Friday, June 6, 2008

ANG DIYOS ESPIRITU SANTO: ANG MAHAL NA INGKONG

Ang magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya makakaalis doon magpakailanman. Iuukit ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Herusalem na bababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Iuukit ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan. Kung may pandinig kayo, dinggin ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Apocalipsis 3:12


Pagsusuri sa talata sa itaas

Ang 1 magtatagumpay ay gagawin kong isang 2 haligi sa templo ng aking Diyos at hindi na siya makakaalis doon magpakailanman. aIuukit ko sa kanya ang 3 pangalan ng aking Diyos, at ang 4 pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang 5 Bagong Herusalem na bababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. aIuukit ko rin sa kanya 6 ang aking bagong pangalan. Kung may pandinig kayo,dinggin ninyo ang sinasabi ng 7 Espiritu sa mga iglesya.

1 Magtatagumpay
2 Haligi sa templo ng aking Diyos
3 Pangalan ng Aking Diyos
4 Pangalan ng Lunsod ng aking Diyos; at
5 Ang Bagong Herusalem
6 Ang Aking bagong pangalan
7 Espiritu Santo
a Iuukit

1ANG MAGTATAGUMPAY
ang salitang magtatagumpay ay yaong mga “nanatiling tapat hanggang sa wakas” (Mateo 24:13; Marcos 13:13); alalaon baga ay yaong mga maliligtas. Sila yaong mga tinubos ng dugo ng kordero buhat sa pagkakasala. Mga pinagkalooban ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga karapatan at kapangyarihan at ng pangalan ng Panginoong Hesukristo. Sila yaong mga nagsitanggap ng bautismo ni San Juan Bautista bilang tanda ng pagsisisi, mga nagsipatag ng baku-bako at liko-likong daan. Mga nagsipag-hugas sa pamamagitan ng dugo ng kordero. Ang mga nakipagkasundo sa Diyos, mga nakipagliwanagan sa Diyos at mga nagsilapit sa kanya. Sila ang mga nagsitalikod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan.

2SILA AY MAGIGING MGA HALIGI SA TEMPLO NG AKING DIYOS.
Ang katagang haligi ay nangangahulugan na sila ang magiging mga patibayang bumubuhat sa templo ng Diyos. ang tao o kalipunan ng tao, alalaon baga ay ang simbahan. Ang mga magsisipagtagumpay ay magiging mga patibayan o haligi ng simbahan ng Diyos. “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos.” (I Cor 3:16; 6:19) At ang winiwika rito ay ang Templo ng Diyos, alalaon baga ay ang katawan ng Diyos na dili iba kundi ang Katawang Mistiko ng Diyos at ng ating Panginooong Hesukristo- ang Santa Iglesya Apostolika at Katolika.

Sa madaling sabi, ang magtatagumpay ay gagawing mga haligi at patibayan na siyang pangunahing magdadala at magtataguyod ng kanyang simbahan, simbahan ng Espiritu Santo na kaisa at hindi hiwalay sa simbahang itinatag ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng mga apostoles. Mga magsisipag patotoo at mga sasaksi sa mga kaganapan ng Espiritu Santo.

3ANG PANGALAN NG AKING DIYOS,
ayon sa inihayag ng Panginoong Hesukristo ay dili iba kundi ang sa Pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo na ang sagisag ay dili iba kundi ang tanda ng Santa Krus.

4PANGALAN NG LUNSOD NG AKING DIYOS ANG BAGONG HERUSALEM NA BABABA MULA SA LANGIT, BUHAT SA AKING DIYOS.

Ang salitang “lunsod” ay tumutukoy sa dalawang magka-iba ngunit magkaugnay na kahulugan. Ang una ay ang pagtukoy sa isang lunan o dako at ang ikalawa ay ang pagtukoy sa kalipunan ng tao. Ang mga tao ay nagtitipon at nagkakatipon para sa magkakatulad na paniniwala, hangarin, layunin, pangarap at mithiin. Sa katotohanan ang isang dako o lunan ay nakikilala sa kung ano at sino ang mga nananahan doon.

