SI JUAN BAUTISTA AY SI PROPETA ELIAS (Mateo 17:9-13, Lucas 7:24-28))
Si Propeta Elias ay isa sa mga dakilang propeta noong araw. Ang mga bantog at nakatalang himala ni Propeta Elias ay ang mga sumusunod:
MGA HIMALA NI PROPETA ELIAS
- Ang pagpapahinto ng ulan sa loob ng 3 taon at ang pagpapaulan
Si Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead. a Sinabi niya kay Ahab, "Saksi si Yahweh, ang buhay na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi." I Hari 17:1, Santiago 5:17
2. Pagpaparami ng pagkain at langis
Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, "Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon." Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, "Maaari po bang makiinom?" Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, "Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay."
Sumagot ang babae, "Saksi si Yahweh, ang inyong buhay na Diyos Ãt na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay."
Sinabi sa kanya ni Elias, "Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:
"Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang takdang araw na papatakin na ni Yahweh ang ulan."
Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias. 1 Hari 17:14
3. Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda
Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. Kaya't sinabi ng babae kay Elias, "Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?"
"Akin na ang bata," sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan at nanalangin, "Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandangloob sa akin?" Tatlong beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: "Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito." Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, "Narito ang anak mo, buhay na siya."At sumagot ang babae, "Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo." 1 Hari 17:22
4. Ang pagpapakilala na ang Diyos ng Israel ay ang tunay na Diyos na dapat sambahin at paglingkuran
Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, "Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob."
Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, "Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!" 1 Hari 18:38
5. Pagpuksa sa mga kapitan at mga tauhan sa pamamagitan ng apoy
Sumagot si Elias, "Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal." Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito. 2 Hari 1:10
6. Ang ulan
Sinabi ni Elias kay Ahab, "Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan." Samantalang si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. Sinabi niya sa kanyang utusan,
"Umakyat ka at tanawin mo ang dagat." Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. "Wala po akong makitang anuman," wika ng utusan.
"Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko," utos ni Elias. Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, "May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat."
"Magmadali ka!" sabi ni Elias. "Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan."
Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. 1 Hari 18:41
7. Ang paghati ng ilog jordan
Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, "Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan."
Ngunit sinabi niya, "Saksi si Yahweh, ang Diyos na buhay, hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo." At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa. 2 Hari 2:8
ANG PAGSILANG NI JUAN AT SINO SI JUAN
Si Juan ay una at kahuli-hulihang anak na lalaki ng pinsan ng Mahal na Birhen Maria na si Elisabeth, asawa ng saserdote sa templo na si Zacarias. Napakita muna at nag-anunsyo kay Sta Elisabeth si Arkanghel Gabriel na siya ay magsisilang ng sanggol na lalaki at pagkatapos pa lamang ng anim na buwan ay saka napakita ang anghel sa Mahal na Birhen Maria. Sa sinapupunan pa lamang ay pinuspos na at pinabanal ng Espiritu ng Diyos si Juan. Ang pangalang Juan na nangangahulugang "Biyaya at Galing sa Diyos" ay pangalang sinabi ng anghel kay Zacarias na ipapangalan sa bata sa sandaling ito ay isilang. Sasakay Juan ang espiritu at kapangyarihan ni Propeta Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.( Lucas 1:17).
