Ave Maria Purissima Sin Pecado Con Su Vida!
Tunay na ang Mahal na Ingkong at ang Mama, Sta Maria Virginia, ay marunong sa pinakamarunong sa daigdig na ito at maging doon sa kalangitan. Higit pa sa isang matalinong ina ng tahanan na nahaharap sa paglalakbay ang katulad ng Banal na Luklukan, inihanda niya ang lahat ng mga kakailanganin ng kanyang mga anak bago niya lisanin.
Hindi lingid kaninoman na ang marubdod na hangarin ng Banal na Luklukan ay walang iba kundi 1: ang ikapagiging banal ng kanyang mga anak alalaon baga ay ang mga tinatakan at hinirang ng Diyos Espiritu Santo. 2: Lubos din niyang batid na ang ikapagiging banal ng isang kaluluwa ay ang pagtalikod sa kasalanan at sa pinagmumulan nito at pagharap sa hamon ng buhay ng may pananampalataya sa Diyos sa sarili at sa kapwa tao.
Sa unang hangarin ng ikapagiging banal ng isang tinatakan kailangan ang pagtanggap ng tunay na pagkain at inumin ng kanyang kaluluwa. Iyan ay walang iba kundi ang Banal na Eukaristiya na kanya lamang matatanggap sa konsagradong kamay ng isang Paring Katoliko. Hindi baga ito ang dahilan kung bakit noong araw, nang wala pa tayong sariling Simbahan, tinatangap natin ang Banal na Katawan at Dugo sa kamay ng mga Paring Romano?
Makalipas ang ilang panahon, sa kalooban at kaalaman ng Banal na Luklukan at ng Mahal na Ingkong, nagkaroon ang mga tinatakan ng kauna-unahang pari sa katauhan ni Reverend Father John Florentine Teruel. Siya din ang kauna-unahang Obispo ng ating samahan. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang tinanggap sa ordinasyon at konsagrasyon itinatag, taong 1992, sa pahintulot at bendisyon ng Mahal na Ingkong at Mama Viring ang nag-iisang Simbahan ang Apostolic Catholic Church o ACC, gayon din naman ay itinatag ang kauna-unahan at nag-iisang Kongregasyon ng Diyos Espiritu Santo walang iba kundi ang Order of the Missionaries of the Holy Spirit o OMHS. Kasunod nang mga ito ay ang pagtatayo ng Seminaryo para sa mga nagpapari at Kumbento para sa mga nagmamadre. Ang lahat nang ito ay natayo, natatag, pinasinayaan, at pinagpala ng maraming panalangin at mabuting paghahangad ng Banal na Luklukan.
Ang Banal na Luklukan na kilala sa mga taguring Mamang, Apo Viring, Maria Virginia alang alang sa kanyang walang maliw na pagsasakripisyo para sa ikabubuti ng mga tinatakan at mananampalataya sa Diyos Espiritu Santo, ay hinirang na kauna-unahang Santa ng Simbahang Apostolic Catholic Church. Unang una at katangi-tangi ang pagkilala sa napakadakilang tulong na ginawa ni Sta Maria Virginia para sa mga tinatakan. Hindi lamang sa pamamagitan niya tayo tumanggap ng banal na tatak buhat sa kamay ng Mahal na Ingkong, kundi sa pamamgitan din niya tinanggap natin ang kauna-unahang PAtriyarka, sa pamamagitan din niya ay tinanggap natin ang nag-iisang Simbahan ang ACC at ang nag-iisang kongregasyon, ang OMHS.
Ang lahat ng ito ay iniwan niya sa atin bago tayo lisanin pansamantala. Dito niya tayo iniwan sa Simbahang ito, sa pangangalaga ng kanyang Patriyarka at ng kaparian ng kanyang Orden tayo iniwan at inihabilin - HINDI SA KANINO PA MAN. Kung saan tayo iniwan doon niya tayo tatagpuing muli. Kung kaya nga kung nasaan ang kanyang Patriyarka naroon ang kanyang Simbahan.
KUNG KAYA NGA KUNG NASAAN ANG KANYANG PATRIYARKA NAROON ANG KANYANG SIMBAHAN. KUNG SAAN NAROON SI APO JUAN BAUTISTA O PATRIYARKA JUAN FLORENTINO NAROON ANG SIMBAHAN NG MAHAL NA INGKONG, NAROON ANG KANYANG KONGREGASYON, DOON SIYA MAGBABALIK DOON TAYO TATAGPUING MULI.