Ang Herusalem na makalangit ay ang kalipunan ng mga banal na espiritu katulad ng nasasaad sa santong kasulatan at sila yaong ipapanaog ng Espiritu Santo “ Ang nilapitan ninyo’y ang bundok ng Sion at ang lunsod ng Diyos na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Jesus ang tagapamagitan ng bagong tipan at sa dugong nabubo na ang isinisigaw ay kaiba sa isinisigaw ng dugo ni Abel.” (Hebreo12:22-24)

Alalaon baga, ang makalangit na Herusalem ay papanaog o bababa at sa katotohanan nga ay ipananaog at isinanib at patuloy na isinasanib ng Espiritu Santo o ng Mahal na INGKONG sa mga hinihirang niya (sa kasalukuyan ay sa pamamagitan ng Patriyarka). Ang pagpanaog ng makalangit na Herusalem ay ang katuparan ng lihim na panukala ng Diyos na ganito nga ang pagkasabi ng kasulatan “ Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Cristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.”( Efeso 1:8-10)

At ang pagsasanib na ito ay ang pagbubuhos ng espiritu sa mga tao upang matupad ang inihula ni Propeta Joel na sa huling panahon ay “ ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao..” (Joel 2:28) Tinutukoy na sa lahat ng tao sapagkat maging mga hindi-israelita o hudyo ay makatatanggap nito; ang dating hindi niya bayan ay aariin niyang kanyang bayan; at yaong mga magsisitanggap ng espiritu ay yaong mga sumampalataya sa Panginoong Hesukristo na ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay at ngayon ay nakaluklok sa kanan at naghaharing kasama ng Ama sa kalangitan.

Ang mga tinatakan ang Bagong Herusalem
Nang ang Herusalem na makalangit ay maipanaog at maisanib ng Mahal na INGKONG sa mga hinirang, sila ngayon ang bumubuo sa Bagong Herusalem - ang pagsasama at pag-iisa ng mga taga langit at taga lupa. At yaon ngang pag-iisang iyan ay naging ganap at buo sa loob ng Simbahan. Alalaon baga ay ipinakakahulugan na ang Simbahan na kalipunan ng mga mananampalataya sa Diyos Espiritu Santo ang tinutukoy na Bagong Herusalem na kung saan ipinagkaisa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ang mga taga langit sa ating mga nabubuhay pa sa lupa. At ang simbahan ngang yaon ay walang iba kundi ang Apostoliko at Katolikong Simbahan (Apostolic Catholic Church).

Ang Simbahan ang katuparan ng pangako kay Juan Florentino
Ang Apostoliko at Katolikong Simbahan ay ang katuparan ng pangako ng Mahal na Ingkong sa kay Juan Florentino na “sa kanyang lahi magmumula ang mamamayan ng Bagong Herusalem” at dahil sa siya at sa kanya pagmumulain ng Espiritu Santo ang lahing nabanggit, makatuwiran at angkop lamang na siya ay tawaging Patriyarka o ama. Yaon din ang winika ni Apostol Pablo sa mga taga Corinto “ Sapagkat maging 10,000 man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo’y naging anak ko sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo.” (1 Cor 4:15) Alalaon baga, si Juan Florentino ang ating ama sa ating pananampalataya sa Mahal na Ingkong. Siya ang makatuwiran at angkop at kilalaning Ama o Patriyarka ng Bagong Herusalem – walang iba kundi ang Simbahan ng Espiritu Santo, ang Apostoliko at Katolikong Simbahan.

Ang Simbahan na tinatawag ding Iglesya ang siyang magpapakilala ng walang hanggang karunungan ng Diyos sapagkat gayon nga ang isinasaad ng banal na kasulatan “matutupad ang matagal nang panahong inilihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay upang sa pamamagitan ng Iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahayag sa iba’t-ibang paraan. Alinsunod ito sa walang hanggang panukala na isinakatuparan niya kay Cristo Jesus na ating Panginoon.” ( Efeso 3:..9-10)

Alalaon baga, sa pamamagitan ng Simbahan ng Espiritu Santo sa pangunguna ng Patriyarka ay ipakikilala sa mga pinuno at mga maykapangyarihan ang walang hanggang karunungan ng Diyos.

Sacrifice Valley, lunsod ng Diyos Espiritu Santo
Ang Sacrifice Valley ang bagong bayan o lunsod ng Diyos, ng ikatlong persona ng iisang Diyos- ang Mahal na INGKONG.