Nang isilang si Juan, tumungo doon sa kaburolan ng Juda ang Mahal na Birhen upang makapaglingkod sa kanyang pinsang si Elisabeth. At doon sa tahanan ni Juan inawit ng Mahal na Ina ang kanyang MAGNIFICAT. (Lucas 1:39)
Noong ipinapapupugot at ipinapapatay ni Haring Herodes ang lahat ng bagong silang na sanggol at mga batang dalawang taon pababa, itinakas ni Sta Elisabeth ang kanyang anak na si Juan upang makaligtas ayon na din sa patnubay ng anghel ng Panginoon. Mag-ina lamang ang tumakas sapagkat si Zacarias na saserdote ay naglilingkod noon sa templo ng iyon ay nangyayari. At dahil batid ng mga tao at ng mga Romano na may anak si Zacarias at ito ay may mahimalang pangyayari pinaghinalaan na ang anak niya ay ang Mesias na tinutukoy ni Herodes na dinalaw ng 3 pantas. Ikinaila at ipinaglihim ni Zacarias ang kanyang mag-ina upang makaligtas at dahil doon siya ay pinatay ng mga sundalo mismo sa altar ng sakripisyo sa templo ng Herusalem. Gayon din ang pangyayari sa banal na Mag-anak. Inutusan ng Anghel Gabriel si San Jose na itakas papuntang Ehipto ang kanyang mag-ina.
Dumating ang takdang panahon, nangaral si Juan at nagbibinyag sa tubig sa may ilog ng Jordan kung kaya tinawag siyang Bautista - Juan Bautista. Tulad niya ay umaatungal na leon sa ilang. Sumisigaw siya sa mga tao at makasal anan na "tuwirin ang liko-likong landas at patagin ang bako-bakong daan upang makaraan ang Panginoon Diyos". Nagbinyag siya sa tubig tanda ng paghuhugas ng kasalanan. Marcos 1:1-8
ANG SALITA NI JUAN TUNGKOL SA DARATING NA KASUNOD NIYANG MAGBIBINYAG SA ESPIRITU AT SA APOY
Noong mga panahon iyon, tinatanong si Juan ng mga tao kung siya ba ang Mesiyas o tagapagligtas ng Israel (tagapagligtas o tagapag palaya mula sa pagka alipin ng Imperyo Romano paris ng mga hukom at Macabbeo noong araw alalaon baga ang inaasahan nilang Mesyas ay isang Political Messiah isang Andres Bonifacio na mag-aaklas laban sa mga Kastila).
Sinagot sila ni Juan na siya ay hindi ang Mesyas kundi siya ay ang tinig na sumisigaw sa ilang. Dinagdag pa niya " binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo't pagtalikod sa kasalanan; NGUNIT ANG DUMARATING NA KASUNOD KO ANG MAGBABAUTISMO SA INYO SA ESPIRITU SANTO AT SA APOY. SIYA'Y MAKAPANGYARIHAN KAYSA AKIN, HINDI AKO KARAPAT DAPAT KAHIT TAGADALA NG KANYANG PANYAPAK..."
Ang tinutukoy ni Juan ay ang P.Hesukristo (Juan 1:15-27). Ang P. Hesus ang tinutukoy niya na magbibinyag sa Espiritu Santo at sa apoy SUBALIT NOONG PANAHONG IYON HINDI NAGBINYAG ANG PANGINOON HESUS SINOMAN. Ang kanyang mga alagad ang nagbibinyag noon Juan 4: 1-2 "Nabalitaan ng mga Pariseo na lalong marami ang nahihikayat at nababautismuhan ni Jesus kaysa kay Juan. (NGUNIT ANG TOTOO'Y HINDI SI HESUS ANG NAGBABAUTISMO, KUNDI ANG KANYANG MGA ALAGAD). Dito ay naglagay pa ng NOTE o pananda ang sumulat ng ebanghelyo upang ipaunawa na ang tinutukoy na BINYAG SA ESPIRITU AT APOY ay hindi pa mangyayari noon kundi sa hinaharap pa.
KINAKAILANGANG SIYA AY MAGING DAKILA AT AKO NAMAN AY MAGING MABABA Juan 3:30
Nang mabalitaan ng mga alagad ni Juan na ang pangkat ng P.Hesus ay nagbabautismo din sa ibang dako ay lumapit sila kay Juan, pinagsabihan sila ni Juan na "Kayo na rin ang makapag papatunay na sinabi kong HINDI AKO ANG CRISTO; sugo lamang akong mauuna sa kanya...Kinakailangang siya ay maging dakila at ako nama'y mababa."
