin noon na talikuran ko na at itakwil ang Mahal na Ingkong dahil maliligaw lang daw ako ng landas.

Tinakwil ko noon ang Mahal na Ingkong, ang Mamang, at aking paniniwala sa Sacrifice Valley. Nang matapos ko ang aking kurso Pilosopiya sa loob ng seminary, lumabas ako noon para sa unconditional regency. Pag labas ko noon ng seminary muli akong gumanap at umakyat sa Sacrifice Valley, subalit sa pagkakataong ito, ay hindi na bilang isang mananampalataya kundi para pag-aralan ang katotohanan ng Mahal na Ingkong.

Sinusulat ko noon ang lahat ng mensahe ng Ingkong. Pinapag-aralan ko ito kung talaga bang galing sa Diyos or gawa-gawa lamang. Pinagmamasdan ko noon ang Mamang pag naka trance, tinitignan ko ang paggalaw ng paa niya, ng mata, ang kilos pati na rin ang pag-ubo niya.

Mahal na Araw ng taong 1993, nagpasya ako noon na hindi muna ako aattend ng activity namin sa seminary, at sa bundok na lang ako magpapalipas ng Mahal na Araw. Huwebes Santo pa lamang noon ay umakyat na ako, hindi ako noon nagpahugas, tumuloy ako sa Station of the Cross para mag dasal na lamang. Pagdating ko noon sa 14th Station, kung saan ibinuburol ang katawan ng Mamang, sinabi ko noon sa sarili ko, kapag humiga ako dito, at ako ay namatay at muling nabuhay, maniniwala ulit ako na totoo nga ang Mahal na Ingkong!

Paghiga ko noon, hindi ako namatay, pero naramdaman ko po noon ang malakas at nakakikilabot na hangin; pero dahil wala na nga ako noong paniniwala, binaliwala ko lang ang lahat ng iyon.

Pagkatapos ng Pagkabuhay, bumaba agad ako noon para dumalo ng isang birthday party ng isang kaibigan ko. Isa sa mga kaibigan ko ang kumuha sa amin noon ng litrato habang nakaupo ako sa isang bench na mahaba kasama ang tatlo ko pang kaibigan, gamit ang isang Polaroid camera. Sa pagtataka naming lahat ng lumabas ang litrato ay wala na po ako sa picture at ang natira na lamang ay ang mga kasama ko at ang jacket ko sa seminary na noon ay suot ko ng kunan kami ng picture. At gaya pa rin ng nauna kong karanasan sa bundok, bagamat kinilabutan ako, ay binaliwala ko pa rin ang lahat ng ito at inisip ko na lamang sa sarili ko na marahil may diperensya lamang yung camera.

April 19, 1993, itinakda ng Mahal na Ingkong na tuparin ang hamon ko na kapag namatay ako at muling nabuhay, muli akong maniniwala sa Kanya. Nang araw na iyon ay pumunta ako sa aming seminaryo para dumalo ng isang gawain. Gabi na nang matapos kami, kasabay ko noong umuwi ang isa kong kasamahan sa seminaryo. Naglalakad kami noon sa may tapat ng Araneta sa Cubao, nang may masalubong kaming apat na kalalakihan. Hinablot ng isa sa kanila ang suot kong sombrero, sa pag-aakalang baka kilala ako nito at binibiro lamang, hinabol ko sila. Mga isang dipa na lamang ang layo ko sa kanila ng maglabas ang isa sa kanila ng balisong (29, Rambo style, sa likod ng talim ay may parang lagare at ang dulo nito ay may kalawit, nakita ko ito ng dalhin sa akin ng pulis na nakahuli sa kanila) at sinaksak agad ako sa kaliwang bahagi ng tagiliran ko at inikot ang balisong sa loob ng tiyan ko.