At magmula sa kabundukan ng Bataan, sa isang maliit na barangay ng Bundok ng Sakripisyo (Sacrifice Valley), bayan ng Hermosa ay nabanaag at sumilang ang liwanag at kaningningan ng Espiritu Santo, ang Mahal na INGKONG. Na kung uuriin ang buong lunan (address) ay ganito nga Barangay Sacrifice Valley, Hermosa, Bataan. Na ang katagang Barangay ay buhat sa salitang ninuno na ang kahulugan ay Balangay o Bangka; samantalang ang Sacrifice Valley naman ay Bundok ng Sakripisyo; ang kahulugan ng Hermosa ay “Maganda, Mayumi o Marilag”, ito ay katagang Espanol; ang salitang Bataan naman ay nangangahulugan ng “Alipin, alila o manggagawa”.


Kung paanong sa lumang panahon na sa bansang Israel ay hinirang ni Yahweh ang lipi ni Levi alalaon baga ay ang mga Levita upang maging hirang na mga saserdoteng maglilingkod sa templo at dalanginan (tagapag ingat ng kaban ng tipan at ng kautusan) gayon din naman ay itinatag ng Espiritu Santo at patuloy niyang pinatatatag ang kanyang mga saserdoteng maglilingkod sa kanyang templo at dalanginan, alalaon baga sa Simbahan niyang itinatag, ang Apostoliko at Katolikong Simbahan (ACC); at dito nga ay hinirang Niya ang kanyang katipan (ang Patriyarka Juan Florentino) bilang maging ama o patriyarka. Sapagkat nasusulat, iisa ang katawan at maraming bahagi, at sa katawan ay may iisa lamang na ulo. Ang Panginoong Hesukristo ang ulo ng simbahan. Ang patriyarka ang ama ng simbahan at ang Mahal na INGKONG ang kaluluwa at ang isip.

Sa Bagong Herusalem ay naninirahan ang mga hinirang, kapiling ang Diyos gayon din ang mga itinalagang saserdote.

5,6 Nananawagan si Apostol Juan na ang iglesya ay makinig sa sinasabi ng Espiritu, WINIWIKA NG ESPIRITU NA KANYANG IUUKIT ANG KANYANG BAGONG PANGALAN sa mga magtatagumpay.

Ako ang Simula at ang Wakas
Ang Espiritu na nagsasalita ay yaong nagwika kay Juan nang mga katagang “Huwag kang matakot, Ako ang Simula at ang Wakas, at ang Nabubuhay! Namatay ako ngunit masdan mo, ako’y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay.” (Apocalipsis 1:12-16,17)

Ang Panginoong Hesukristo ang ipinako sa krus sa bundok ng kalbaryo, siya ay namatay (biyernes) at ayon sa kanyang sinabi siya ay muling mabubuhay sa ikatlong araw, alalaon baga ay sa araw ng linggo (ang unang araw ng isang linggo). Tunay nang siya ay Namatay, ngunit ngayon siya ay buhay magpakailanman sa piling ng Ama sa langit, doon nga sa kanyang kanan. Ipinagkaloob na sa kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (Mateo 28:18) Siya na sa pasimula ay kapiling ng Ama nang pasimulang likhain ang lahat sa pamamagitan niya at sa kanya (Colosas 1:15-16), na kung saan ay ipinahayag niya na bago si Abraham ay ako na nga, at siya ay si Ako nga si Ako nga (Juan 8:56-58) na ang nakakita sa Anak ay nakakita rin sa Ama, sapagkat ang Ama at ang Panginoong Hesukristo ay iisa (Juan 14:8-11). Kung kaya nga mula sa pasimula hanggang sa wakas, ang Panginoong Hesukristo ay nabubuhay at Siya ay buhay magpakailanman.

Ang Espiritung nangungusap kay Juan ay ang Espiritu ng Diyos ang Espiritu ng Panginoong Hesukristo at ang Espiritu na iyon ay ang paririto at gaganap ng pag-uukit o pagtatatak ng pangalan ng Diyos, ng bagong Herusalem at ng kanyang bagong pangalan.

