Tuesday, August 25, 2009

Patotoo sa Mahal na Ingkong

Ave Maria Purissima!

Taong 1989 tandang tanda ko ang isang yugto sa aking panaginip na ako ay nasa isang lugar na alam ko ay bulubundukin, at nakita ko ang aking sarili sa loob ng lumang aklatan ng simbahang pa-bilog ang bubong. Lumipas ang may kulang isang taon, taong 1990 Marso, ay niyaya ako ng aking kaibigan at ako ay sumama sa pag-akyat sa Sacrifice Valley kasama ng kanyang tiyo at tiya na sina Apo Rosalina at Apo Ambrosio. Iyon ang una kong pag-akyat.

Taong 1993, nasa kolehiyo ako noon, nang ako ay muling magbalik sa paghahanap ko ng kapayapaan at kasagutan sa mga tanong ko sa buhay at sa aking sarili. Itinanong ko kila Apo Ambrosio kung paano makararating sa Sacrifice Valley sakay ng bus. Katatapos lamang noon ng Mahal na Araw, at sa aking pagkatanda ay noon ginagawa o tinatapos ang shooting ng pelikulang INGKONG. Nasaksihan ko din ang ordinasyon ng mga kauna-unahang kaparian ng FISVACC. Kahit mag-isa ako ay nag- Estasyon ako ng Krus sa Santo Kalbaryo. Matapos ang may dalawa pang akyat ay nagpasya akong magpabasbas at ako ay tinulungan ni Querubin Nicodemus aka. Ogie, at Querubin Nick (SLN), ang sponsor ko ay si Apo Geovania de Alexandria na ngayon ay Nanay Maria Geovania; kila Apo Eugenia de Padua ako tumutuloy na bahay at naging isa sa aking mga kinikilalang magulang mula noon magpahanggang ngayon. Tinatakan ako ng Mahal na Ingkong ika 29 ng Mayo, Blg 240 ako, bilang Querubin, samantalang ang aking dalangin ay maging isang Apo. Sa dulugan ay sinabi ko sa MN Ingkong na “MNI dagdagan po ninyo ang aking pananampalataya” at sinagot niya ako ng “Nasa iyo na ikaw na magpapalago ikaw na magdadagdag!”. Ito ang isang naging tanong at pagsubok sa akin na magpahanggang ngayon ay lagi kong pinagninilayan ang mga kahulugan niyon.

Matapos akong basbasan, minsan isang alas-dose ng gabi sa pagninilay ay hiniling ko sa MNI na ipadama sa akin ang isang karanasang espiritwal na hindi ko pa nararanasan. Matapos ang pagninilay ay nahiga na ako para matulog. Ako ay nagising sa pag-uusap ng maraming tinig ng mga bata na tila ba nagkakatuwaan at pakiwari ko ay naglulusutan sa aming bubong na pawid. Matapos noon ay naraamdaman ko na unti-unting lumulutang ang aking katawan magsimula sa aking paa pataas hanggang sa may ulunan. Tumaas ako ng may 12 pulgada mula sa banig. At matapos nito ay napaluhod ako at nakita ko ang aking sarili na tumatakbo paikot sa aking silid samantalang sumisigaw ng Aleluia, tinatakpan ko ang aking bibig, hindi ko mapigil ang pagsigaw ng Aleluia, dahil baka magising ang aking mga kasambahay. Matapos ang ilang minuto ay lumuhod ako at nagpasalamat sa MNI sa altar. Nang magdilat ako ng mata ay nalaman kong tulog pala ako subalit ako ay nasa harap ng altar at pinagwawari ko kung totoo ba ang lahat ng nangyari.

