Sunday, January 17, 2010
Ang Patriyarka Juan Florentino
Ave Maria Purissima...
This is a revised entry and reposting from ACC Forum
Ang Papang o ang Patriyarka Juan Florentino ay katangi-tanging mayroong pinakamataas na karapatan hindi lamang sa Simbahan, sa mga tinatakan at maging sa pag-gamit sa kanyang katawang lupa ng Mahal na Ingkong, sa pagpapatuloy at pagtatapos ng mga ginanap ng Banal na Luklukan, Sta.Maria Virginia.
Ibig kong sagutin ang ilang isyu na bagaman hindi naman itinatanong ay mga nagiging o naging palaisipan sa maraming tinatakan.
1- Ang Papang ba ay talagang kasangkapang ginagamit ng M.Ingkong sa kasalukuyan para Siya ay makapag-tatak, makapag-mensahe at makagawa ng mga kapasyahan sa maraming bagay ukol sa ating pananampalataya?
2- Ang Papang bilang tumanggap at naging Patriyarka ng Simbahang itinatag ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Banal na Luklukan at ang kanyang mga karapatan sa simbahan at sa lahat ng gawaing pangkabanalan at sa kaparian.
1- Ang Papang ba ay talagang kasangkapang ginagamit ng M.Ingkong sa kasalukuyan para Siya ay makapag-tatak, makapag-mensahe at makagawa ng mga kapasyahan sa maraming bagay ukol sa ating pananampalataya?
Sa pasimula, ang Mahal na Ingkong ay napakita at nakipagtipan sa Patriyarka noong siya ay seminarista pa lamang at ito ay isang katotohanang hindi mapapasubalian na sa kanya ay ipinangako, na sa kanyang lahi magmumula ang mamamayan ng Bagong Herusalem; at maliwanag din sang-ayon sa tipan at sa mensahe ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Banal na Luklukan, Sta.Maria Virginia na “wala nang iba pang gagamitin at wala nang iba pang magiging luklukan ng Espiritu Santo o ng Mahal na Ingkong”. Subalit ito ay hindi nangangahulugan na ang Patriyarka ay hindi maaring kasangkapanin o gamitin ng Mahal na Ingkong upang maipagpatuloy Niya ang kanyang gawain at misyon sa lupa at sa katuparan na rin ng kanyang pangako tungkol sa “sa iyong lahi magmumula mga mamamayan ng Bagong Herusalem”. Sa mga sumusunod na kadahilanan;
Mas Higit na karapat-dapat na maging kasangkapan ng Mahal na Ingkong upang maipagpatuloy ang pagtatatak sa mga hinirang sapagkat sa kanyang kaluluwa ay naroroon ang kakayanan at esensya na kung tawagin sa wikang latin ay “Potestas Ligata”.
Ang Potestas Ligata sa pakahulugan sa wikang ingles ay “power latent in his soul” na kung saan ang kakayahang maging kasangkapan ng Mahal na Ingkong upang maihatid ang Kanyang mensahe at maipagpatuloy ang kaganapan ay nasa sa kanya na sa pasimula na siya ay gawing katipan ng Espiritu Santo (noon pa mang siya ay seminarista pa lamang).
Sa kanyang kaluluwa ay inilagay ng Diyos Espiritu Santo ang lahat ng binhi ng magiging mamamayan ng Bagong Herusalem, alalaon baga ay ang mga taong magiging tinatakan ay nasa sa lukbutan na ng kanyang kaluluwa. Kahalintulad ng inihayag ni Apostol Pablo na “..kaya’t masasabi rin na maging si Levi na kumukuha ng ikapu, ay nagbigay ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham. Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito’y salubungin ni Melquisedec.” (Hebreo 7:4-10).