Nang papalapit na ang kasama ko, naglabas ng isa pang patalim ang kasama nila at agad kong sinabi sa kasama ko na tumakbo na lang kami. Pagdating naming ulit sa may tapat ng Araneta ay bumagsak ako, humingi ng tulong ang kasama ko (Br. Jomar) at sinaklolohan kami ng mga guard ng Araneta. Nasa loob ako noon ng mobile ng mga guard, naririnig ko ang tunog ng serena nila pero wala akong makita.

Pagdating po namin noon sa Hospital agad na dinilat ng Ingkong ang mga mata ko. Kinunan nila agad ako noon ng blood pressure at tinignan agad kung gaano kalalim ang sugat ko habang nilalagyan ako ng NGT sa ilong. Sa X-ray room hirap-na-hirap na ako noon at nang makita nilang delikado na ang lagay ko pinapirma nila ako at agad na dinala sa operating room. Habang inooperahan nila ako noon, naramdaman kong bigla akong nahirapang huminga at parang may nakadagan na mabigat na bagay sa dibdib ko.

Naririnig kong nagkakagulo sila pati na ang mga ingay nila pero hindi ko sila makita. Unti-unti wala na akong narinig ni isa mang ingay, tahimik, napaka tahimik, bigla, nakakita ako ng isang maliit na liwanag at unti-unti lumalaki, hanggang sa binalot nito ang buo kong katawan.

Mula sa liwanag na iyon ay narinig ko ang isang tinig at sinabi Niyang, SERAFINES, DALHIN MO SA AKIN ANG IYONG LUKLUKAN! (noon ko po nalaman na kapag namatay pala tayong mga binasbasan, hindi ang pangalan natin nang tayo ay bininyagan ang tatawagin Niya, kundi ang pangalan natin nang tayo ay binasbasan at ang susundo sa atin ay ang gating gabay).

Nakita ko noon ang aking katawan habang inaangat ang aking kaluluwa. Hindi ko alam kung gaano katagal ako noong nawala at kung gaano katagal kami naglakbay, nakita ko agad noon ang Mamang pagdating ko sa Langit, nakalahad ang palad niya na inaabot sa akin sabay sabi ng, HALINA SA AKING PANGINOON, NA IYONG PANGINOON! HALIKA SA MAHAL NA INGKONG!

Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko noon dahil itinakwil ko na noon ang Mahal na Ingkong at ang Mamang, kaluluwa na lamang ako noon, pero nararamdaman ko sa sarili kong gusto kong umiyak. Hinawakan ng Mamang ang kamay ko at hinatid niya ako sa harapan ng Mahal na Ingkong. Nakita ko noon ang isang malaking liwanag, isang liwanag na hindi nakakasilaw kahit iyong titigan, unti-unti, naghugis tao na naka upo ang liwanag; hanggang sa ang liwanag ay nasa ulo na lamang Niya.

Nakita ko noon ang Mahal na Ingkong nang harapan. ANG MAHAL NA INGKONG AY WALANG IBA KUNDI ANG ATIN RING PANGINOONG HESUKRISTO.

ANAK, AKO ANG BUHAY AT MULING PAGKABUHAY. SINO MANG MANAMPALATAYA SA AKIN, BAGAMAT MAMATAY, AY TUNAY NA MULING MABUBUHAY ang unang wika sa akin ng Mahal na Ingkong.

NABABATID KO ANG IYONG PAG-AALINLANGAN SA AKIN AT SA BABAENG AKING PINILI UPANG MAGING LUKLUKAN. ANAK, MASDAN MO ANG KATOTOHANANG IILAN LAMANG ANG NAKAKAALAM.

Nakita ko noon ang Mama na nakaharap sa akin, nakatayo habang nakalahad ang kanyang mga palad, unti-unti, nagkaroon siya ng transfiguration at naging ang MAHAL NA INA.