Taong 1994, sa tulong nila Q. Ramiro Roque, Q. Ogie at iba pa ay nabuo namin ang pamunuan ng Auxiliary ng Distrito ng Hagonoy, ako bilang Pangulo. Makalipas ang may isang taon, 1995, ay binuo ko sa aming baranggay ang isang Block Rosary na binubuo ng mga kabataan at paslit , na naging tatlong pangkat para sa tatlong magkakahiwalay na dako. Mula sa mga batang bumubuo ng Block ay maraming binasabasan ng Angelito, Angelita, Hijas de Maria, Querubin at Serafines. Sa aming pagpuprusisyon, kapag nagbabanta ang makapal at maitim na ulap na kahit anong oras ay babagsak bilang malakas na ulan, ang hangin sa ibaba ay malakas nang umiihip, subalit kapag itinaas ng mga Auxiliaries ang kanilang mga kamay ay kamangha-manghang hindi bumabagsak ang ulan at humihinto ang ihip ng hangin para hindi mamatay ang mga kandila at bungbong na dala hanggang matapos at maipasok ang Mahal na Ina sa tahanang lilipatan ng Block.

Ika 3 ng Hulyo, 1993 ay niregaluhan ako ng Mahal na Ina ng isang medalya, Birhen Milagrosa. Unang sabado, at ikalimang unang sabado ng aking pamimintuho sa kanya, umaga, sa bakuran ng Hagonoy Institute, samantalang kami ay nag-eensayo ng Sikaran at Arnis, lumabas ako para pumunta ng palikuran, matapos niyon, nang papasok na muli ako sa silid ensayuhan ay narinig ko ang isang maganda at matamis na tinig ng isang babae na sa aking palagay ay nasa ika-labing apat na taong gulang, humahangin sa paligid noon dahil gumagalaw ang mga sanga at dahon ng punong bayabas sa tabi ng silid. Pinaupo niya ako at ako ay sunod sunoran lamang. Wika niya ay may ibibigay siya sa akin, pinaghukay niya ako sa lupa at doon sa aking harapan ay lumantad ang isang kuwadradong nakabalot sa isang berdeng lalagyan. Pagkabukas na pagkabukas ko noon ay humalimuyak na ang napakabangong kumpol ng rosas at nagpatuloy ang tinig ng babae na ang sabi “Tanggapin mo ang aking regalo sa iyo anak, at sa pamamagitan niyan ay sasamahan kita, tuturuan at gagabayan sa lahat ng bagay!”. Magmula noon hanggang ngayon ay hindi na ito nawalay sa aking katawan. Idinulog ko ito sa Mahal na Ingkong at ako ay kanyang nginitian at hinipan at binindisyunan niya ito, “ Nagustohan mo ba anak”, wika niya sa akin, “Opo” ang sagot ko. Ito yaong nasa larawan sa kanang bahagi ng post na ito.

ISANG HINDI PANGKARANIWANG PANGYAYARI
May isang tahanan kaming nilipatan ng Block, Disyembre 1996, na bantog sa aming lugar na angkan ng mangkukulam, samantalang kami ay nagdarasal, alas-6 ng hapon, ay biglang nawalan ng kuryente at nagdilim sa paligid, matapos nito ay may narinig kaming takbuhan ng tao sa labas ng bahay, at may hanging umiikot sa aming ulunan. Ang dating hindi nagkakamali sa pagli-Litanyang bata ay may dalawang beses na nagkamali.Nang matapos ang Santo Rosaryo, oras na para insensuhan ang Mahal na Ina, lumuklok noon ang aking Querubin at hiningi ang insensaryo at nakaluhod siyang tumakbo na tila may hinahabol sa loob ng bahay, pumanaog ng hagdan patungo sa silong ng bahay, sinusundan siya ng dalawang Angelito na may tangang kandila at insenso. May tubig ng sapa ang silong ng bahay dahil sa baha, lampas ng bukong-bukong may kalahati bago ang tuhod, nakapantalong kaki ako noon sayad sa talampakan. Ayon sa dalawang Angelito ay nakita nilang lumalakad sa ibabaw ng tubig ang Querubin habang nag-iinsenso at sinasabuyan ng banal na tubig ang paligid ng silong. Nang magbalik kami sa itaas, basa ang laylayan ng pantalon ng dalawang Angelito subalit ang sa akin ay hindi.

