Ave Maria Purissima!
Ang Oratio Domini o mas kilala sa tawag na Pater Noster o Ama Namin sa Filipino ay kinapapalooban ng napakahalagang bahagi na may kinalaman sa kaganapan ng Mahal na Ingkong patungkol sa "Binyag at Tatak ng Espiritu Santo".
Ang tinutukoy ko ay ang bahaging "...MAPASA AMIN ANG KAHARIAN MO", sa Ingles ay sinasabi ang "YOUR KINGDOM COME...", at may bersyon naman ang ilan na "MAPASAMA KAMI SA KAHARIAN MO". Kung sasaglitin sa ibang parte ng Bagong Tipan, winiwika doon ang pamilyar na "SEEK YOU FIRST THE KINGDOM OF GOD" at sa Filipino naman ang sabi ay "PAGSUMAKITAN NINYONG PAGHARIAN KAYO NG DIYOS", at gayon din naman ay sinasabi ng Panginoong Hesus na ang KAHARIAN NG DIYOS AY NASA ATIN O SUMASA ATIN, the KINGDOM OF GOD IS WITHIN YOU.
Ano ang kabulohan ng mga nasa itaas sa aking sinasabi na ang mga ito ay kinalaman sa kaganapan ng Mahal na Ingkong?
Ang isang hari para maipalaganap niya ang kanyang paghahari sa alinmang lupain, siya ay nagpapadala ng mga sugo, karaniwan ay mandirigma o hukbo, upang manakop. At sa sandaling masakop nila ang isang lupain, isang pangkat o higit pa ang maiiwan doon upang bumantay laban sa ibang kaharian na maghahangad sakupin ang bagong nasasakupan.
Sa pasimula ay mayroong mga pagtutol, mula sa mga bagong sakop, at ang pagsunod ay dahil sa pagkatakot mamatay o masaktan hanggang sa dumating ang panahon na mamayani ang tinatawag na Goodwill madama ng mga tao ang tunay na layunin ng bagong hari.
Ang mga bagong dating ay mananatili sa loob ng kuta o bagong tatag na kolonya at unti unti ay ipatutupad ang mga kautusan ng hari, ipapatupad ang ilan o lahat ng kaugalian at paniniwala ng sumakop sa sinakop. At kung magtagumpay, marami o lahat ng kinaugalian ng lupaing iyon ay unti unting mawawala at mabubura sa ala-ala ng mga susunod na henerasyon. At magkagayon, nagtagumpay ang layunin ng hari na maging tunay niyang kolonya at pag-aari at kaharian ang nasabing lupain.
Ang lihim na panukala ng Diyos ay pag-isahin ang mga taga-langit at ang mga taga-lupa, ang maipanaog ng Diyos ang Herusalem sa langit patungo sa lupa at muling mabuo sa lupa ang Bagong Herusalem. Ang dating Herusalem ay sa bansang Israel. At ito ay nagkaroon ng kaganapan at katuparan nang ang ipinangakong Espiritu Santo, bilang Diyos at Persona, ay pumarito sa lupa, gumamit ng laman at dugo, alalaon baga ay tao, upang bigyan katuparan ang matagal nang panukala sapagkat hinog na ang panahon. Ibinaba ng Diyos Espiritu Santo ang kanyang hukbong makalangit na binubuo ng mga Banal na Anghel at Banal na Espiritu ng mga taong pinapaging-dapat. At dahil ang tunay na labanan ay hindi sa laman at dugo kundi sa espiritu at sa isip, ipinasok ng Mahal na Ingkong ang bawat isang mandirigma mula sa kanyang hukbo sa tao.
Sa pamamagitan ng pagsasanib ng taga-langit at ng tao sa iisang katawan, ang mamamayan sa langit na kaharian ay suma-tao, sa loob ng tao - natupad ang panalanging MAPASA AMIN ANG KAHARIAN MO, alalaon baga ay mapasa amin ang paghahari mo, pagharian mo kami. At tulad ng nabanggit na, ang paghahari ng isang hari sa isang lupain ay sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo o mandirigma.
Ang pagiging isang tinatakan ng Diyos Espiritu Santo ay nangangahulugan na tayo ay DAPAT na pagharian Niya, sapagkat HINDI NA TAYO PANGKARANIWANG TAO. Hindi na pangkaraniwan sapagkat tayo ay MGA TINATAKAN, at MGA LUKLUKAN NG MGA BANAL NA ESPIRITU. Na totoo naman ang winiwika ng Mahal na Ingkong, lakbayin at hanapin man natin sa buong lupalop ng mundo HINDI NATIN MATATAGPUAN ANG KAGANAPAN NIYA.
"SUNDIN ANG LOOB MO DITO SA LUPA TULAD NG SA LANGIT" na wari baga ay panalangin na kung anoman ang nagaganap doon sa langit ay iyon din ang maganap dito sa lupa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghahari at kumikilos sa mga tinatakan.
PAGSUMAKITAN NINYO NA PAGHARIAN KAYO NG DIYOS- ito ang wika ng Panginoon sa mga tao na hangarin nila na sila ay pagharian, na sila ay matatakan ng Espiritu Santo, na sila man ay tumanggap ng binyag sa tubig at apoy. Pagsumakitan na ang taga-langit ay sumakanilang kalooban upang makatulong sila sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos at ng pagtatatag ng Bagong Herusalem.