SI HERODES, HERODIAS,SALOME AT ANG PAGKAKULONG AT KAMATAYAN NI JUAN (Marcos 6:14-29)
Sa pangangaral ni Juan wala siyang kinasisindakan o pinangingimian sinoman maging si Haring Herodes, na anak ng matandang Herodes na nagpapatay sa mga sanggol noon, ay hindi nakaligtas sa mabagsik na salita ni Juan, " Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid." Masakit sa tainga ng nagsasamang taksil at maitim ang budhi ang mga aral na ito ni Juan kaya siya ipinakulong.
Si Herodes ay kinuhang maging asawa niya si Herodias. Si Herodias naman ay ang asawa nii Felipe na kapatid naman ni Herodes. Si Herodes ang nagpahuli at nagpakulong kay Juan. Si Herodias naman ay may anak na babae na maganda at mahusay sumayaw - siya ay si Salome.
SAMANTALANG NAKAKULONG SI JUAN
Nang si Juan ay nakakulong nag-utos siya sa kanyang mga alagad na pumaroon sa P.Hesus upang tanungin kung siya na ba ang kanilang hinihintay o may darating pa. Nakausap ng P.Hesus ang mga alagad ni Juan at ipinasabi na "sabihin nyo kay Juan, nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang may ketong, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita."Marcos 7:22-23
PUGOTAN NG ULO SI JUAN AT ILAGAY SA PINGGAN
Sa isang okasyon sa palasyo ng Haring Herodes habang naroon ang mga maringal niyang bisita, hinandugan ni Salome ng sayaw na mapang-akit itong si Herodes at mga bisita. Lubos na nabighani at nasiyahan sa sayaw ng dalaga ang balakyot na Herodes. Tinawag niya at inalok ang dalaga bilang katuwaan ng "Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo at kahit kalahati ng aking kaharian kung ito ay iyong hihilingin."
Dumulog si Salome sa kanyang inang walanghiya at itinanong ng bata kung ano ang hihilingin sa ama-amahang palalo. Ang winika ni Herodias sa anak ay isang pangyayaring dapat matandaan ng sinomang babasa nitong aking tala "Ang ibig ko'y ang ulo ni Juan Bautista, ngayon din, sa isang pinggan." Marcos 6:24-28 Gayon nga ang nangyari, iniutos ni Herodes sa mga kawal na pugotan si Juan at dalhin sa kanya na nakalagay sa isang pinggan ang kanyang ulo. Matapos niyon ay kinuha at inilibing ng mga alagad ni Juan ang kanyang bangkay.
SI JUAN BAUTISTA NGAYON
Sa kalendaryo ng simbahan, ipinanganak si Juan Bautista ika-24 ng Hunyo, sa araw ding ito ay ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng kaisa-isang Patriyarka ng Simbahang Apostolic Catholic Church, Juan Florentino Teruel.
Sa ikatlong kaganapan ng Iisang Diyos, ang Diyos bilang Espiritu Santo na nagpakita, nagpakilala, nakipag-tipan sa batang si Florentino nang siya ay nasa 18taon gulang pa lamang noon sa San Jose Major Seminary ng Ateneo De Manila University 1968/69. Napakilala sa kanya ang nagkatawang-tao na Espiritu Santo sa anyo ng isang matandang ermitanyo na matapos ay napakita na sa kanyang tunay na anyo, walang iba kundi ang ang muling nabuhay na P.Hesukristo subalit hindi napatawag sa pangalang Hesus kundi sa pangalang INGKONG. Ito ay sa kadahilanang ang pagpapakita ng P.Hesus sa kaninoman ay sa ikalawang pagparito pa niya sa paghuhukom at hindi pa sa ngayon. Yaon ang hiwaga at lihim ng sinabi ng P.Hesus na babala sa mga alagad niya "Kung may magsabi sa inyo na nadoon ang Kristo wag kayong pumunta wag kayong maniwala, na nadoon sa mga silid huwag kayong pumaroon sapagkat yaon ang mga bulaan propeta at mga sinungaling."