Alalaon baga, tayong lahat na tinatakan maging nang Banal na Luklukan o ng Patriyarka ay pare-parehong nasa sa katawan pa o ng tinatawag ko ngang “lukbutan ng kaluluwa” ng Patriyarka noong siya ay tipanin ng Diyos Espiritu Santo (1969AD). At yaong biyaya, kakayahan at esensya ay nananatili sa kanya maging nang ang Banal na Luklukan ay hirangin at matagal na panahong ginamit ng Mahal na Ingkong sa kanyang gawaing magmensahe at magtatak. At hindi maikakaila na sa panahong ang katawang lupa ng Banal na Luklukan ay mahina o nasa paglalakbay “ang katawan ng batang ito “ alalaon baga ay ng Patriyarka, ang siyang gumaganap sa kalalagayan ng Banal na Luklukan “in place of” ; at ito ay maging sa araw ng Semana Santa o Pasan, sa pagmemensahe sa Simbahan o Pagtatatak sa ibat-ibang lugar. At walang ibang pinagaganap o pinaganap dito ang Sta Maria Virginia o ang Mahal na Ingkong maliban sa Patriyarka.
At sa panahong ito nga na ang Banal na Luklukan ay kinuha o binunot na sa ating piling ng kanyang Esposo; ang Espiritu Santo ay nananatili at buhay, “walang laman at walang buto maglilingkod sa tao“ ay kailangan niya ng katawang gagamitin at higit na angkop sa kanino mang tinatakan ang katawan at kaluluwa ng Patriyarka sa ganitong kaganapan. Sapagkat wala nang gagamiting iba pa bukod sa batid na nang lahat na ginagamit na -ang Patriyarka.
Sa mensahe ng M.Ingkong sa pamamagitan ng Banal na Luklukan, winika nga niya na "Wala nang susunod na magiging Banal na Luklukan o Esposa, kahuli-hulihan na ang Babaeng ito!" at gayon din ang winika ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Papang (noong di pa binubunot sa atin ang Matriyarka) at yaon nga ay katotohanan. Wala na talagang kasunod sapagkat walang makatutulad sa kaganapan ng Mamang at kailanman ang Patriyarka ay hindi maaaring tawagin Esposa ng Espiritu Santo, sapagkat ang Esposa ay babae at hindi lalake. Wala na ngang iba pang magiging Esposa ng Espiritu Santo na kanyang gagamitin bilang Banal na Luklukan huli at kahuli-hulihan na ang Sta Virginia.
Kahalintulad din naman na hindi gumawa ng panibagong Adan at Eba ang Amang Yahweh nang ang mag-asawa ay magkasala, ni nagbago Siya ng pasya nang ang mga Israelita ay sumuway sa Kanya. Hindi pabago bago ng pasya ang Diyos tungkol sa kanyang kasunduan. Sapagkat kung gagawa Siya ng panibagong Luklukan o Esposa o Simbahan lumalagay na BIGO O FAILURE ang nauna. At wari baga ay bigo si Sta Maria Virginia sa misyon sa kanya ng Mahal na Ingkong at bigo ang Mahal na Ingkong sa kanyang Simbahan na binuhusan Niya ng pagpapala at bendisyon at positibong mga hula.
Ang Sta Virginia ay Esposa at Banal na Luklukan at ang Papang ay hindi Esposa kundi KATIPAN ng Espiritu Santo- sa anong bagay siya KATIPAN? Sa kanya napakita at nakipagtipan ang Diyos Espiritu Santo na napatawag sa pangalang INGKONG? At bilang katipan sa mga unang yugto ng pagganap ng Ingkong ay siya ang ginagamit, hindi bilang Esposa at hindi bilang Banal na Luklukan. At kung lumipat man sa Mama ang pagganap ng Ingkong, iyan ay sa isang kadahilanan upang ang mag-ina ay magkasabay na maglilingkod at maghahanda para sa mga isisilang na magiging mamamayan ng Bagong Herusalem na ipinangako na sa kanila.
Gayon din ang ibinibigay na karunungan ng banal na kasulatan ““Ang anak mo, na paluluklukin ko sa iyong trono (pamamahala at kapangyarihan) bilang kahalili mo ang siyang magtatayo ng aking templo” (I Hari 5:5).