Pagdating at Paghahayag ng Pangalan ng Espiritu Santo
Sa pagdating ng Espiritu Santo ay hindi siya mapakikilala sa pangalan at bilang ang Panginoong Hesukristo sapagkat ang pagtubos sa kasalanan ay naganap na doon sa krus ng kalbaryo at hindi na muling ipapako ang Panginoon Hesus “Minsan lamang pumasok si Cristo sa dakong kabanal banalan at iyo’y sapat na.” (Hebreo 9:11-12,14) alalaon baga ang pagdating ng Espiritu Santo ay hindi upang tubusin ang tao sa kasalanan kundi upang sila ay turuan, paalalahanan, akayin sa buong katotohanan, patnubayan at pabanalin (Juan 14:26; Juan 16:8,13,14) kung matapos ang kaganapan ng Espiritu Santo ay ang ikalawa na ngang pagdating ng Panginoong Hesus, hindi na bilang tagapagligtas at hindi na muli upang ipako sa krus kundi isang nakakakilabot at makapangyarihang hukom ng mga patay at buhay. (Apocalipsis 1:12-16,17)

Dumating nga ang panahon at inihayag ang bagong pangalan ng Espiritu Santo na siya rin mismo ang naghayag sa atin, bago sapagkat kilala lamang natin ang Espiritu Santo bilang hininga ng buhay, Espiritu ng Diyos (Genesis 41:38), Espiritu ni Yahweh, at Espiritu ni Jesus (Gawa 16:..7); tinutukoy rin ni Apostol Pablo na ang Panginoon na nagniningning sa kapanahunan ni Moises ay ang Espiritu, alalaon baga ang Espiritu ay Panginoon (2 Corinto 3: 14-16,17).

Ang pakikipagtipan ng Espiritu Santo kay Juan Florentino
Napakita at napakilala ang Espiritu Santo na napatawag sa pangalang INGKONG sa noon’y seminaristang si Juan Florentino Teruel. At ganito nga ang pangyayari :

Isang umaga papasikat pa lamang ang araw, samantalang nakaharap sa silanganan at nananalangin si Juan ay may lumapit sa kanyang isang matandang pulubi mula sa kung saan na nakatungkod ng lumang kahoy na mahaba, ang kanyang mahabang pinong balbas at kilay ay halos puti nang lahat, ang kanyang dalawang kamay na nakahawak sa tungkod ay magkapatong, ang kaliwang pisngi ng mukha ay nakadikit sa tungkod at ang baba ay nakasapo sa ibabaw ng kanyang kanang kamay; ang matandang pulubi ay nagwika kay Juan “Anak maaari mo ba kong tulungan?”, inilagay ng Diyos sa labi ni Juan ang mga katagang “ Kung ang ipagbabago at ikaliligtas ng maraming tao ang hinihingi ninyo,, gawin nyo po sa akin ang kalooban ninyo!”

At nang magkagayon nga ay nagbagong anyo ang nasabing matandang pulubi, nagliliwanag ng tulad ng araw sa katanghaliang tapat sa kasuotang puting puti at ang mga paa ay hindi na nakatungtong sa lupa na may taas na tatlong talampakan, napaluhod at tumangis si Juan, napayakap siya sa binti ng matandang pulubi at sa pagkakayuko ay nakita niya ang sugat sa ibabaw ng mga paa nito; winika ng matandang pulubi “tingnan mo ako anak” at magkagayon nga ay itinaas ni Juan ang kanyang mukha at minasdan ang mukha ng matandang pulubi at yaon ay nakilala niya na mukha ng Panginoong Hesukristo, ipinakita sa kanya ng matanda at pinahawakan din sa kanya ang mga palad nito na may sariwa pang sugat na animo’y butas at sanhi ng pako kung kaya winika niya “Panginoon ko at Diyos ko”; sa sandaling iyon ay napakilala na ang nasabing matandang pulubi na ang wika “ Mapalad ka anak sapagkat umabot ka sa huling patak ng aking dugo sa kalbaryo, sa iyong lahi magmumula ang mamamayan ng Bagong Herusalem. Ako ang Espiritu Santo at tatawagin mo ako at nang lahing magmumula sa iyo sa pangalang INGKONG, ang Alpha at Omega.” Ang bawat salita ng matandang pulubi ay nanunuot sa kaloob-looban ni Juan na hindi niya malimut-limot ang walang katulad na galak at pananampalataya. Naglaho sa liwanag na nagmumula rin sa kanya ang matandang pulubi at naiwang nag-iisang nakaluhod at umiiyak si Juan sa dakong iyon.