NAGPAGAMOT
Minsan ay may nagpunta sa aming bahay, samantalang ako ay nasa Malolos, para ako ay sunduin at magpapagamot, ang tatay ko ang inabutan sa amin at nakausap. Nang ako ay dumating ay sinabi ng tatay ko na mayroon ngang tao na dumating subalit hindi niya sinabi kung sino at taga saan at hindi ko din kilala kung sino iyon. Umakyat ako at pumasok sa aking silid, nagsindi ng kandila at nagnilay – may bumukas na tila isang telebisyon sa aking isip at nakita ko ang mukha ng taong maysakit gayon din kung taga saan. Matapos noon ay nagpalit ako ng damit at bumaba ng bahay at pinuntahan ko ang maysakit, takang taka ang tatay ko noon. Sa awa ng MNI ay gumaling magsimula noon ang maysakit na matanda subalit namayapa na din sa paglipat ng taon.

SA PROVINCIAL HOSPITAL
Sa may Bulacan Provincial Hospital nang dalawin ko ang ama ng aking kaibigan na si Angelito Embang na ngayon ay Apo Oscar de Alexandria. Naka-confine ang tatay niya sa Ospital matapos operahan sa bituka sanhi ng malabis na pag-inom ng alak. Naging daan din iyon upang magpatoto ang Mahal na Ingkong sa buhay ng aking kaibigan, kung kaya hindi din naglaon ay nagpabasbas na din siya. May isang matandang lalaking pasyente doon na taga Obando Bulacan. Hiniling niyang hilutin ko ang kanyang leeg dahil may stiff-neck. Nagulat ako ng aking pangaralan at pagsabihan ang matanda at isalaysay ang buo niyang buhay at ang kamakailan lamang na pangyayari sa kanya at sa kanyang mga anak, na naging dahilan upang siya ay lumuha at magsisi. At nang araw ding iyon, makapananghali, nasabik na umuwi ang nasabing matanda sa kanyang pamilya, binigyan ko siya ng halagang limampung piso para pamasahe.


BLOCK ROSARY AT ANG CHAPEL




Ang kauna-unahang larawan kuha sa tahanan nila HDM Divina Taon 1995


Sa tulong ng mga kabataang sumasama sa Block Rosary ay pinasimulan namin ang pamamalimos para makapagpagawa ng isang chapel na tinawag naming Domus Foederis Arca, yari sa pawid, sawali at kawayan. Natatangi ang pagsisikap ng mga binasbasan sa aming lugar para masakatuparan ang planong chapel. Si Apo Epifania de Siena na butihing ina ni Serafines Jon Jon, ngayon ay Apo Alonzo, ang gumagawa ng pawid mula sa inaning dahon ng tanim nilang sasa o nipa palm tree sa tabing sapa. Si Serafines JonJon naman ang naging katulong sa paghahanap at pang hihingi ng kawayan at paghiram ng bangka para mabiyahe ang mga nahinging materyales. Pati mga patapon na coco-lumber ay aming inaamot sa tistisan gayon din ang mga lumang yero, maging ang pinagpalitang dingding at iba pang pakikinabangan ng aming lumang bahay ay ginamit na rin namin sa nasabing chapel.

Minsan, isang hapon, ay may parating na buhawi o malakas na hangin patungo sa direksyong kinaroroonan ng aming chapel. Dali dali akong lumabas ng bahay, sapagkat may ilang sumisigaw na mga tao sa labas dahil nagliliparan ang kanilang mga sampay na damit at mga kalat sa paligid at iba pang maaaring liparin ng umiinog na hangin; tinungo ko ang aming munting chapel na sa tabi nito ay mayroong kulandong at mesa na na pinagsusugalan. Itinaas ko ang aking dalawang kamay at tinawagan ko ang MNI at hiniling ko na ingatan niya ang kanyang bahay dalanginan na pinagpalimusan lamang ng mga bata para mabuo. Iginiba ng hangin ang kulandong at sugalan ngunit ni isang pawid ay hindi nagalaw o nalaglad sa aming chapel. Nakita pala ako ng aking mga kapitbahay at naging dahilan iyon upang hangarin nila na mapunta sa kanilang bahay ang Block Rosary.