FLORENTINO
Dapat sana ay sa bandang hulihan ito kasunod ng JUAN subalit dahil mas mahaba ang aral ng pangalang JUAN. Ang pangalang Florentino ay hango at mula sa isang lugar sa Italya, ang Florence. Ang Florence at ang mga Florentino o mga mamamayan ng Florence ang nagsalba sa ekonomiya ng Europa noong Dark Ages. Doon sa Florence ginawa at nabantog ang salaping ginto - ang florints. Ang Patron ng Florence Italy ay walang iba kundi si San Juan Bautista. Ang kaganapan ng mga florentino ay ang iangat at isalba ang ekonomiya at pananalapi ng tao samantalang nagdarahop dahil sa maling sistema ng ekonomiya at pamahalaan. Ang Dark Ages ay ang panahon sa kasaysayan na kung saan ang moralidad, ang pananampaltaya at ibat ibang uri ng kagulohan ay laganap sa buong Europa. Ang Patriyarka bilang isang Florentino ay gayon din ang papel na gaganapin sa ating bayan - o sa bayan ng Diyos, ang Simbahan.
JUAN
Ilang mahahalagang yugto ng kasaysayan ni Juan Bautista ang ating babalik tanawin sa pag-susuri ng kaganapan ng Patriyarka bilang si Juan Bautista (at Propeta Elias).
Napakita at nakipag-tipan ang Diyos Espiritu Santo na napatawag sa pangalang INGKONG sa Patriyarka noong mga huling taon ng dekada 60. Sumakanya ang Mahal na Ingkong at sa loob ng may mahigit kumulang dalawang taon ay ginamit siya hanggang sa hirangin ng Mahal na Ingkong ang kanyang magiging Esposa, ang matiising ina ng Patriyarka.
Sa pasimula't simula ang Patriarka at ang kanyang butihing Ina ang naging magkasama sa pagbubungkal ng lupang tataniman ng mga binhing magmumula sa langit, silang dalawa ang naghanda ng magiging banal na lupa - ang Sacrifice Valley. Ayon sa mga matandang apo, ang papang noon ay makikitang nagtatanim ng kamote at mga halaman sa lupang banal.
Sa loob ng humigit kumulang dalawang taon ay ipinaghanda ng batang si Florentino ng daraanan ang Mahal na Ingkong hanggang sa ganap na magpakilala na ang Mahal na Ingkong sa katauhan na ng Banal na Luklukan. At paris ni San Juan Baustista at ng Panginoong Hesus - habang nakikilala at bumabantog agn P.Hesus si Juan Bautista naman ay lumalagay at nalalagay sa background. Yan ang isa mga hiwaga ng kaganapan kung bakit sa buong panahon halos ng pagganap ng Mahal na Ingkong sa katauhan ng Sta Maria Virginia, ang Patriyarka ay halos di makita at hindi umaagaw ng atensyon. Ito marahil ang dahilan kung bakit tila alienated o wari'y naninibago ang ilang mga tinatakan sa pagganap at kaganapan ng Banal na PAtriyarka ngayong di na natin kasama physically ang Banal na Luklukan. Hindi sila sanay o hindi nasanay na makita na ginagamit ng Mahal na Ingkong ang Patriyarka paris noong unang siya ay gamitin bilang paghahanda sa Banal na Luklukan.