Noon lalo akong napahiya sa aking sarili at buong pagmamakaawang humingi ng tawad sa Mahal na Ingkong at sa Mamang. ANAK, NAUUNAWAAN AT PINATATAWAD NA KITA. KUNG ALAM LAMANG NG IYONG MGA KAPATID NA BINASBASAN KO KUNG GAANO KO SILA KAMAHAL, MAIIYAK SILA SA KALIGAYAHAN. HINDI ANG INYONG PAGTALIKOD ANG AKING TINITIGNAN, KUNDI ANG INYONG PAGBABALIK SA BAWAT NINYONG PAGTALIKOD. AKO ANG ALPHA AT AKO RIN ANG OMEGA. AKO ANG SIMULA AT AKO RIN ANG WAKAS. AKO ANG INYONG MAHAL NA INGKONG!

Pinaliwanag din sa akin ng Mahal na Ingkong ang dahilan kung bakit Niya tinayo ang Kanyang Simbahan na akin pong ipapaliwanag sa dulo ng aking testimonya. Pinakita rin Niya sa akin ang kalagayan ng mga kaluluwa sa impyerno at ang mga magaganap sa Kanyang Simbahang Apostolika.

Nasa morgue na noon ang aking katawan para embalsamohin ng ibalik Niyang muli ang aking kaluluwa. Bubutasin na sana ang aking leeg ng bigla kong igalaw ang aking mga kamay, dali-dali, dinala nila akong muli sa operating room, 12hrs nila akong muling inoperahan (nabutas po ang apdo ko, butas ang bato ko, putol ang apat na bituka ko at ang kinamatay ko po ay naputol din ang pinaka punong ugat ng puso ko na nag-susupply ng dugo para tumibok ito, nagkaroon din po ako ng internal bleeding) na hindi ginamitan ng anestisya, sa dahilang maaari pong malason ang dugo ko dahil napakababa na nito.




Nararamdaman ko po noon habang pinuputol ang bituka ko at nilalabas, tanging Ingkong lamang ang nagsilbi ko noong anestisya. Kinakabitan na po ako noon ng cardiac cat., ng cardiologist na nagdugtong ng ugat ng puso ko ng idilat ng Mahal na Ingkong ang mata ko. Nagulat ako dahil nang makita akong nakadilat ng duktor ang unang tanong niya agad sa akin ay, œBrod, albularyo ka ba or medium? Bakit nyo po natanong yun duktora? Ang nagtatakang tanong ko. Kasi kanina, bigla siyang umiyak habang sinasabi niya ito, habang inooperahan kita; habang dinudugtong ko yun ugat ng puso mo, may nakita akong puting krus na nakalutang dito, pero sandali lang at bigla rin itong nawala.

Noon ako parang sinampal ng Mahal na Ingkong, hindi kasi ako noon naniniwala na totoo ngang nakita ko ang Mahal na Ingkong at ang Mamang sa langit. Inisip ko na maaaring hallucination or imagination ko lamang ang lahat ng ito dahil sa member nga ako ng Sacrifice Valley, maaari ring guni-guni ko lamang ang lahat ng iyon or pantasya ko lamang noon at nabuo sa sub-conscious mind ko kaya parang totoong naganap. Kaya marahil nagpakita ang Mahal na Ingkong sa aking cardiologist para patotohanang hindi lamang guni-guni o imahinasyon ang lahat ng nakita ko, kundi totoo.

Araw ng Martes noon ng ako ay mamatay, Miyerkules muli akong binuhay ng Mahal na Ingkong, araw ng Huwebes, muli akong pinapatay ni satanas. Bandang hapon ng araw na iyon naramdaman kong may gumugulo sa katawan ko, may, may nararamdaman po akong kaluluwa sa katawan ko hindi ko po alam kung sino, ang sabi ko sa nanay ko.

Ginawa agad ng nanay ko pinatungan niya ako ng panyo ng El Shaddai sa ulo ko, ang ate ko naman na Pastora ng Born-Again, pinag pray-over agad ako, at sina Maria Elenita (noon ay Apo Elenita) naman ay nagdasal na po ng Rosary.