Gayon din naman, Ang anak mo (ang Patriyarka) na paluluklukin ko sa iyong trono bilang kahalili mo (patungkol sa Matriyarka, bilang aking ginagamit) ang siyang magtatayo ng aking templo o dalanginan” Batid natin at nasasaad sa banal na kasulatan na ang templo at dalanginan ay nasa pangangasiwa ng mga itinalagang saserdote. Sila ay mga ibinukod buhat sa bayang hinirang, mga pinili sa karamihan upang maging nakatalagang magsipaghandog kay Yahweh alang alang at mamamagitan sa kasalanan ng bayan; katulad rin mga Levita sila ay ang tanging lipi ni Israel na hinirang ni Yahweh para sa paglilingkod sa templo. At sa panahong kasama natin ang Sta Virginia ang Simbahang ACC at ang ordeng OMHS ang itinalaga niyang maghatid ng Sakramento sa mga tinatakan.
Alalaon baga ang ACC at ang Orden OMHS ang magtatayo at magpapatuloy sa panahong bunutin nga ang Esposa ng Espiritu Santo. Sila yaong kasa-kasama ng Mahal na Ingkong at ng Sta Maria Virginia at nanatili sa kanilang pagtawag bilang mga saserdote ng Apostolic Catholic Church. Sila yaong ang kasuotan ay nagtataglay ng sagisag ng Simbahang magiging tulay ng pag-uusap at pagkakaayos ayos ng mga Simbahan. Ang sagisag na ito ay dalawang krus, krus ng Eastern Orthodox Catholicism at Western Roman Catholicism na sa gitna ay ang puting kalapati na sagisag ng Mahal na Ingkong.
At sapagkat kung mayroon mang nagmamalasakit ng lubosan sa misyon ng Mahal na Ingkong at sa pangarap ng Banal na Luklukan iyan ay walang iba kundi ang Patriyarka. Kung magkagayon sa lahat ng nauukol sa pagsamba at paglilingkod sa Mahal na Ingkong ang Patriyarka ang kanyang pangunahing saserdote.
2- Ang Papang bilang tumanggap at naging Patriyarka ng Simbahang itinatag ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Banal na Luklukan at ang kanyang mga karapatan sa simbahan at sa lahat ng gawaing pangkabanalan at sa kaparian.
Siya ay Patriyarka at bilang patriyarka na tumanggap ng biyaya ng Espiritu Santo sa pagpuputong ng kamay noong siya ay konsagrahan bilang Obispo at Patriyarka ng Simbahan ay nakamit niya ang kakayanan na maging daluyan ng biyaya ng Espiritu Santo at maipagkaloob ito sa sinomang kanyang naisin matapos ang kahandaang kinakailangan (pagsisisi at pagtanggap ng sakramento ng simbahan); na yaong kapangyarihan at biyayang yaon ang kanyang ibinabahagi sa mga nagiging saserdote ng Simbahan at idinagdag dito ang Pananampalataya sa Kaganapan ng M.Ingkong at ang Banal na Tatak.
Sa kanya nakipag-tipan ang Mahal na Ingkong sa pasimula’t pasimula at sa pamamagitan niya ay nahayag sa atin ang kaganapan ng Espiritu Santo, at sa pamamagitan rin niya ay natagpuan ng Mahal na Ingkong ang Banal na Luklukan at magkagayon nga ay minarapat tayo at tinanggap natin ang ating mga banal na tatak, at sa pamamagitan pa rin niya kung bakit tinatamasa natin sa tulong ng Mahal na Ingkong ang mga biyaya ng Diyos sa sakramento ng simbahan.
ANG TIPAN NG INGKONG SA PATRIYARKA AY NANANATILI AT MANANATILI MAGPAKAYLANMAN
Nakipagtipan ang Diyos Espiritu Santo na napatawag sa pangalang Ingkong sa batang si Juan Florentino, na sa kanya ay winikang “sa iyong lahi magmumula ang mamamayan ng Bagong Herusalem”.