HINDI SIYA ANG ESPOSA AT LUKLUKAN NG MAHAL NA INGKONG
Katulad ni San Juan Bautista, HINDI AKO ANG CRISTO; sugo lamang akong mauuna sa kanya... Kinakailangang siya ay maging dakila at ako nama'y mababa." , winiwika naman ng Patriyarka maging sa pasimula pa man, HINDI AKO ANG BANAL NA LUKLUKAN AT ESPOSA, sugo lamang akong mauuna sa Kanya - ang pintuang pinasukan ng Mahal na Ingkong at pintuang lalabasan Niya. Hindi kailanman inangkin ng PAtriyarka na siya ang Banal na Luklukan o Esposa manapa ay inuulit ulit niya at ng Mahal na Ingkong "SA BATANG ITO AKO NAGPASIMULA SA BATA RING ITO AKO MAGTATAPOS".
IPAGHAHANDA NIYA NG BAYAN ANG DIYOS: ANG SIMBAHAN
At may isang napakahalagang hula na binanggit si ARkanghel Gabriel kay Zacarias patungkol kay San Juan Bautista, ito ay ang "Sasakay Juan ang espiritu at kapangyarihan ni Propeta Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon." Yaon ang wika, IPAGHAHANDA NI JUAN BAUTISTA NG ISANG BAYAN ANG PANGINOON.
Sa salitang ito, binibigyang liwanag ng Anghel Gabriel na si Juan ay magiging daan upang magkaroon ng isang bayan ang Panginoon. Bakit hindi ba't ang Israel ang Bayan ng Panginoon at ang Herusalem ang kanyang banal na lunsod? Ano ang isang bayang tinutukoy? BAYAN NG PANGINOON, walang iba kundi ang SIMBAHAN. Ang kalipunan at pamayanan ng mga sasampalataya sa kaganapan ng Mahal na Ingkong. Ito yaong winika ng Mahal na Ingkong sa kanya noong siya ay nasa Seminaryo, "SA IYO AT SA LAHI MO MAGMUMULA ANG MAMAMAYAN NG BAGONG HERUSALEM". At dahil sa kanya magmumula at dahil siya ang naghanda siya ngayon ang PAtriyarka at pang-ulo at pangunahin sa Simbahan na iyon, ang Bayan ng Panginoon.
ANG MGA MAKABAGONG HERODES, HERODIAS AT SALOME
Ngayon, may mga makabagong Herodes, Herodias at Salome. Kung ang Sta Maria Virginia ay larawan ng isang tapat na asawa o esposa ng Espiritu Santo, si Herodias naman ang kabaligtaran. Kung ang Mahal na Ingkong ang larawan ng isang tapat na kasuyo at Esposo si Herodes naman ang kabaligtaran. Kung si Juan naman ang larawan ng tapat at maliwanag ang isip sa katuwiran at banal na pamumuhay. Kung si Juan ay larawan ng payak at kontinenteng pamumuhay si Salome naman ang kabaligtaran.
Ang makabagong mga Salome ay ang mga tinatakan ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Sta Maria Virginia na nakatagpo ng panibagong Ina o Mamang sa katauhan ni Herodias. Sa halip na magsisunod sa huling habilin ng Sta Maria Virginia patungkol sa Simbahan at sa kaganapan sa lupang banal ay nagpakalasing sa emosyon at nagsayaw at naaliw si Herodes at sila ay tinanong "Ano anya ibig ninyo?" . Dali daling nagsidulog sa kanilang bagong Ina o Mama na si Herodias at ang tinanggap na utos at hiling "PUGOTAN NG ULO SI JUAN BAUTISTA"
Yaon ang ibig ng mga makabagong Herodias o mapagpanggap na diumano ay luklukan at inkarnasyon ng Sta Maria Virginia - ang pugotan at alisin ang ulo ni Juan Bautista, ang ulo ng Simbahan, alisin ang Patriyarka. Ikinulong ni Herodes, dili iba't si Satanas, ang isip ng mga makabagong Salome sa paniniwalang dapat ay patahimikin si Juan, ang Patriyarka - ikulong at pagka kuwan sa isang bigwas ay mawala at maputol sa pagiging ulo at ama ng simbahan at bayan ng Panginooon.