At magmula noon ay may mga palatandaan nang nagaganap sa kanya at ang ilan sa mga ito ay ang pagpapagaling sa maysakit, karunungan, ang maging sa dalawang dako o bilocation, ang mag-bagong anyo sa harap ng mga kaaway.

Ang pangalang INGKONG sa kaugalian ng lupang hinirang
Ang pangalang INGKONG ay katawagang tagalog o filipino sa pinakamatandang lalaki o ninunong lalaki sa angkan ng pamilyang filipino katulad ng impo naman sa pinakamatandang babae o ninunong babae, tinatawag ding INGKONG ang isang matandang ermitanyo, gayon din ang taguri sa matandang pulubing namamalimos. INGKONG sapagkat filipino o tagalog ang wika ng lupang hinirang ng Diyos ang mamahaling perlas na kanyang natagpuan sa silangan, sa pulo pulo sa baybayin ng karagatan.

Ang INGKONG ang Diyos ng ating mga ninuno
Ipinagkaloob sa atin ang kabatiran na sa Iisang Diyos na hindi nakikita ay may tatlong pagka-persona yaon nga ay ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. Nabatid natin ang pangalan ng Ama bilang si Yahweh, Diyos ni Abraham Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob, gayon din ang pangalang Ako ay si Ako Nga; ang pangalan ng Anak ay ating nabatid bilang ang Panginoong Hesus ang Kristo, Emmanuel, ang Tagapagligtas, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang Espiritu Santo bilang ikatlong persona ng iisang Diyos ay may pangalan din, at siya nga ay napakilala bilang matandang ermitanyo at pulubi, Mahal na INGKONG. Katotohanan na ang Diyos ang ating INGKONG sa ating mga ninuno. Ang Diyos na tinatawag ng mga Patriyarka ay walang iba kundi ang Diyos na lumikha ng langit at ng lupa, nang lahat ng nakikita at hindi nakikita. Ang Diyos at pinagmulan ni Eba at Adan, siya ng ang ating Mahal na INGKONG. Siya ang nasa simula, ang nagpasimula at pinagmulan, siya rin bilang Espiritu Santo ang sa huli at sa katapusan; ang Simula at ang Katapusan- Alpha at Omega, ang Aleph Min at Nun o AMEN; ang Adonai Melekh Namen.

INGKONG sapagkat siya ang Diyos ng ating mga ninuno (Gawa 24:14); Diyos na napatawag sa pangalang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob (Exodo 3:16) , napakilala bilang Ako ay si Ako Nga (Exodo 3:14-15). Ang Abba o “ama namin “ na tinatawag ng Panginoong Hesukristo (Mateo 6:9) Siya ang tinutukoy ni Apostol Pablo na Mang-aaliw “ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang makatulong naman tayo sa mga namimighati sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya.” (2 Corinto 1:3-4) Mang-aaliw, Paraklito o Patnubay, ang ilan sa mga taguri sa Espiritu Santo na isusugo ng Panginoong Hesukristo mula sa Ama “Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Ito’y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matatanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya sapagkat siya’y sumasainyo at nananahan sa inyo” (Juan 14:15-17) “ Ngunit dapat ninyong malaman ang katotohanan: ang pag-alis ko’y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paririto sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit kung umalis ako, susuguin ko siya sa inyo.” (Juan 16: 7).

INGKONG sapagkat sa angkan ng Diyos, tayo ay mayroon lamang iisang pinagmulan at manlilikha at yaon nga ay dili iba kundi ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Hesus. Siya ang Diyos ng ating mga ninuno, ang Diyos at Ama ni Adan at ni Eba, nga mga Patriyarka (Abraham, Isaac at Jacob) ng labindalawang lipi ni Israel, ng mga propeta, mga hukom, mga hari (Saul, David, Solomon atbp) ng magulang ng Mahal na Birhen Maria (Joaquin at Ana) ng mga saserdoteng Levita at Hudyo, Ama at Diyos ng mga apostoles at gayon din naman ay Ama at Diyos nating lahat na sumasa Panginoong Hesus; ang ating Mahal na INGKONG, kanuno-nunuan, ang pinagmulan, ang pinakamatanda at una sa lahat. Na ang kaluwalhatian ay ipinamalas kay Propeta Daniel “ Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono (luklukan). Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono (luklukan) niya ay nagniningning…” (Daniel 7:9)