Ganap ng ika-6 ng hapon nakita kong muli ang liwanag na nakita ko noong mamatay ako, inangat nitong muli ang kaluluwa ko at nakita kong pinasok ng masamang espiritu ang katawan ko. Bagong opera pa lamang noon pero bigla akong lumakas, hinahawakan nila ang paa at kamay ko dahil nagwawala at nagmumura daw ako noon, ang kinatatakutan nila ay ang bumuka ang tabi ng tiyan ko at mabali ang karayom ng suwero ko.

Agad akong sinaksakan noon ng duktor ng pampakalma pero hindi ito umepekto sa akin. Muli sinaksakan nila ulit ako ng tranquilizer na mas mataas ang volume, pero di pa rin ito tumalab sa akin. Agad na nabahala ang ate ko at tinanong ang duktor sa totoong kalagayan ko, Mrs., tatapatin ko na po kayo. Wala na pong pag-asang mabuhay ang kapatid nyo, kung ako sa inyo patawag na kayo ng pari habang maaga pa para mabasbasan na siya ang sabi ng duktor sa ate ko.

Sa narinig niya, agad na lumapit sa akin ang ate ko, hinawakan ang rosaryong bigay sa akin ng cardiologist ko at bumulong sa tenga ko, Ingkong, kung totoo kang Diyos, buhayin mong muli ang kapatid ko, maniniwala ako sa Iyo! Kaluluwa na lamang ako noon pero nakikita ko lahat ng nangyari sa akin.

Pagkatapos na sabihin ito ng ate ko, agad na binalot ng liwanag ang katawan ko at muli akong binalik sa katawan ko. Pagpasok ko sa katawan ko, naramdaman ko agad ang epekto ng tranquilizers, nanlambot agad ako at nanghina. HIMALA! agad na nasabi ng duktor ko. Agad na kinunan niya ako ng blood pressure 60/40, napakababa, agad niyang pinabili ang mga kapatid ko ng 2 bag ng dugo para isalin sa akin. Alas-singko ng medaling-araw ng idilat ng Mahal na Ingkong ang mata ko, nakita ko agad ang kamay at paa ko na nakatali sa kama at ang ate ko na naghahanda ng gamut ko. Ate, bakit ako nakatali? ang agad na tanong ko sa ate ko. Takbo agad siya at yumakap sa akin na umiiyak ng marinig niya ang boses ko, Nog, (palayaw ko po) ngayon ako naniniwala totoo talaga ang Mahal na Ingkong na pinupuntahan mo sa Bataan. Hayaan mo, paggaling mo, pagmalakas-lakas ka na, aakyat tayong pamilya sa bundok para magpasalamat! Hindi ko napigilang umiyak noon ng marinig ko ito, matagal ko na kasi silang niyaya sa bundok pero hindi sila naniniwala, kailangan ko pa palang mamatay para lamang maniwala sila.

Nang mga oras na iyon, naramdaman ko ang kamay ng Mahal na Ingkong na hinawakan ang tiyan ko at bigla, dumumi ako noon ng maraming itim na dugo. HIMALA! ang muling nasabi ng duktor ko dahil kailangan pa daw talaga nilang linisin ang loob ng tiyan ko para sa mga naiwang namuong mga dugo, pero sa akin kusa ko daw inilabas. Bago nila ako salinan ng dugo, muli nilang tinignan ang blood pressure ko, BP ko po ng umagang iyon, 120/90! Biglang naging normal!

Hindi na nila sinalin sa akin ang dugong binili nila at dinonate na lamang naming ito sa ibang pasyente. Sa loob ng isang buwan at kalahati akong nasa Hospital (isang buwan mahigit po ako sa ICU at ilang lingo sa recovery room) maraming mga naging patotoo sa akin at sa doctor at nurses ang Mahal na Ingkong. May mga oras na nangangamoy sampaguita at rose ang buong kwarto ko; may mga oras na may nakikita ang mga doctor at nurses ko na magandang babae na nakaputi na nakatayo sa ulunan ko at hinahawakan ang buhok ko, tapos nun ay bigla ring nawawala; minsan naman ay matandang lalaki na hinahawakan ang tiyan ko; nagtataka sila dahil bawal ang bisita sa ICU, at kapag lalapitan na nila para tanungin ay parang namalik-mata lang daw sila na wala naman palang tao. Napakalaki ng pag-ibig sa atin ng Mahal na Ingkong! Sa kabila ng pagtalikod at pagtakwil ko noon sa Kanya ay kinalinga pa rin Niya ako sa aking karamdaman.