Sino ang nakahawak, nakayakap, nakahalik at nakakita sa Mahal na Ingkong sa Kanyang anyo bilang Pagkabuhay na Hesukristo maliban sa mag-ina? Sino ang higit na makapagsasabi kung sino ang Ingkong, ano ang kanyang anyo at wangis maliban sa nakakita sa kanya walang iba kundi ang mag-ina? Sinong tinatakan lalo at higit ang mga nagsasabing ginagamit sila ang makapagsasabi nahawakan ko, nayakap ko, nakita ko, narinig ko, nalanghap ko, tandang tanda ko ang mukha at katawan ng Mahal na Ingkong maliban sa PAtriyarka noong siya ay katagpuin at tipanin sa Seminaryo taong 1960s.
Tapat ang Diyos alalaon baga ay ang Mahal na Ingkong , na tutuparin niya ang kanyang tipan at pagkatawag o pagkahirang sa Patriyarka at hindi siya nagbabago ng isip katulad ng mga winika ni San Pablo sa kanyang mga sulat.
Ang pakikipag-tipan ng Diyos ay hindi katulad ng pakikipagtipan ng tao “ Kung paanong ang Diyos ay tapat,..Ang Oo ngayon ay mananatiling Oo.., siya’y nananatiling Oo” (2 Cor 1:18-20);
“…na tapat ang Diyos at tinutupad niya ang mga pangako niya sa mga patriyarka…” [Roma 15:8]
“sapagkat ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.” [Roma 11:28];
“…ngunit ang mana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.” [Galacia 3:17-18]
Ang tipanan ng Espiritu Santo at ng Patriyarka ay nananatili at mabisa at may bisa magpakaylanman; sapagkat yaon ang nag-iisang simbahan na kinikilala at binasbasan ng namayapang Sta.Maria Virginia, ang iisa at tunay na Banal na Luklukan – ang Matriyarka ng Apostoliko at Katolikong Simbahan .
Ang Mahal na Ingkong ay hindi katulad ng tao at lalong walang tao na kung matagpuan na di gumagawa ng ayos ang mga karpintero sa kanyang ipinapagawang bahay ay iiwanan niya ang mga karpintero at ang ipinagagawa niyang bahay; at magpapagawa ng panibagong bahay at pagagawain ang ibang karpintero; at wawalang bahalain na ang nauna!
Hindi baga nasusulat sa Ebanghelyo na winika ng Panginoong Hesus ang tungkol sa matalinong tao na bago magpagawa ng bahay ay kailangang sukatin at tiyakin ang kanyang kakayahang maipatapos iyon sapagkat kung hindi nga ay mapagtatawanan siya ng mga tao. O dili kaya ng isang haring matalino na bago lumusob at makipagdigma ay susukatin niya ang kakayahan ng kanyang hukbo mago makidigma sapagkat kung hindi nga ay nakatitiyak ang kanyang pagkalupig at pagkawasak? Pinalalabas ng mga taong nagsihiwalay at gumawa nagtayo ng panibagong simbahan na ang Mahal na Ingkong ay isang hindi-matalinong Hari at Diyos. Na Siya ay bigo kay Sta Maria Virginia, na Siya ay bigo sa Simbahan, na Siya ay bigo sa Patriyarka, na Siya ay bigo sa mga tinatakan, na Siya ay bigo at nasira ang Kanyang pangako.
Kung paanong sa kaganapan ng Mahal na Ingkong ay siya sa Pasimula at sa Katapusan gayon din naman sa pamamagitan ng Patriyarka napasimulan ang pagganap ng Mahal na Ingkong sa Patriyarka rin naman siya magtatapos. Ang kapangyarihan at patnubay ng Mahal na Ingkong ay hindi matatapos magpakaylanman hindi na lamang natin Siya mahahawakan at maririnig na katulad ng pagkarinig natin sa kanya sa pamamagitan ng katawan ng Banal na Luklukan at ngayon nga ay nang Patriyarka Juan Florentino.
VIVA HABEMUS PATRIARCHAM!
Note: Images posted are screenshots from the movie INGKONG:Alpha at Omega.