MGA BINASBASAN SA AMING LUGAR
Taong 1996 ay niloob ng Mahal na Ingkong na mabasbasan bilang mga unang alay ang ilang kabataan para maging Auxiliaries, nasundan pa ito ng iba pang paslit, na bagaman wala pang basbas ang kanilang mga magulang ay tumanggap naman sila ng pahintulot na mabasbasan. May mga basyong Diskette Boxes ako noon at ginawa naming mga Alkansya, gayon din, bumili kami ng kawayang buho at pinaghati-hati at ginawa ding Alkansya. Nag-tig-i-tig-isa ang bawat tinatakang Auxiliaries para kanilang sidlan ng barya na iipunin pampagawa ng Chapel. Namigay din kami sa mga napuntahan ng Block Rosary at masaya naman nila itong tinanggap. Isa sa mahalagang tumulong sa amin ay ang pamilya Mr & Mrs Al and Onnie Padua. Sila ang nagbigay ng malaking halagang panimula pampagawa ng Chapel sa kanilang katuwaan sa mga batang nagdarasal. Nagagamit din namin ang kanilang pambiyahe ng kalakal na jip sa ilang ganapan tulad ng Marian Procession sa Quezon Circle. Pinagpala sila ng Mahal na Ingkong ng ibayong biyaya at di naglaon ay nakabili sila ng lupa at nakapag pagawa ng bahay sa Angeles City Pampanga. Obispo ng ating Simbahan ang nagbasbas ng kanilang bahay.


Si Apo Florentino(SLN+2009),tatay ni Q.Ramiro, samantalang inihahanda ang Jip na hiram namin sa Pamilya Padua para sa National Block Rosary Convention o Marian Rally na gaganapin sa Luneta 1999

Ipinakonkreto din namin ang Chapel at naging yero ang bubong at sementado ang sahig, subalit dahil sa malakihang pagbaha sa Hagonoy ay madali itong nasira. Ipinananawagan ko na din sa pamamagitan ng blog na ito ang aking mga kapatid na tinatakan sa Hagonoy na pagtulong-tulongan naming muli na ang Domus ay maipaayos upang muli itong mapagmisahan at magamit ng ating simbahan alang alang sa maraming kaluluwa sa aming lugar, na uhaw sa mga aral kabanalan at katuwiran.

Napatunayan namin na katotohanan na kapag nagsama sama ang mga tinatakan, kahit musmos man, malaki at dakila ang magagawa alang alang sa ikararangal ng pangalan ng Mahal na Ingkong.

SANTA MISA
Noong ang Domus, tawag namin sa Chapel, ay yari pa lamang sa sahig na kawayan, dingding na sawali at pawid na bubong, sa bakanteng lote kami sa harapan nagdaraos ng Santa Misa. Ang kauna-unahang nagmisa noon ay si Monsignor Domingo Tondag,OMHS at si Monsignor John de Bourbo,OMHS. Nagkakabit lamang kami ng tolda na aming hinihiram sa aking Ninong Jose 'JEB' dahil ginagamit iyon sa pantakip ng mga asin sa pituya. Ang Public Address System (amplifier, trompa at microphone) naman ay hinihiram namin sa Samahan ng Katandaan, ang mga upuan ay sa mga kapitbahay. Nagpapaluto lamang kami ng goto o sopas at bumibili ng ensemada sa Carolines Bakeshop. Malaki ang naitutulong ni Apo Eugenia de Padua at ng kanyang anak sa aming pagpapamisa nagkakaloob siya ng karne ng manok at tulong sa mga gastusin.


Si Apo Eugenia de Padua ng Distrito ng Hagonoy Bulacan, kuhang larawan nitong Semana Santa 2010 sa Lupang Banal.