Ang Mahal na INGKONG ay sumasa Anak, at ang Anak ay sumasa Ama. Iisang Diyos tatlo sa pagkapersona.
Kung ang Panginoong Hesukristo ay sumasa-Ama at ang Ama ay sumasa-Anak (alalaon baga ay sa Panginoong Hesukristo) gayon din naman ang Espiritu Santo, ang Mahal na INGKONG ay sumasa Ama at sa Anak “Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako, sapagkat sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinasabing sa akin magmumula ang ipahahayag niya sa inyo.” (Juan 16:13-15)

At dahil sa siya ay sumasa Ama at sa Anak, ipapaala-ala niya sa tao ang mga kautusan at lahat ng mga kalugod lugod sa Ama at sa Anak. Hindi siya magsasalita ng sa ganang kanyang sarili, pararangalan niya ang Anak (Juan 16:14) katulad rin naman na ang Ama ay napararangalan sa Anak. (Juan 14:13)


Ang Mahal na Ingkong ay ang Espiritung nagpahayag sa mga propeta
Sinasabi sa Credo Niceno “ Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo, Panginoon at nagbibigay buhay. Na nanggaling sa Ama, na sinasamba at niluluwalhating kasama ng Ama at ng Anak. Nagsalita siya sa pamamagitan ng mga propeta”


ANG PAGTATATAK O PAG-UKIT AY ANG PAGLALAGAY NG TANDA
Sa talata sa itaas ay nasasaad na sa pagdating ng panahon ang Espiritu Santo ay magtatatak o magtatanda na inilalarawan ng katagang “iuukit”. At ang kanyang iuukit o itatatak ay ang mga sumusunod:

1. Ang Pangalan ng Aking Diyos
2. Ang Pangalan ng Lunsod ng Aking Diyos, ang Bagong Herusalem
3. Ang Bagong Pangalan ng Diyos, alalaon baga ay nang Espiritu Santo.

Isusulat nga ang pangalan ng Diyos, ng Lunsod ng Diyos at ang bagong pangalan ng Espiritu Santo “hindi sa tapyas ng bato kundi sa puso ng tao at hindi ng tinta kundi ng Espiritu ng Diyos” (2 Cor 3:3) matapos na ang mga hihirangin ay mawisikan ng tubig na dalisay na siyang maglilinis sa mga mantsa at dumi ng kaluluwa na siya ngang nasusulat sa Propeta Ezekiel “Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo ay luminis.” (Ezekiel 36:25) at magkagayon nga ang ang mga hihirangin ay bibigyan niya ng bagong puso at bagong espiritu at ang pusong masuwayin ay gagawin niyang isang pusong masunurin (Ezekiel 36:26) bilang katuparan ng winika ng Panginoong Hesus na “ maliban na ang tao’y ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng Diyos. Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo “Lahat ay kailangang ipanganak na muli”’ (Juan 3:1-8) at ang kaharian at paghahari ng Diyos “ay nagsisimula sa puso ng mga nananalig sa kanya” (Lucas 17:21) alalaon baga ay sa puso maghahari ang Diyos at yaon nga ang dahilan kung bakit kailangang isilang na muli at magkaroon ng bagong puso at bagong espiritu ang isang mananampalataya sa Panginoong Hesukristo. At katulad ng sinasabi ng kasulatan, ang Panginoong Diyos rin mismo ang magwiwisik ng tubig na dalisay, siya mismo ang maglilinis at siya rin ang magbibigay ng bagong puso at bagong espiritu; at magkagayon nga sila ay magiging bayan niya at ang Siya ang magiging Diyos nila (Ezekiel 36:..28)

Ang paglalagay ng Tanda
Ang paglalagay ng tanda ay nauna nang iniutos ni Yahweh sa pamamamagitan ni Moises, at dugo ng kordero ang ginamit na pansulat sa hamba at sombrero ng pintuan ng bawat bahay ng mga israelita na noon ay nasa pagkaalipin sa Ehipto ganito nga ang nasa kasaysayan “Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan… Kukuha sila ng dugo ng nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero…. Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Ehipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. Parurusahan ko ang lahat ng diyus diyosan ng sa Ehipto. Ako si Yahweh. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Ehipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon.” (Exodo 12:5-7; 12-13)

