Tuesday, March 16, 2010

Ang Altar ng Isang Tinatakan at Hinirang ng Diyos Espiritu Santo

Ave Maria Purissima!

Panahon ng mahal na araw, panahon na kung saan maraming katoliko lalo na sa Pilipinas ang muling sasariwa ng pagpapakasakit at pag-ako ng Panginoong Hesukristo ng kaparusahan dahil sa kasalanan ng tao na sana ay siyang tao ang magdanas. Sapagkat nasusulat na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.

Marami sa panahong ito ang mga taong naakay sa ibang pananampalataya na nagsasabing sila ay Kristiyano subalit hindi Katoliko at naniniwala din na ang mga Katoliko ay hindi Kristiyano. Ang masaklap pa dito ilang Katoliko ang di nakakaunawa na sila ay Kristiyano. Kung uugating mabuti ang mga salitang Katoliko at Kristiyano ay hindi napaghihiwalay na katotohanan na kung ikaw ay katoliko ikaw ay kristiyano at kung ikaw ay kristiyano walang ibang pangalang ukol sa iyo kundi ang pagiging isang katoliko.

Maraming tahanan sa ating bansa na ang nakatira ay mga pawang Katoliko subalit walang altar o lugar na kung saan naroon ang mga banal na larawan o imahen ng ating P.Hesus at Mahal na Birhen Maria. Mainam pa ang TV set mayroong lalagyan at naibibili pa ng magandang patungan. Mainam pa ang Refrigerator may lugar o ang mga laruang Teddy Bear at kung ano ano pa sa loob ng tahanan - subalit walang altar.

Kung mayroong tinatawag na SALA, Silid ARalan o Library sa loob ng bahay, may Garahe ng sasakyan, may palikuran o CR bakit di kaya magkaroon din tulad noong araw ng isang dako at lugar sa loob ng tahanan na kung saan doon magsasama sama ang mag-anak sa pagdarasal at pasasalamat sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya? May hihirap pa ba sa isang tahanan na hindi man lamang makapaglagay ng isang munting altar.

Ang mga tinatakan at hinirang naman ng Diyos Espiritu Santo, ng Mahal na Ingkong, ay dapat ding mayroong altar sa kaniyang silid o sa kanyang tahanan. Naroon dapat sa kanyang altar ang larawan ng Panginoong Hesus, ng Mahal na Birhen MAria, ng Sta MAria Virginia, ng Mahal na Ingkong, ng Patriyarka at ng ilang mga larawang magpapaala ala ng kaganapan at misyon ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Mama at ng Patriyarka. Naroon din dapat sa altar ang Bibliya para sa pagninilay at ilang aklat dasalan, gayon din ang Santo Rosaryo, banal na tubig at langis. Click here to see sample

Bukod pa dito, may pananagutan at tungkulin ang isang magulang na APO na ulit ulitin at isalaysay sa kanyang mga anak ang kaganapan ng Mahal na Ingkong at ng kanyang Simbahan. Isalaysay hanggang maukit sa kanilang puso at isip ang mga kautusan at aral ng Mahal na Ingkong upang maging gabay nila sa kanilang paglaki. Na kung sila ay magkaroon na din ng sariling pamilya ang pananampalataya sa Mahal na Ingkong at sa kanyang Simbahan ay maipagpapagtuloy, sapagkat sa katotohanan ang mga APO na may pamilya at mga anak ang mga kasangkapan ng Mahal na Ingkong upang maganap ang pangako tungkol sa mamamayan ng Bagong LAngit at Bagong Lupa. Mula sa mga tinatakan at hinirang, hindi man sa kanilang mga magulang, kundi mula sa kanilang magigign mga anak ang pagmamana ng walang hanggang pangako.

Itago at ingatan ang lahat ng larawan at mga record tapes ng mensahe ng Mahal na Ingkong alang alang sa mga susunod na salin lahi ng angkan ng isang APO sapagkat yaon ay magiging hindi mapasusubaliang katibayan na katotohanan na ang Diyos, sa kanyang ikatlo at huling persona ay naparito sa lupa.

Amen