Dahil ang aming baranggay ay karaniwan nang nilulubog sa baha, kapag kinakaya pang tambakan ng ipa, balat ng palay, ay nakapagpapamisa kami, kung hindi posible ay hahanap kami ng bakuran sa mga kapitbahay na maaring pagmisahan. Mag-aanibersaryo kami noon, Oktubre, lubog sa baha ang lugar na pinagmimisahan namin gayon din ang mga kapitbahay. Sa aming paglilibot sa aming purok, natagpuan namin ang bakuran ng aming kamag-anak doon sa malapit sa kalsada. Kasama ng Serafines Marlon at Angelito Daniel, natagpuan namin ang mga may-ari ng bakuran na pawang mga lingkod o may katungkulan sa Bisita ng Nayon, Nuestra Senora del Remedios. Nagmano kami sa kanila at ipinaalam namin ang aming sadya na mariin nilang tinanggihan sapagkat naisermon na daw ng paring Romano sa aming lugar ang tungkol sa mga pari nating nagmimisa na wala niyang pahintulot at isinesermon sa tao na iwasan. Wala na kaming ibang puwedeng puntahan sapagkat iyon na lamang ang lugar na maaaring pagdausan at wala nang iba. Batid ko na nagsalita sa matatandang babae si Querubin at naghayag sa kanila ng mahahalagang bagay at matapos niyon ay nagpaalam na kaming umalis at nagbalik sa aming Domus. Lumuhod kami ng aking mga kasama at humingi muli ng awa at tulong.

Di pa nakaka dalawang oras mula ng manggaling kami sa bahay na iyon, dumarating ang 2 matanda na kausap namin kanina, at nagsabi na maaari na daw kaming magmisa doon, para daw silang sinisilihan at hindi mapalagay at di maunawaan ang kanilang nararamdaman at tila may nag-utos sa kanilang puntahan kami at sabihin na payag na silang doon magmisa sa kanilang bakuran. Sa madaling sabi, doon nga kami naghanda at doon ginanap ang Sta Misa para sa anibersaryo ng grupo.

AUXILIARY OFFICER
Itinalaga akong maging isang Toka Auxiliary Chairman (1997-1998), kahalili ni Querubin Robert Estrada na ngayon ay Apo Fulgencio de Padua. Naging abala kami, kasama si Q.Obet, sa pagbisita sa mga Auxiliaries ng ibat ibang distrito. Nagkaroon kami ng mga pagtitipon at pag-aaral buwan buwan sa Bisita ni Apo Josena sa Guinhawa Malolos. Nagkaroon kami ng mga Auxiliary Recollection sa Sampol Sapang Palay kila Querubin Rodel Braulio, siya bilang District Auxiliary Chairman. Unang pagsikat ng lamok na may Dengue noon at may ilang kaso nito sa San Jose Del Monte, may mga lamok din noon pag araw noong aming Recollection pero ni isa ay walang tinamaan ng Dengue sa mga auxiliaries at bisita na dumalo.

Taong 1998-1999 ay hinirang ako ng Mahal na Ingkong na maging External Vice Chairman ng National Auxiliary kasama ng aming pangulo na si Hijas Marilyn Gupit. Kasa-kasama namin noon si Hijas Rexie Dumapit sa mga ganapan at pagbibigay ng Mariology, gayon din si Hijas Ligaya na ngayon ay si Sor Maria Concepcion.

Agosto 1999 ay kusa akong dumulog sa pagpapapalit ng basbas, sa tulong ni Apo Perfecto de Siena ng Dasmarinas Cavite, sa kabila ng pakiusap ng aking mga kasama sapagkat naging kasintahan ko noon si Hijas Marjoulyn na aking naging kabiyak, ay nagpapalit din ng kinasunurang buwan, Setyembre, na ngayon ay si Apo Myrna de Siena Ikinasal kami ni Apo Myrna sa pamamagitan at sa pag-saksi ni Rev Fr Roel na ngayon ay Monsignor Roel. Biniyayaan kami ng MNI ng dalawang anak, na ngayon ay Angelita Music at Angelito Avatar. Wala akong trabaho nang kami ay magsama ng aking kabiyak, hiniling ko sa Mahal na Ingkong na pagkalooban ako ng hanap-buhay, nagbakasakali ako at nagpasa ng aking aplikasyon sa Hagonoy Institute of Technology (HIT) kay Ginang Elisea Banag(SLN+), principal din ng Hagonoy Institute), tinanggap ako agad sa halagang 50pesos kada oras ng pagtuturo ng computer. Lumipas ang may dalawaa akong Semestre, sa isang BULPRISA na ginanap sa University of Regina Carmeli, nagkatagpo kami ng dati kong professor sa Kolehiyo na si G.Andrew Santos, inimbita niya akong magtrabaho ng part-time doon, siya ay bagong hirang na Dekano ng Computer Science Department (2000).Dalawa ang naging pinapasukan kong trabaho ang sa HIT at ang URC parehong part-time samantalang ang aking kabiyak naman ay siyang kasama ng aming anak na si Music. Hanggang sa taong 2001, nag full-time na ako sa URC at nagresign naman ako sa HIT at taong 2002, Setyembre, ay isinilang naman ang aming ikalawang anak na si Mikael.