Ang pinaka malaking himala sa akin ng Mahal na Ingkong, ay nang lalabas na ako ng ospital. A couple of days bago ako noon lumabas, kinausap ko ang Mahal na Ingkong sa aking pagninilay, Ingkong, wala na po kaming perang gagamitin para makalabas po ako ng hospital, sa bawat araw po kasi 10,000 ang nagagastos namin, ang dasal ko noon sa Kanya. Maya-maya nagpakita sa akin ang Mahal na Ingkong (this time hindi na ako nag-aalinlangan na baka hallucination or imagination ko lamang ang lahat, alam kong totoong Siya nga ang kaharap ko) sa anyo ng Sacred Heart of Jesus, ANAK, AKO ANG BUMUHAY SA IYO, AKO RIN ANG GAGAWA NG PARAAN KUNG PAANO KA LALABAS SA PAGAMUTANG ITO. PUMUNTA KA SA DIRECTOR NG HOSPITAL NA ITO KAUSAPIN MO. HUWAG KANG MATAKOT AT MABAHALA, AKO AY SASAIYO AT AKO ANG MANGUNGUSAP SA KANYA! ang wika sa akin ng Mahal na Ingkong.

Dala ko ang malaking paniniwala sa pangako sa akin ng Ingkong, nagpa-akay ako noon kay Apo Agustina (kaibigan kong apo) papunta sa director ng ospital. Nabaluktot noon ang ilong ko dahil sa NGT, nakalbo ako dahil sa sobrang antibiotics, nagbalat ang balat sa buong katawan ko at namatay ang kuko ko sa paa at sa kamay.



Pagdating ko sa office ng director, bago ako pumasok, nagdasal muna ako ng 3x ng Virgen Maria Incarnatus. Pagkaupong-pagkaupo ko nawala agad ako sa sarili ko, nag-uusap kami ng director pero hindi ko alam ang pinag-uusapan namin at kung ano ang sinasabi ko, natauhan na lamang ako noon ng sabihin niyang, Magkano ba ang pera mo dyan? Doc, ang totoo po niyan 1,500 na lamang po ang pera namin eh. Sagot ko sa kanya. Walang dalawang salita kumuha agad siya ng papel at ballpen at sinabi niya sa akin, O sige, sa mga naunang medicine na ginamit sa iyo, magbayad ka na lang ng 500, sa doctor ‘s fee, magbayad ka na lamang ng 500 (apat na bituka ko po ang naputol at kinabit nila, bawat isang dinugtong nila sa bituka ko ay nagkakahalaga ng 16,000, sa kabuuan 64,000 dapat ang babayaran ko sa bituka pa lamang. Ang bill ko po ay 100,000 mahigit), iyon natitirang 500, itabi mo na lamang sa bulsa mo dahil paglabas mo kailangan mo pang uminom ng gamut. Mga kapatid, out of 100,000. 1,000 lamang ang pinabayaran sa akin ng Mahal na Ingkong.

Ang lahat ng nangyari sa akin ay nakaplano ayon sa kagustuhan ng Mahal na Ingkong, sa loob lamang ng isang linggo ay ibinalik na agad Niya sa akin ang aking lakas, in less than a month, bumalik na agad ako sa dati kong kalagayan. Gaya ng pangako ng ate ko, umakyat siya noon sa Sacrifice Valley, nagpasalamat sa Ingkong at sa awa Niya ay nabiyayaan na rin siya ng Basbas. At ako, muli akong gumanap sa Kanya.