Sa ikapagiging banal ng mga hinirang at tinatakan kailangan ang pagtanggap ng Banal na katawan at dugo sa pamamagitan ng kamay ng tunay niyang kaparian, ang mga pari ng OMHS, mga pari ng ACC. At upang sila ay marapatin ng Banal na Luklukan at ng Mahal na Ingkong sa kanilang pagpapari o pagmamadre sa kanyang kongregasyon sila dapat pumasok at maglingkod sa Order of the Missionaries of the Holy Spirit.
IISA LAMANG ANG MAHAL NA INGKONG
IISA LAMANG ANG KANYANG BANAL NA LUKLUKAN, SI STA MARIA VIRGINIA
IISA LAMANG ANG KANYANG BANAL NA PATRIYARKA, SI JUAN FLORENTINO
IISA LAMANG ANG KANYANG SIMBAHAN, ANG APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH
IISA LAMANG ANG KANYANG KONGREGASYON AT ORDEN, ANG ORDER OF THE MISSIONARIES OF THE HOLY SPIRIT
MABUHAY ANG MAHAL NA INGKONG
MABUHAY ANG BANAL NA LUKLUKAN
MABUHAY ANG PATRIYARKA JUAN
MABUHAY ANG MGA TINATAKAN
At sa ikalawang hangaring na lubos din niyang batid na ang ikapagiging banal ng isang kaluluwa ay ang pagtalikod sa kasalanan at sa pinagmumulan nito at pagharap sa hamon ng buhay ng may pananampalataya sa Diyos sa sarili at sa kapwa tao.
Ang pagkakaroon ng isipan at alinlangan sa salita at utos ng Amang YAhweh bunsod ng mga salitang binitawan ng serpyente ang naging isang mayamang punlaan ng pagsuway ng nunong Eba at Adan. Maliwanag at may kapangyarihan ang salita at utos ng Ama tungkol sa kung ano ang maidudulot ng pagsuway sa pag-uutos na huwag pumitas at kumain ng bungang-kahoy sa gitna ng Hardin ng Eden. Ang serpyente, ayon na din sa Banal na Kasulatan, ay ang pinakatuso sa lahat ng kinapal - kinasangkapan siya ng espiritu ni Satanas, ni Satanas na din mismo, upang wasakin at sirain ang magandang nilikha at hangarin ng Amang YAhweh para sa tao.
Maliwanag at walang makapagpapasinungaling na ang ACC at OMHS ang simbahan at kongregasyon ng Mahal na Ingkong at ng Sta Maria Virginia. At ito ay imini-mensahe Niya sa lahat halos ng Kanyang Ganapan sa Lupang Banal. Ipinagsisigawan ng Mahal na Ingkong na ACC ang kanyang simbahan at OMHS ang kanyang Orden. Winiwika Niya na lahat ng simbahan sa lupa na natatayo sa kasalukuyan at sa hinaharap ay pawang masisira at magigiba subalit ang kanyang simbahan, ang ACC, ay mamamayagpag sa lahat ng dako ng mundo sa habang panahon.
WINIWIKA NIYA NA LAHAT NG SIMBAHAN SA LUPA NA NATATAYO SA KASALUKUYAN AT SA HINAHARAP AY PAWANG MASISIRA AT MAGIGIBA SUBALIT ANG KANYANG SIMBAHAN, ANG ACC, AY MAMAMAYAGPAG SA LAHAT NG DAKO NG MUNDO SA HABANG PANAHON.
Iniuutos at inaasahan ng Mahal na Ingkong at ng Sta Maria Virginia na bawat isa niyang tinatakan at hinirang ay maninindigan at mananatili sa simbahang ACC at tatanggap ng banal na sakramento sa kaparian ng OMHS. Ito ang kanyang utos at ang pagsuway dito ay mangangahulugan ng karampatang disiplina o kaparusahan. Ang ACC ang Arko at bangka ng Mahal na Ingkong na kung saan ang bawat isa ay kinakailanganng sumakay upang maligtas sa malalakas na daluyong at alon ng kasalanan at kasamaan sa mundong ito. Bawat isa sa atin ay inaasahan ng Mahal na Ingkong at ng Mama na ang simbahan at kongregasyong ito ay ating yayakapin, mamahalin, paninindigan at ipagsasanggalang.
Ipagpapatuloy...