Ang lalaking nakadamit na kayong lino
Ipinakita rin kay Propeta Ezekiel ang magaganap sa takdang panahon “ Sumigaw si Yahweh “ Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata. Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso. Noon ang kaningningan ni Yahweh ay lumagay sa itaas ng kerubin sa may pagpasok sa templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng kayong lino at may panulat sa baywang. Sinabi niya rito “Libutin mo ang lunsod ng Herusalem at lagyan mo ng tanda ng krus sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam suklam na ginawa roon. Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda ng krus sa noo…” (Ezekiel 9:1-11)


Ang anghel sa silangan
Ipinakita rin kay Ebanghelista San Juan ang ganito “ at nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buhay. Humiyaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos na kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy. ‘Hintayin ninyong matatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos’ “(Apocalipsis 7:2-3)

Sa banal na kasulatan ang kaningningan at kapangyarihan ng Diyos ay palagi nang ginaganap ng kanyang anghel o mga anghel (kerubin) katulad ng ipinahayag ni Propeta Ezekiel “noon ang kaningningan ni Yahweh ay lumagay sa itaas ng kerubin” (Ezekiel 9:1)

Ang Dugo ng Panginoong Hesukristo ang Ipinapahid ng Mahal na INGKONG
Sa pakikipagtipan ng Mahal na INGKONG sa kay Juan Florentino ay winika niya “ mapalad ka anak, sapagkat umabot ka sa huling patak ng aking dugo sa kalbaryo!” at ipinahayag ng Mahal na INGKONG sa kanyang mga mensahe na yaong huling patak ng dugo na iyon buhat sa kalbaryo ay ang siya niyang ipinanunulat o ipinantatanda sa noo at sa kaluluwa ng kanyang mga hinirang. Alalaon baga, higit na mabisa kaysa sa dugo ng tupa o kambing sapagkat mismong ang dugo ng ating Panginoong Hesukristo ang ipinapahid sa atin ng Mahal na INGKONG.

At dahil nga sa iniukit Niya (ng Mahal na INGKONG) sa puso at sa kaluluwa; alalaon baga ay sa buhay ng bawat nagsipagtagumpay ang bago niyang pangalan ito ay nangangahulugan na yaong mga nagsitanggap ay tuwi tuwinang tatawag sa kanya at mananalangin.

Ang Bansang Pilipinas sa katuparan ng propesiya
Inilagay ng Espiritu Santo sa puso at isip ng ating mga ninunong pilipino ang naging titik at kaluluwa ng ating pambansang awit :

“ Bayang magiliw, perlas ng silanganan, alab ng puso sa dibdib mo’y buhay… Lupang hinirang, duyan ka ng magiting.”.. Lupang Hinirang:Pambansang Awit ng Pilipinas

Ayon sa nakita ni Ebanghelista San Juan, ang anghel na may taglay na pantatak ng Diyos ay “umaakyat sa gawing silangan” (Apocalipsis 7:2-3) .

Yaon din nga ang inihula ni Propeta Isaias “Dadakilain din siya sa silanganan, pupurihin sa baybay dagat ang kanyang pangalan, ang pangalan ng Diyos ng Israel.” Isaias 24:15

Ang bansang Pilipinas ang bukod tanging bansa sa dulong silangan o sa silanganan na nakalalamang o nakahihigit ang mga mananampalatayang kristiyano (pananampalataya sa Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, Diyos ni Jacob; mga mananampalataya sa Panginoong Hesukristo) at ang hulang ito ay para sa mga kristiyanong mananampalataya.

Hindi din ito tumutukoy sa mga kapatid na muslim, na buhat sa lipi ni Patriyarka Ismael, anak ni Patriyarka Abraham sa aliping babae ni Sarah na si Agar. Winiwika sa kasulatan na kay Isaac matutupad ang pangako ng Diyos at hindi sa anak ng alipin. “kay Isaac magmumula ang lahing sinasabi ko sa iyo.” (Genesis 21:9-13)

Hindi rin ang mga kanugnog na bansang katulad ng Tsina sapagkat nakararami dito ay hindi mga kristiyano, anupa’t nababahagi sa komunista at ateista o paniniwalang walang Diyos, sa Budismo o sa turo at aral ni Gautama Buddha, ni Confusius. Hindi rin ang bansang Hapon sapagkat ito ay mga tagasunod ng aral ng Shinto.