Gusto ng mga taong ito na ALISIN ANG PATRIYARKA, PUGOTIN ANG ULO SA PAMAMAHALA SA SIMBAHAN, PUTULIN ANG KAGANAPAN.
Mapuputol ba? Mapupugot ba? Ngayon ay espiritwal nang kaganapan, hindi na maaari ang simatara o espada ng pinakamabagsik na kawal ni Herodes para mapugot ang ulo ni Juan dahil ang espiritu ay walang laman walang buto paano nga mapuputol?
ANG TAGTUYOT SA SACRIFICE VALLEY
Ang sagisag ni Juan Bautista ay tubig, ang Florentino ay ekonomiya -noong ipanaog ng Mahal na Ingkong ang ganapan mula sa Lupang Banal patungo sa EDSA, winika Niya " matutuyo ang Sacrifice Valley" at yaon nga ang naganap - economically and financially bumagsak ang Sacrifice Valley sapagkat dumalang at wala na halos nag-siakyat ng mga tinatakan. Hindi na halos kumikita ang mga karinderya, mga tindahan ng halamang gamot, mga tricycle atbp. Naging malungkot at wari ay abandonadong tanawin ang Sacrifice Valley.
ANG APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH
Bilang nagtataglay ng espiritu ni Propeta Elias, itinutuwid ng Patriyarka ang mga maling paniniwala ng tao patungkol sa pagsamba sa Diyos, sa katungkolan ng tao bilang katoliko at mananampalataya. Itinutuwid niya ang mga mali at baluktot na aral na naging dahilan upang ang lupang hinirang at iniibig ng Santissima Trinidad ay maging busabos at mahirap.
Mga aral at turo ng kolonyalismong Kastila at Romanong prayle na sa halip na mag-angat ng kalagayan at antas ng dignidad at karangalan at kabuhayan ng mga pilipino ay naging kabaligtaran. Bansa tayong tinatawag na Perlas ng Silangan, bansa tayong tinatawag na nag iisang kristiyanong bansa sa buong Asia subalit bansa tayong pinakamahirap sa lahat samantalang ang mga prayleng Romano at ang mga prayle sa Roma ay nagsisipag saya sa pawis dugo at hirap ng mga limos at donasyon ng tao. Kung tunay na nasa mga pilipino ang tunay na pananampalataya sa Diyos sa anong dahilan at wari ay hindi iniibig ng Diyos ang bansang Hinirang - bakit ang mukha ng kahirapan ay nariyan.
Ang Apostolic Catholic Church sa pangunguna ng Patriyarka ay isa lamang sa bangkang sumusugba sa malalakas na along nililikha ng malalaking simbahang iba at samut sari ang aral, tunggalian at banggaan na hindi talaga layon ang pagkakaisa ng hiwa-hiwalay at pira pirasong bansa. Pira pirasong isla pira pirasong pangarap sa matagal na panahon ng Katolisismong Romano bakit magpahanggang ngayon subsob pa din sa kahirapan at kawalang ng pag-asa ang maraming pilipino?
Ang simbahang tatag ng Mahal na Ingkong, bayang inihanda ni Juan Bautista ay ang Lunsod na nakatayo sa ibabaw ng bundok na hindi maitatago hindi maikukubli. Paris ni Propeta Elias at mga propeta ni Baal - sa Simbahang Apostolic Catholic Church na lamang katotohanang pumapanaog ang Apoy ng Diyos upang sunugin ang alay - alalaon baga ay katanggap tanggap sa Diyos ang sakripisyo.
Tanging sa kamay na lamang ng mga abang pari ng Apostolic Catholic Church katotohanang nagaganap ang pagpanaog ng Espiritu Santo para pabanalin ang Alak at Tinapay sa oras ng konsagrasyon sa Sta Misa. Purihin ang Mahal na Ingkong.
to be continue....