Nang sumunod na Mahal na Araw, pagkatapos ng mga patotoo Niya sa akin, Biyernes Santo, habang nagpapasan ang Mahal na Ingkong ng Krus, pagdating Niya sa Station 5 sa Toka namin, tinawag Niya ako, QUERUBIN! nagulat ako noon, nagkamali yata ang Ingkong ng tawag sa akin, Serafines ako!  sabi ko noon sa loob ko. QUERUBIN! muli Niyang tawag sa akin. Po? ang sagot ko na namang sabay lapit sa Kanya.

Kinausap ako noon ng Ingkong at sinabihan Niyang magpakatatag. Pagkatapos nuon ay naging malaking palaisipan sa akin kung bakit Querubin na ang tawag Niya sa akin, eh di pa naman ako nagpapapalit ng basbas. Nang araw ng pagkabuhay, sa Kanyang Trono, tinawag ako ng Mahal na Ingkong pagkatapos Niyang magbigay ng Mensahe. ANAK, NAGPAPALIT KA NA BA NG BASBAS? tanong Niya sa akin. Opo ang wala sa loob na sagot ko, Querubin na po!. Ngumiti Siya sa akin sabay ihip at krus sa noon ko at sinabing, EGO TE BAPTISE.QUERUBIN. Mahal na Araw, Biyernes Santo pa, pinalitan ako ng Ingkong ng Tatak???? Anong ibig Niyang ipaabot sa akin? Bakit kailangan pa Niyang tanungin ako kung nagpapalit na ako ng tatak, eh, Siya nga ang tumawag sa akin ng Querubin??? Hindi na ako katulad ng dati na agad nagdududa, alam kong tinignan lang Niya ang aking pagtanggap. Pagkatapos ng lahat ng mga pangyayaring ito ay gumanap na ako bilang Querubin.

Muli, dumating na naman ako sa napakaraming pagsubok. Siniraan nila ako sa Mamang at sa Mahal na Ingkong; sinabi nilang nagsasarili na daw ako; nag iingkong-ingkongan; at ang masakit pinaniwalaan lahat itong muli ng Mahal na Ingkong at ng Mamang.

Sinasama ako sa Homily ng ilang mga pari natin na napopoot sa akin at maging sa kumpisalan ng ilang mga kaibigan ko, pinapayuhan nila itong lumayo sa akin. Natisod ba akong muli? Nawala ba ulit ang paniniwala ko sa Mamang at sa Ingkong? HINDI!!!

Alam kong nababatid ng Ingkong ang aking puso at kaluluwa at dahil Mahal na Araw Niya akong pinalitan ng Basbas, alam kong daranasin ko ang lahat ng ito. Kaya sa tuwing lalapit ako noon sa Mahal na Ingkong at sa Mamang, wala siya ni minsang nabanggit sa akin tungkol sa lahat ng binabato nila sa akin. Nabagbag ako noon ng dumalaw ako sa Mama sa Heart Center na madala siya dito, dahil umiiyak siya habang hawak ang kamay ko. Nakatitig lamang siya sa akin, at sinabing STAY! BE STRONG!, alam kong ang Mahal na Ina ang nagwika noon sa akin.

Sa inyong lahat na nakakabasa ng patotoo kong ito, sa iyo, ikaw na bumabasa nito; alam kong katulad ko, marami ka na ring dinanas o dinaranas na pagsubok sa ating kaganapan. Tatag! Kaya ko sinabi dito ang naranasan ko sa ilan sa ating kaparian ay hindi upang siraan sila; kundi upang maging isang panggising sa atin. Maaaring ikaw ay dumaranas o dumanas din nito, at dahil dito, ikaw ay lumayo at natisod. Sabi nga ng isang kanta, SINO ANG MAKAKAPAGHIWALAY SA ATIN SA PAG-IBIG NI KRISTO?