Paningit na Kaalaman
Bagaman, ayon sa kasaysayan ng sinaunang kristiyanisasyon ng dulong silangan 'far east, orient' ay nakarating sa kanilang mauna higit sa bansang Maharlika [sinaunang pangalan ng ating bansa bago pa man sakupin ng kastila] nang mga unang isandaang taon (100 A.D.). Ang mga isla ng Maharlika ay nasasakop ng isang imperyo na kung tawagin ay Sri Vishaya at may mga taga india sa ating bansa. Taon 51.A.D. ay nakarating at nangaral si Apostol Tomas sa Malabar India na ngayon ay tinatawag na Kerala, Taon 64AD naman ay ang bansang Tsina, taon 70 AD ang bansang Hapon. Ang pinakamalapit na ugnayang lupa o land bridge o kanugnog na isla ng Maharlika sa bansang Tsina at Hapon ay ang gawi ng Norte, ang Cagayan Valley. Nagbibigay ito ng isang palagay [hypothesis] na kung sasaliksikin ang kasaysayan ng nasabing probinsya ay matutuklasan ang sinaunang pagpapalaganap dito ng pananampalataya, na siyang magbibigay ng liwanag sa kung paanong kaparaanan napasa kamay ng mga kapatid nating katutubong aeta ang sinaunang tanda ng pagkahirang sa ating bansa ng Mahal na Birhen at ng Mahal na INGKONG - ANG INA POON BATO. At ang nasabing mga misyon ay nasundan ng iba pang mga misyonero na Orthodox, Nestorian Orthodox. (Tatalakayin din natin ito sa ibang pahina ng blog na ito.)

Ang kaganapan ng Mahal na INGKONG ay hindi kailanman matatagpuan sa kahit na anong sekta o relihiyong kristiyano at hindi kristiyano sa bansang Pilipinas o maging sa buong mundo. Katulad ng winiwika niya “Libutin man ninyo ang buong sanlibutan hindi ninyo matatagpuan ang ganitong kaganapan, kaya nga mapalad kayo mamamayan ng bansang Pilipinas..” Mensahe ng Mahal na INGKONG.

Bansang Maharlika
Tunay nga na ang Bansang Pilipinas ang Lupang hinirang, ang Perlas ng Silanganan, tinatawag ng Mahal na INGKONG bilang bansang Maharlika na kanyang winika Maharlika sapagkat “Mahal ng Lumikha“, ayon pa sa kanya ay yaon nga ang tunay at tumpak na pangalan ng ating bansa, Maharlika at hindi Pilipinas, sapagkat ang pangalang Pilipinas ay mula sa pangalan ng Haring Felipe ng Espana, tanda ng pagka-alipin at pagiging nasasakupan at kolonya ng Espana. Subalit nga tayo ay lumaya na at maaari na nating ibihis ang sinauna at tunay nating katayuan, bayan ng Maharlika, Lupang hinirang at Perlas ng Silanganan.

Efipanio De Los Santos (EDSA)
Ang salitang Epifanio de los Santos ay salitang Espana o kastila na nangangahulugan nang “Pagpapakita ng mga Banal”. Sa kasalukuyan nga ang pagkakaroon ng bahay dalanginan at ganapan sa lunsod ng Maynila sa daan o lansangan na kung tawagin ay EDSA ay isang lihim na karunungan ng Mahal na INGKONG na ibig niyang ipaunawa sa ating mga hinirang. Ang EDSA ang naging saksi at daan sa mga pagbangon ng maralita at pagsasama sama ng tinig ng mga hindi marinig na mahihirap, daing at panaghoy ng mga balo, mga ulila, mga inapi sa lipunan, mga hinagpis at pangungulila ng mga inang nawalan at hindi makitang mga anak, mga biktima ng pang-aabuso at ng lahat ng uri ng kawalang ng katarungan. Paghahangad ng bayan ng Diyos na makabangon sa pagkaalipin ng kahirapan at kawalang katarungan.


Ang pagtatatak at ang Bautismo ng Espiritu Santo, espiritu at sa apoy
Ang Mahal na INGKONG ang tinutukoy ni Juan Bautista na darating na kasunod niyang magbabautismo na higit sa kanya; ang magbabautismo sa espiritu at sa apoy “..Siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (Juan 1:33); “..Ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin.” (Mateo 3:11) Ang Panginoong Hesukristo ay hindi nagbinyag noon kundi ang kanyang mga alagad (Juan).