Taong 2004, ako ay nagsa saayos ng aking papel para sa pangingibang bansa, sa aking medical result natagpuan nna ako mayroong Hepatitis B o Hepa B. Di ako halos makapaniwala, at dahil doon ay naka-hold ang aking papel. Inulit ng may dalawang beses pa ang examination sa aking dugo at gayon talaga ang resulta. Dinamdam ko at labis na ikinabahala ang bagay na iyon. Nag-resign na ako sa pinapasukan kong Unibersidad (URC) at nagkaka-utang na ako ng malaki, dalawa na ang aming anak na parehong bata pa, ang aking kabiyak ay wala din namang trabaho at sa bahay din lamang, kalilipat lang namin sa aming bagong bahay na yari sa sawali at kawayan. Hindi ako halos mapagkatulog sa gabi, katatapos lang ng Mahal na Araw 2004, hindi na kami naka-akyat dahil sa kawalan ng pera. Pinayuhan ako ng aking kabiyak na umakyat sa Lupang Banal at magsakripisyo kahit pamasahe lamang ang aking dala. Isinama ko ang aking kaibigan na si Apo Oscar at kami ay umakyat at pagdating doon sa Lupang Banal, makatapos magmano kay Apo Eugenia at iwanan ang aming dalang bag ay tumungo na kami sa Kalbaryo. Nag estasyon kaming dalawa ni Apo Oscar at matapos ay dumalaw sa Grotto at sa Basilika.

Pagkatapos noon, kami ay umuwi na sa Bulacan at kinabukasan ay muli akong nagbalik sa Agency at talagang gayon ang resulta, hindi ako FIT TO WORK, dahil sa Hepatitis B.



Gayon pa man ay pinayuhan ako ng Agency, kung di ako tiwala sa medical result ng Laboratory nila, dala ang examination result paper, nagpunta ako sa ibang Ospital at ipinakita ko iyon at gayon din ang interpretasyon ng doktor at ang gusto ay ulitin ang examination, pero dahil wala akong sapat na pera kaya sabi ko ay magbabalik na lang ako. Nagnilay ako at hiningi ko ang awa ng Mahal na Ingkong na kung iibigin Niya ay gagawa siya ng isang himala para sa akin. Nagbalik ako sa agency at muli akong pinapunta sa ibang doctor, sa Manila Doctor's Hospital. Doon, sa aking pagpasok sa Klinika ng Doctor ay sumalubong sa akin ang imahen ng Mahal na Birhen ng Milagrosa, kakaibang pakiramdam ang aking naramdaman kaya napabuntong hininga ako ng SALAMAT PO MAHAL NA INGKONG. Tinanggap ng doktor ang aking dalang examination result, binasa niya iyon at siya ay nagsulat sa kanyang papel, tahimik siya at patingin tingin sa akin. Matapos magsulat ay tiniklop niya at isinilid sa isang envelope at isinara. Iniabot sa akin. Tinanong ko kung ano ang aking gamot o iinumin para ako ay gumaling subalit sabi niya ay WALA. Narito sa ibaba ang kanyang isinulat:



To: LR Medical & X-Ray Clinic
Re: Interpretation of Hepatitis B
Interpretaion:

THIS IS THE PATTERN OF AN IMMUNE INDIVIDUAL WHO GOT HIS IMMUNITY VIA NATURAL INFECTION. HE CAN NO LONGER BE INFECTED AND HE IS COMPLETELY RECOVERED FROM THE INFECTION. HE CANNOT HAVE LIVER DISEASE DUE TO HEPATITIS B.

HE IS COMPLETELY SAFE ... BECAUSE HE HAS NO VIRUS IN HIS BODY.





This post is related to MY 19 YEARS WITH MAHAL NA INGKONG