Sino nga ba ang makakapaghiwalay sa atin sa Mahal na Ingkong? Sila lamang ba ang magiging dahilan? Sila lamang ba o ang ilan nating mga kapatid na binasbasan ang titisod at maglalayo sa atin sa Kanya? Nakakalungkot naman kung ang katapat pala ng ating pananampalataya sa Kanya ay isang tao lamang.

Pinaliwanag sa akin ng Mahal na Ingkong ang dahilan kung bakit itinayo Niya ang Kanyang Simabahan. Mga kapatid, hindi magiging totoo ang Ingkong kung hindi Niya itatayo ang ating Simbahan. Kung ating pag-aaralan sa Banal na Kasulatan, sa Persona ng Ama: tinatag Niya ang Kanyang Simbahan at pumili Siya ng mga taong gagawin Niyang kaparian. Hindi sila nagpresinta kay Yaweh para maging pari, kundi si Yaweh mismo ang pumili sa kanila.

Sa Persona ng Anak: bagamat naroon na ang Simabahang itinatag ng Ama, itinayo pa rin Niya ang Kanyang sariling Bagong Simbahan, ang KATOLIKA. Hindi layunin ni Kristo na sirain ang simbahang tinatag ng Ama, kundi bagkus, nakita Niya ang maraming pagkukulang ng mga naging kaparian ng Ama. Ngayon, hindi magiging totoo ang Ingkong kung hihiwalay Siya sa dalawang unang ginawa ng mga naunang Persona sa Kanya. At marahil, ang lahat ng mga dinaranas natin sa ngayon, ay mga bagay rin na dinanas ng mga alagad na nauna sa atin. Hindi noon nagmimisa ang mga naunang Kristiyano sa malalaking Simbahan, kundi sa mga tagong lugar at marahil, katulad natin, ang tawag din siguro sa kanila ng mga kaparian noon ng Ama at ng ilang mga tao ay KULTO.

Eh. Querubin, para kasing puro pera na lamang ang umiiral sa kaganapan natin ngayon eh! Marahil kung di man po natin napuntahan ay nakikita po natin sa mga larawan ang mga naglalakihang Basilica sa Roma, ang mga naglalakihan at magagandang Simbahan sa atin sa ngayon. Hindi po bumaba buhat sa Langit ang Panginoon at itinayo ang mga Basilica at Simbahang ito, ito po ay pinagtulong-tulungan ng maraming mga naunang katoliko.

Sa Biblia po mababasa natin, sa Mga Gawa 5:1-6 datapwat ang isang lalaki na nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ay nagbili ng isang ari-arian; ipinagkaila ang pinagbilhan, kaalam ang kanyang asawa at bahagi lamang nito ang ibinigay sa mga Apostol (dahil ng mga panahon pong iyon buong pinagbilhan ng kanilang mga ari-arian ang dapat nilang ibigay sa mga Alagad para sa misyon ng Panginoong Hesukristo).

Sinabi sa kanya ni Pedro œAnanias, bakit inalihan ni satanas ang iyong puso, upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at kinuha mo ang isang bahagi sa (take note po, isang bahagi lang ang kinuha nila) pinagbilhan ng bukid? ¦ ¦ hindi ka nagsinungaling sa tao, kundi sa Diyos. Pagkadinig ng mga salitang ito si Ananias ay nabuwal at namatay ¦ 

Mga kapatid ang hinihiling na lamang po sa ating ngayon ng Ingkong ay tulong at hindi ang buong kabuhayan natin, pero nakakalungkot na ang ilan sa atin ay natitisod pa dahil lamang dito. Hindi po kusang tatayo ang Simbahan natin kung hindi po tayo magtutulungan. Hindi po tayo dapat matisod sa Papang at mawala ang paniniwala dahil lamang sa mga bagay na ito.

