Ang pinag iba ni Satanas sa P. Yeshua ay ganito. Si Satanas balang bato gusto niyang gawing tinapay at gagamitin niya ang kapangyarihan ng Diyos para mangyari iyon. Ang P. Yeshua, kahit nasa kanya ang kapangyarihan, hindi niya gagawing bato ang tinapay. Sa kanya ang bato ay bato, ang tinapay ay tinapay.
Noong mayroong mahigit limang libong katao na gustong makinig sa kanyang aral, at nakita niyang ito ay pagod, uhaw at nagugutom, may ilang pirasong tinapay na pinag hati hati niya at ang mga ito ay naging libo libong tinapay.
Walang bato doon na malaki man o maliit man na ginawa niyang tinapay para mapakain ang limang libong katao. Ang bato ay bato. Ang tinapay ay tinapay. Ang tinapay ay sa kapwa tinapay magmumula. Iyan ang aral ng P. Yeshua.
Nang ang P. Yeshua ay nagutom, lumapit siya sa isang puno ng igos, hindi siya dumampot ng bato para gawing pagkain, kaya nang matagpuan niyang walang bunga ang igos sa kabila ng panahon naman nito ng pamumunga, nabigkas niyang, sumpain ka na huwag ka na talagang mamunga. At noon din ay natuyo ang igos.
Dinakila ng Diyos ang marangal na hanapbuhay ng pagsasaka o pagbubukid. Ang Diyos ay isang magsasaka at gayon din ang hinangad niya sa unang magulang. Hindi Niya sila ginawang salamangkero na kahit bato pag nagutom magagawang tinapay. Inibig niya na ang buhay ang magbibigay ng buhay sa kapwa buhay. Ang binhing itinanim ay may buhay, at ito ay magbubunga ng pagkaing nagbibigay buhay. Hindi bato na magiging tinapay bigla bigla, walang pagod, walang hirap, walang pagpapatulo ng pawis at luha.
Kay Satanas ay iba at hindi gayon. Sa kay Satanas, ang bawat bato o kahit na anong bagay kung kailanganin, gusto niyang gawing tinapay, gusto niyang maging pamatay gutom agad agad at mapunan ang kanyang pangangailangan. Walang pagpapagod, walang pagpapatulo ng pawis at luha, walang hirap.
Makikita natin ang ugaling ito ni Satanas sa ilang tiwaling alagad ng batas, na kahit ano na lamang na ginawa o ginagawa ng karaniwang tao ay hinuhuli at ginagawang pagkakakitaan. Gumagawa ng tinapay mula sa bato.
Makikita natin ang ugaling ito ni Satanas sa maraming Pastor at Ministro o lider relihiyon na ginagawang tinapay ang maraming bato para sa kanilang kabusogan. Gamit ang pananakot at iba pang pagbabanta, gamit ang apoy ng impyerno, ang kaparusahan at marami pang iba – mula sa bato nakakagawa sila ng tinapay. Ang takot ng tao ay bato na kanilang ginagawang tinapay. Sa halip na sila ang magparami ng tinapay na ipamimigay at ipapakain sa tao para sila ay mabusog sila ang nagkakamal ng tinapay para sa kanilang sarili habang ang taong dapat kumain nito ay siyang gutom at kumakalam ang sikmura.
Kapag ang isang empleyado, nagnakaw ng gamit ng pinapasukang kumpanya at ito ay ipinagbili para maging pera, siya ay gumagawa ng tinapay mula sa bato.
Kapag ang isang Pastor, para makuha ang pera, o ang yaman ng kanyang tagasunod, gamit ang apoy ng impyerno o ang kaparusahan, siya ay gumagawa ng tinapay mula sa bato.
Kapag ang isang Pastor, para makuha ang pera, o ang yaman ng kanyang tagasunod, gamit ang apoy ng impyerno o ang kaparusahan, siya ay gumagawa ng tinapay mula sa bato.
Kapag ang mga miyembro ay halos di na kumain ng tatlong beses maghapon at ang kakaunting pera nasa bulsa ay kanilang ibinibigay dahil hinihingi at inoobliga sa kanila ng kanilang pastor o ministro, samantalang ang pastor nila at ministro ay nakaupo sa kasaganaan ng pagkain at mga katulong – maliwanag na hindi ito ang kalooban ng P. Yeshua, hindi ito ang kanyang aral at panuntunan.
Maraming tao ngayon ang sumusunod sa tukso ni Satanas, "kung Diyos ka nga, iutos mong ang batong ito ay maging tinapay. "
Marami ang gumagawa ng tinapay mula sa bato. Makikita sila sa lahat ng anyo, lugar, at tao.