Ave Maria Purissima!
Habang binabasa ko ang Dupont Catholic Prophecy, nagbalik sa aking ala-ala ang isang vision na aking nakita sa aking panaginip na siyang nagtulak upang ako ay magbalik sa Simbahan ng Mahal na Ingkong, ang Apostolic Catholic Church. Nasa gitnang silangan ako nang kuhanin ng Mahal na Ingkong sa ating piling ang Banal na Luklukan, at hindi malinaw sa akin ang ibang mga naging kaganapan kasunod niyon. Nang ako ay umuwi para magbakasyon, umaakyat ako sa lupang banal kasama ng mga Apo na dati kong kasama at isinalaysay nila ang ibat ibang mga salitaan na iisa lamang ang kinauuwian - ang mapoot at magdamdam, iwan ang Banal na Patriyarka at ang Simbahang ACC. Inipon ko ang mga bagay bagay na ito sa aking isip at pinagnilayan.
Sa madaling sabi, natapos ang aking may apat na buwang bakasyon ay hindi ako kailanman nakatungtong sa EDSA, at sa katotohanan kahit na noon pa man ay hindi pa din talaga ako nakakapasok sa Dambana ng Ina Poon Bato, maliban sa naunang Chapel natin noon sa may Pag-asa QC.
At sa aking pagbabalik sa Gitnang Silangan, matapos ang aking bakasyon, dala ko pa din sa aking isip at puso ang isang malalim na pagninilay sa kung ano ang mga kaganapang ito.
Naligaw ako sa website na www.acc-ingkong.com at doon ay sinubok kong makisali sa mga usapan. Doon ay tinatalakay, minsan ay nagkakainitann, ang tungkol sa kaganapan sa lupang banal at ang kaganapan sa EDSA. Tinatawag na Hator ang nasa lupang banal na nagsipagtayo ng sariling simbahan, na doon nga ay kasa kasama ako. At mayroon doon na nagbahagi na para malaman kung ano ang katotohanan sa gitna ng mga salitaan at kagulohan ay bakit hindi lumuhod at magnilay sa alas-dose ng gabi katulad ng winiwika ng Mahal na Ingkong sa pamamagitan ng Mama.
Gayon nga ang aking ginawa. Habang nag-iisa ako sa aking silid at wala pa ang aking mga kasama, nagsindi ako ng kandila at nagpasimulang magnilay at aking hiniling sa Mahal na Ingkong na ipadama nya sa akin ang aking banal na tatak, gayon din ay akin siyang madama. Nadama ko ang aking banal na tatak subalit hindi ko maalala ng lubos kung nadama ko ba ang Mahal na Ingkong- subalit naging panatag ang aking isip ng gabing iyon.
Kasunod niyon, nagpasalamat na ako at pinatay ko ang kandila at bago ako mahiga ay aking hiniling sa Mahal na Ingkong at kay San Almiro na bigyan akong liwanag sa aking katanungan tungkol sa kaganapan ng Patriyarka. Natulog na ako at doon sa panaginip, buhay na buhay kong nakita at nadama, na tila baga ako ay hindi naman natutulog. At dahil batid kong isang panaginip ay sinamantala kong matandaan ang lahat ng aking mapagmamasdan at makikita doon. Ako ay naglalakad at nakita ko ang maraming hanay ng mga lalaki na nakabihis ng pari, at aking naunawa na silang lahat nga ay pari, iba iba ang kulay ng kanilang mga balat may puti, may mamula mula, may maitim, may kayumanggi, may madilaw, may singkit ang mata, may bilog, may asul ang itim ng mata, at ibat iba pa, may matangkad, may maliit, may kulot ang buhok na kinki na parang sa mga aeta, may ginto ang buhok, may mamula-mula; naringgan ko silang nagsasalita sa kani-kanilang mga lengwahe. Napakarami nila, hindi ko mabilang, lumalakad ako sa pagitan ng hanay samantalang tinitingnan ko sila at tinatandaan ko ang aking nakikita para madala ko sa aking paggising.
Lahat sila ay nakapalibot sa isang lalaki na nasa gitna ng hanay, nakita ko ang Patriyarka ng Simbahan, ang Papang, nakabihis ng Pula, at may kapang pula. Nakatingin lamang siya sa akin, at winika niya 'anak, kailan ka magbibihis katulad nila?'. At doon ay nagising ako at pinagnilayan ko ang kahulugan niyon.
Sa kinasunurang pagkakataon, ibang araw o gabi, gayon ulit ang pangyayari. Nasa tabing kalsada, nakahinto na tila may hinihintay, walang ano ano ay may nagdaan at lumingon sa akin ang Mahal na Ingkong sa mukha ng Panginoon Hesus sinabi niya "ANAK" at nagpalit ng mukha ng Banal na Luklukan, ang Mama Sta. Virginia at sinabi niya,"SUMUNOD KA" at sa kahuli-hulihang pagkakataon ay naging mukha ng Papang at nagsalita siya ng "SA AKIN". Pagkatapos niyon ay lumakad siya at sinundan ng iba pang kalalakihan na katulad niya ay nakabihis ng pula at may kapang pula. Doon sa pangyayaring iyon ay nagising ang aking isip sa kung anong hiwaga ang nakabalot sa kaganapan ng Patriarka - SUMASAKANYA ANG MAHAL NA INGKONG AT ANG MAMA STA MARIA VIRGINIA. Totoo naman talaga sapagkat, SIYA ay KATIPAN ng MAHAL NA INGKONG, ikalawa Siya ay dugo at laman ng Banal na Luklukan.
Ang mga pangitain na ito ay aking naisalaysay (Dec 2008)na din sa butihing Arsobispo Quiel ng America at dating Obispo Juan de Bourbo.
At matapos niyon, nagbago ang aking pananaw, tinimbang kong muli ang lahat ng mga katuwiran, dumalangin ako sa Mahal na Ingkong at humingi ng tawad sa aking mga nagawa, at hiniling kong pagkalooban ako ng mga tao na makakatulong sa akin upang makapagbayad-puri ako sa aking paglayo sa Kanyang Simbahan. Banal at mabuti ang Mahal na Ingkong, ipinagkaloob niya na sa hindi inaasahang pagkakataon ay makatagpo ko sa Internet ang mga taong makapagbibigay ng higit na impormasyon sa mga kaganapan sa bansang Pilipinas.
Ave Maria Purissima, mga minamahal kong mga kapatid na tinatakan ng Mahal na Ingkong, sa pamamagitan man ng Banal na Luklukan o ng Banal na Patriyarka, ang magaganap ay nakatakdang maganap, ang mga salita at mensahe ng Mahal na Ingkong ay magkakaroon ng katuparan. Itinakda na ang ating Simbahan, ang Apostolic CAtholic Church ay lalaganap sa buong mundo sa lahat wika, lahi, at bansa - at iyon nga ay nagaganap na at patuloy pang magaganap. Hindi maglalaon, ang maraming tao na buhat pa sa malayong parte ng daigdig ay magpupuntahan sa Bansang Pilipinas, sa Lupang Banal, upang magdala ng kanilang mga kayamanan bilang regalo at pasasalamat, iyan din ang winiwika ng Santong Kasulatan. Magiging tampok sa maraming pook at lahi ang kaganapan ng Diyos Espiritu Santo. Kung kaya nga, bawat tinatakan, lalo at higit ang mga kaparian ay maghasa ng kakayahan na humarap sa maraming uri ng tao at makapag pahayag ng mga katotohanan at mensahe ng Mahal na Ingkong.
Aleluia Aleluia Aleluia