Ang Santo Papa po ay kahalili ng ating Panginoong Hesukristo, at sa tuwing magbibigay po ng salita o magpapasya sa dogma ng Simbahan ang Santo Papa po ang magpapasya sa paggabay ng Espiritu Santo. Hindi po Luklukan ng Espiritu Santo ang Santo Papa, pero sa tuwing nagsasalita po siya ng mga bagay tungkol sa Simbahan at ating Pananampalataya ang Espiritu Santo ang nagsasalita sa atin, pero nasa kalayaan pa rin bilang tao ang Santo Papa upang magbiro habang nagsasalita or magsalita ng ayon sa kanyang nais; subalit hindi ito nagpapawalang bisa o katotohanan na Espiritu Santo ang nagsasalita para sa atin. Naunawan nyo po ba ang ibig kong tukuyin?

Maging matatag po tayo, wag po tayong agad na padala sa ating emosyon o pag-aalinlangan at sa mga sinasabi ng mga ibang tao. Bakit kasi hiwalay na ang ACC at SV eh! Ito po ang madalas nating sabihin, anu naman po ang ginagawa natin para dito? Nakikisali rin po ba tayo sa gulo? O tinutulungan na lamang natin ang ating Simbahan dahil sa pag-ibig natin sa Ingkong at sa Mamang? Totoo po ang Mahal na Ingkong at ako po ang makakapagpatunay niyan sa inyo!

Sa mga walang basbas na nakakabasa o bumabasa nito: wag po sana ninyong agad na hatulan ang aming kaganapan, kundi bagkus ating po itong pag-aralan. Mababasa po natin sa Biblia ang isang tagpo na kung saan sinabi ng mga alagad sa ating Panginoong Hesukristo, Panginoon, may nakita po kaming mga tao na nagpapalayas ng mga demonyo at nagpapagaling sa pamamagitan ng Inyong Pangalan, pero hindi po natin sila kasama kaya pinagbawalan po naming sila at ito ang sagot ng Panginoon, Ang hindi laban sa inyo ay sumasainyo. Ang tumutulong sa inyong maglinis ay kasama ninyo. Hayaan nyo sila! Kami po ay katulong ninyo sa paglilinis, kami man po ay bahagi ng isang napakalaking kawan ni Kristo. Kung kami po ay naliligaw ng landas, ipanalangin po ninyo kami na tulungan ng Panginoon na makabalik sa tamang landas. Subalit, kung kami po ay nasa katotohanan, hindi bat Diyos na rin ang inyong nahatulan at kinutya?

Sa kasalukuyan, ako po ngayon ay nagpapari sa Simbahang Romano, ako po ay nasa Seminaryo. Bakit hindi po ako sa atin nagpari? Sa dahilang iba po ang desenyo (design) sa akin ng Mahal na Ingkong. Iba po ang hulma na nais Niya para sa akin. At ang lahat ng ito ay para lamang sa Kanyang Kaluwalhatian. Mahirap ipaliwanag, pero umasa po kayong kaisa nyo po ako sa lahat, at sa takdang panahon ay malalaman po ninyo ang dakilang plano para sa akin ng ating Mahal na Ingkong.



At sa lahat po ng mga kapatiran kong binasbasan na bumabasa nito sa ngayon, na mayroong namumuong alinlangan na sa kanilang puso, paki-usap ko po, basahin nyo po ng buong taimtim ang aking patotoo, at pagkatapos po nito ay panandalian po ninyong ipikit ang inyong mga mata. Manalangin po kayo, isang panalangin na sa puso nagmumula, isang taimtim na panalangin at sambitin po ninyo ito:

Pinakamamahal kong Ingkong, hugasan po ninyo ang lahat kong mga pagkukulang at mga kasalanan. Linisin po ninyo ako ng Banal ninyong dugo. Mahal na Santa Virginia, nababagabag po ngayon ang aking kalooban at puno ng pag-aalinlangan. Ilapit mo po ako ngayon sa Mahal na Ingkong. Yakapin mo po akong muli Mahal na Ingkong at ipadama mo po sa akin na Ikaw nga ay Katotohanan. Isinasamo ko po sa Inyo ibalik po ninyo sa akin ang aking Pananampalataya. Amen.

Ang Banal na Patriyarka at si Querubin Albert Jimenez ngayon (2010AD)